Chapter 21

8.9K 172 13
                                    

Anjo’s POV




AGAD akong nag-alala nang makita ko si Ava na luhaan habang palabas ng simbahan. Nabangga niya ako habang ako ay papasok. Nang tanungin ko siya ay hindi niya sinabi ang tunay na dahilan kung bakit siya umiiyak. Nagkaroon ako ng kutob na may malaki siyang problema. Hindi na ako mapakali kaya sinundan ko siya hanggang sa makarating siya ng Pansol. Pumasok siya sa isang parang private resort. Gusto ko sanang pumasok sa loob pero naisip ko na baka kung ano ang isipin ng mga taong nasa loob. Kaya matiyaga kong hinintay si Ava sa labas. Hanggang sa lumabas na siya at mas nag-alala ako nang makita ang ayos niya. Luhaan siya at wasak ang damit. Walang pagdadalawang-isip na nilapitan ko siya at ibinigay ang aking jacket. Dinala ko siya sa isang mumurahing motel dahil ang gusto niya ay magpalipas ng oras sa lugar na walang ibang tao. At doon ay nalaman ko ang dahilan kung bakit siya pumunta sa private resort na iyon…

“Ipinambayad ako ni Renzo sa utang niya kay Mr. Martin. Makikipag-sex ako sa taong iyon at pagkatapos ay kakalimutan na niya ang utang ng asawa ko. H-hindi ko alam na kaya pala niya ako pinapunta doon ay dahil sa bagay na iyon! Niloko niya ako. Ang sabi niya ay imi-meet ko doon ang dati niyang kaklase na papautangin siya ng pera!” Huminto siya saglit at nagpatuloy din agad. “Ginawa ko ang lahat, Anjo… Halos ibenta ko na ang lahat ng meron ako makapag-ipon lang ng pera na pambayad sa utang niya. At nang makaipon na ako, ipinatalo na naman niya sa sugal iyong perang naipon namin! Tapos ako ang ipambabayad niya! Anong klase siyang asawa, Anjo?! Ang sama niya! Napakasama niya!” Umiiyak at puno ng hinanakit na pagkukwento ni Ava sa akin.

Hindi ako makapaniwala na magagawa iyon ng isang lalaki sa sarili nitong asawa—ang ipambayad na parang isang bagay ang asawa nito.

Awang-awa ako kay Ava ng sandaling iyon. Wala akong alam na pwede kong ibigay sa kaniya ng oras na iyon para mapagaan ang kaniyang kalooban. Ang alam ko lang ay napakasakit ng nararamdaman niya. Kitang-kita ko iyon sa reaksiyon ng maganda niyang mukha.

Sa tanang ng buhay ko, ngayon ko lang siya nakitang umiyak ng ganoon. Samantalang noong kami pa ay hindi ko siya pinaiyak ng ganiyan. Umiyak lang siya noong papiliin ko siya at hiwalayan ko siya.

Sana ay hindi na lang kita hiniwalayan noon, Ava… Sana ay mas naging malawak ang isip ko. Edi, sana ay tayo pa ring dalawa hanggang ngayon… kusang sinabi iyon ng puso ko sa aking sarili. Hindi ko alam kung dala ng awa o dahil iyon talaga ang nais sabihin ng aking puso.

“Hindi ako nagkulang sa kaniya! Lahat ginawa  at ibinigay ko sa kaniya! Nagtiis ako sa lahat-lahat ng pananakit niya sa akin tapos ganito lang ang gagawin niya! Hayop siya!” Patuloy pa rin si Ava sa paglalabas nito ng sama ng loob.

Parang dinudurog ang puso ko sa nangyayari kay Ava. Wala akong kaalam-alam sa pinagdadaanan niya sa kaniyang asawa ko. Ang akala ko ay masaya siya, hindi pala.

Bigla ko siyang kinabig at ikinulong sa aking mga bisig. Ipinaramdam ko sa kaniya na nandito lang ako at hindi siya nag-iisa. “Alam ko, nasasaktan ka. Pero tandaan mo na hindi ka bibigyan ng Diyos ng pagsubok na hindi mo kaya. Nandito lang ako para sa iyo, Ava, kapag kailangan mo ako. Pangako…” sincere kong sabi.

“S-salamat, Anjo… B-baka kung saan na ako napunta kung hindi mo ako nakita.”

Kumalas ako sa pagkakayakap sa kaniya. Hinawakan ko ang magkabila niyang pisngi at naghinang ang aming mga mata. “Ano na ang plano mo ngayon? Gusto mo bang magsumbong sa mga pulis? Pwede kitang samahan kung handa ka na,” ani ko.

Umiling si Ava. “Sa ngayon ay huwag muna. Gusto kong makausap si Renzo!” tumiim ang bagang niya nang banggitin nito ang pangalan ng asawa nito.

“Sigurado ka ba?”

“Oo. Marami akong gustong sabihin sa kaniya!”

“Kung 'yan ang desisyon mo ay igagalang ko. Basta kapag kailangan mo ng tulong o kahit kausap lang ay nandito lang ako. Ituring mo akong kaibigan mo. Okay?”

CheatersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon