Anjo’s POV
KUMUHA ako ng maliit na palanggana na may tubig at basahan. Binasa ko ang basahan at ipinunas iyon sa dugong isinuka ni Lally sa sahig. Piniga ko iyon sa palanggana at binanlawan sa may lababo. Sinamahan ni Ava si Lally sa banyo para makapaglinis. Medyo nanghihina pa rin kasi si Lally at mabuti na lang ay nagprisinta si Ava na tulungan ito.
Pagkabuhos ko ng tubig na may dugo sa lababo ay bigla na lang akong napatulala.
Napaisip ako. Simula nang malaman namin ang tungkol sa sakit ni Lally ay nagbago na rin ang buhay ko. Kailangan kong kumayod nang husto para meron kaming panggastos sa pambili ng gamot niya. Halos araw-araw na nga akong nag-o-overtime. Ngunit kapag overtime ako ay nahahati ang isip ko. Inaalala ko kasi si Lally dahil wala siyang kasama dito sa bahay. Mabuti na nga lang at malaki-laki ang perang nakuha namin doon sa ball night ng mga kaklase ko. Hanggang ngayon ay may natitira pa sa perang iyon at nagagamit namin para sa gamutan ni Lally.
Oo, alam kong may taning na ang buhay ng asawa ko pero ilalaban ko siya. Kahit maubos pa ang kahuli-hulihang sentimo sa bulsa ko.
Ang nangyari kanina kay Lally ay hindi unang beses na nangyari. Ilang beses na siyang ganoon na sumusuka ng dugo sa kung saan. Bago ang kanina ay sa higaan siya napasuka. Kaya nahirapan ako sa paglalaba ng kumot at cover sa kama. Kapag nanghihina siya at hindi kayang kumilos ay ako ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay na siya ang gumagawa noon. May pagkakataon pa nga na uma-absent ako sa trabaho dahil nag-aalala ako sa panghihina niya.
May mga pagkain din siya na kapag sinabi niyang gusto niyang kainin ay binibili ko agad. Gusto ko kasi na masunod ang lahat ng gusto niya bago man lang siya mawala. Iyong wala akong pagsisisihan na may bagay akong hindi naibigay o nagawa para sa kaniya.
Oo, bukal sa puso ko ang ginagawa ko para kay Lally. Kinalimutan ko ang kasalanan niya noon dahil hindi iyon makakatulong sa sakit niya. Kaya lang… tao lang ako,e.
Napapagod din ako. Nauubos din ako.
Hindi man magandang sabihin pero minsan ay naiisip kong nakalimutan ko na ang sarili kong pangangailangan dahil kay Lally at sa sakit niya. Isa na diyan ang pakikipagsiping. Wala na kaming sex dahil ayokong napapagod siya. Hindi lang iyon. Halos wala na akong pahinga kapag nandito sa bahay dahil sa pag-aasikaso sa kaniya. Mas pagod pa nga ako sa bahay kesa sa trabaho ko, e.
Nakakapagod… Gusto ko rin naman na magpahinga kahit saglit. Pero wala na akong oras para gawin iyon. Ang pahinga ko lang ay ang pagtulog. Iyon na lang.
-----ooo-----
Ava’s POV
TINULUNGAN ko si Lally na makapaghugas ng sarili sa may banyo habang si Anjo ay nililinis ang dugo ni Lally sa may kusina. Pagkatapos namin sa banyo ay dumiretso kami sa kwarto nilang mag-asawa upang palitan siya ng damit. Inaalalayan ko siya dahil nanghihina pa rin siya. Parang anytime ay matutumba na lang si Lally.
“Dito ka lang, ha. Ako na ang kukuha ng damit mo. Saan ba nakalagay ang mga damit mo?” tanong ko matapos ko siyang paupuin sa may gilid ng higaan.
Itinuro niya ang isang maliit na aparador. Tumalima agad ako upang ikuha siya ng malinis na damit. Pang-itaas lang naman ang papalitan ko sa kaniya dahil iyon lang ang nabahiran ng dugo. Isa-isa kong ipinakita kay Lally ang mga damit at ang napili niya ay simpleng t-shirt na kulay pula.
Lumapit ako sa kaniya at nang huhubarin ko ang damit niya ay tila nahihiyang pinigilan niya ako. Nginitian ko siya. “'Wag ka nang mahiya sa akin. Parehas naman tayong babae, e,” sabi ko.
BINABASA MO ANG
Cheaters
RomanceNaghiwalay noon sina AVA at ANJO dahil sa kagustuhan ni Ava na makapagtapos sa pag-aaral. At sa paglipas ng maraming taon ay muli silang nagtagpo. Ngunit hindi na pwede ang lahat sa kanilang dalawa. Kapwa sila nakatali na ngunit hindi masaya sa kani...