Ava’s POV
“AVA?” untag sa akin ni Renzo nang hindi agad ako makasagot sa tanong niya. Agad akong nag-apuhap ng isasagot sa kaniya.
“Ah, 'yong ano… iyong sakit. Iyong dengue na sakit, baka kumalat dito sa lugar natin. N-nakakatakot. Si nanay ang kausap ko. Napag-usapan kasi namin ang paglabas ni Eris. Tapos iyon nga, sabi niya ay may tatlong bata na may dengue sa lugar nila. Iyon lang naman. Bakit ba? Saka kanina ka pa ba nakikinig sa usapan namin ng n-nanay ko?” Gusto ko lang makasiguro na iyon lang ang narinig niya.
Tumango siya. “Iyon lang. Kakarating ko lang kasi. Namili ako ng pang-sopas para makahigop ka ng sabaw. Habang natutulog ka ay umalis ako. Pero tama ka naman, nakakatakot kung kakalat iyong dengue dito sa lugar natin.” Kaya pala may eco bag sa ibabaw ng lamesa. Iyon yata ang mga pinamili ni Renzo.
“May sasabihin ka pa ba?” Malamig kong tanong.
“Kumusta na ang pakiramdam mo?”
“Medyo okay na. Sige, tutulog na ulit ako.” At walang lingon-likod na iniwan ko si Renzo sa kusina. Salamat naman at mukhang hindi siya nakahalata sa kung sino ang totoong kausap ko.
Bumalik na ako sa kwarto at muling humiga para ipagpatuloy ang aking pagtulog.
-----ooo-----
SA paggising ko ay may naamoy akong mabango. Amoy sopas. Tinotoo nga ni Renzo na hindi papasok at ipinagluto pa talaga ako ng sopas. Pagbaba ko sa kusina ay naabutan ko siyang nakaharap sa gas stove at nagluluto.
Paglingon niya ay awtomatikong ngumiti siya. “Tamang-tama ang gising mo dahil maluluto na ito. Kaunting kulo na lang ito, e,” sabi niya sabay harap ulit sa niluluto.
“Busog pa ako. Saka nagmamadali din ako gawa ng susunduin ko pa si Eris sa ospital.”
“Edi, mamaya pagkabalik ninyo ni Eris. Sabay-sabay na tayong kumain tatlo bago ka pumasok.”
“Bahala na. Kapag kapos sa oras ay hindi na ako magdi-dinner dito. Sa bar na lang siguro.”
Pumasok na ako sa banyo at naligo. Habang naliligo ay naisip ko kung sobra na ba ang ginagawa kong pambabalewala kay Renzo. Ewan, hindi ko alam. 'Di rin ako sure kung totoo ba ang ipinapakita niya ngayon o pakitang-tao lang para hindi ko siya iwanan. Isa pa, mas dapat kong isipin ang mga ginawa niya sa akin. Ang mga pananakit niya, iyong na-ospital ako dahil sa pambubugbog niya at lalo na iyong ipinambayad niya ako sa utang. Hindi naman siguro magagalit sa akin ang Diyos kung sakaling maging ganito ang pakikitungo ko sa aking asawa. Maiintindihan naman Niya siguro ako.
Ang sigurado lang ako na hindi Niya ako mapagbibigyan ay ang relasyon ko kay Anjo. Oo, mahal namin ang isa’t isa pero mali. Baligtarin man namin nang paulit-ulit ang mundo ay mali talaga. May asawa na ako, may asawa na rin si Anjo. Mali sa mata ng tao at ganoon din sa mata ng Diyos. Pero totoo nga ang sinasabi ng iba na masarap ang bawal. Kapag pinipigilan, mas lalong nagpupumiglas!
Kaya nga gagawin namin ni Anjo ang lahat para maging tama ang lahat sa aming dalawa. Naniniwala ako na sa dulo ay kaming dalawa pa rin ang magtatagpo…
-----ooo-----
“ERIS!” Nagningning ang mga mata ko nang makita ko ang anak ko na kalaro na ang nanay at tatay ko sa hospital room na kinaroroonan niya.
Parang gusto kong maiyak nang makita ko siyang masigla at mataginting ang pagtawa. Ang layo na niya doon sa Eris na dinala ko dito sa ospital dati. Talagang magaling na nga siya. Malaking pasalamat ko rin sa Diyos dahil hindi Niya pinabayaan ang aking nag-iisang anak.
BINABASA MO ANG
Cheaters
RomanceNaghiwalay noon sina AVA at ANJO dahil sa kagustuhan ni Ava na makapagtapos sa pag-aaral. At sa paglipas ng maraming taon ay muli silang nagtagpo. Ngunit hindi na pwede ang lahat sa kanilang dalawa. Kapwa sila nakatali na ngunit hindi masaya sa kani...