Anjo’s POVMATAPOS namin magkape ni Lally ay dumiretso kami sa doktor niya na kakilala ng kaniyang pamilya. Kailangan niya kasing magpa-check up at kumuha ng mga gamot. Malaking tulong sa amin ang perang nakuha namin sa ball night na isinagawa ng mga kaklase ko noong high school. Maswerte din kami na may kakilalang doktor si Lally. Minsan ay nakakalibre kami ng check up o hindi naman kaya ay may malaking discount.
Ayon sa doktor ni Lally ay patuloy na dumadami ang cancer cells sa katawan ni Lally at malaki ang posibilidad na mahawa pati ibang organs ng aking asawa. Kaya kailangan na magpa-check up ito upang kahit papaano ay mapabagal ang pagkalat ng cancer at humaba kahit papaano ang buhay ni Lally.
Isang taon… Iyan ang itinaning ng doktor sa aking asawa.
Isang taon? Napakaikling panahon na lang para makasama ko siya. Nakakalungkot lang na hindi kami nabiyayaan ng anak. Ngunit naiintindihan ko rin dahil sa kalagayan niya ngayon. Pero may bahagi ko na sinisisi si Lally dahil noong hindi pa namin alam na may sakit siya ay ayaw niya pala talagang magkaroon ng anak. At talagang natuwa pa siya nang malaglag ang magiging anak sana namin noon.
Napakalaki ng kasalanan niya sa akin. Muntik ko na nga siyang hiwalayan.
Alam ko, hindi ito ang tamang panahon para sumbatan ko siya. Mas kailangan ni Lally ang pagmamahal at pag-aalaga ko. Hindi makakatulong sa sakit niya kung manunumbat at magagalit ako.
Kanina nga pala ay nagkita kami ulit ni Ava. Unexpected iyon. Malay ko ba na naroon din siya sa supermarket. Sa totoo lang ay masaya ako na nakita ko ulit si Ava at nalaman kong malapit lang pala kami sa isa’t isa.
Hindi ko alam pero siguro dahil na-miss ko lang siya. Hindi naging maayos ang paghihiwalay namin noon. Wala na ang galit ko sa kaniya. Ang gusto ko nga ay maging kaibigan siya kaya lang parang hindi na tama. Kapwa may asawa na kami. Isa pa, alam ni Lally kung sino si Ava sa buhay ko. Baka pag-ugatan pa iyon ng selos niya kahit pa sabihing parang maganda ang pakikitungo ng asawa ko sa ex-girlfriend ko na si Ava.
Medyo nagtataka din ako kay Lally. Masyado siyang mabait kay Ava. Wala lang ba talaga sa kaniya na ex ko si Ava at may nakaraan kami? Talagang inaya pa niya itong sumama sa akin na magkape.
“Anjo, napa-doble pala ang bili natin sa butter…” Hindi na naituloy ni Lally ang pagsasalita nang makita niya akong nakaupo at nakatulala.
Kasalukuyan kaming nag-aayos ng mga pinamili namin.
Lumapit siya sa akin. “Bakit ang tahimik mo yata?”
“Wala… Nagtataka lang ako sa iyo, Lally. Alam mo naman na ex ko si Ava, 'di ba?”
“Oo,” sagot niya na may kasamang pagtango.
“Para kasing gusto mo siyang maging kaibigan. Inaya mo pa siya na sumama sa atin na magkape.”
“O, ano ang problema doon, Anjo? Mukhang mabait naman si Ava, e. Bakit? Naiilang ka ba sa kaniya? Dapat ba akong kabahan na may feelings ka pa sa kaniya kasi kung wala na ay bakit ka maiilang sa kaniya, 'di ba?” Mahinahong sabi ni Lally. Kahit sinasabi niya iyon ay hindi nababakasan ng pagseselos ang mukha niya.
“Siyempre, wala!” Mabilis kong sagot. “Ikaw lang ang iniisip ko, Lally. Baka kasi napipilitan kang maging friendly kay Ava kasi kakilala ko siya o bahagi siya ng tumulong sa atin. Doon sa ball night. Kung hindi ka kumportable na maging kaibigan siya ay ayos lang.”
“Anjo, hindi… Bukal sa loob ko ang kagustuhan ko na maging kaibigan siya dahil nararamdaman ko na mabuti siyang tao. Alam ko na wala akong dapat ikatakot dahil bukod sa parehas na kayong may asawa ay pinagkakatiwalaan kita. Sigurado ako na hindi ka gagawa ng bagay na masasaktan ako.”
![](https://img.wattpad.com/cover/200508985-288-k515927.jpg)
BINABASA MO ANG
Cheaters
RomanceNaghiwalay noon sina AVA at ANJO dahil sa kagustuhan ni Ava na makapagtapos sa pag-aaral. At sa paglipas ng maraming taon ay muli silang nagtagpo. Ngunit hindi na pwede ang lahat sa kanilang dalawa. Kapwa sila nakatali na ngunit hindi masaya sa kani...