Ava’s POV
DENGUE. Ayon sa doktor ay iyon ang sakit ni Eris at sobrang mababa na ang platelet counts niya kaya kailangan siyang i-confine upang maobserbahan nang maayos. Diyos ko! Bakit naman ngayon pa nagkasakit ang anak ko kung kailan wala akong pera? Tapos matagal pa bago ako sumahod sa trabaho ko dahil kakasimula ko pa lang. Kinapalan ko na nga lang ang mukha ko at bumale na agad ako. Kaya lang kalahati lang ng sahod ko para sa cut off na iyon ang naibigay sa akin. Hindi rin naman ako makalapit sa mga magulang ko dahil kung wala ako ay mas lalo na sila.
Nang ma-confine na si Eris ay dumiretso na agad ako sa chapel ng ospital upang ipagdasal ang kaligtasan ng aking anak. Lalo na’t may alam ako na kaso ng dengue na namatay ang pasyente. Pagkalabas ko ng chapel ay sinalubong ako ng nanay ko at ipinakita niya sa akin ang bill ni Eris. Halos malula ako dahil wala akong ganoong pera ngayon.
“'Nay, saan naman ako kukuha ng ganiyang pera? Iyong nabale ko ay naibayad ko na kanina,” problemado kong turan habang sapo ang aking noo.
“Anak, pasensiya ka na kung wala kaming maibigay ng tatay mo, ha.”
“Hindi po kayo dapat humingi ng pasensiya sa akin, nanay. Naiintindihan ko naman po, e. Saka iyong pagpapatuloy ninyo sa amin ni Eris ay sobrang laking bagay na.”
“Anak, ano kaya kung…” Hindi muna niya itinuloy ang sasabihin. Tila nag-aalangan siya. “Ang sa akin lang ay suhestiyon lang pero ano kaya kung humingi ka ng tulong kay Renzo. Tatay siya ni Eris at responsibilidad niya na suportahan si Eris sa lahat ng bagay. Lalo na sa ganitong sitwasyon. Si Renzo na lang kasi ang nakikita kong maaaring tumulong sa atin sa mga gagastusin pa ni Eris habang nandito siya sa ospital. Ang sabi kasi sa akin no’ng nurse ay lalaki pa 'yang bill kasi mukhang magtatagal dito si Eris.” Sa isang private hospital nila kasi dinala si Eris kasi iyon ang pinaka malapit.
Napaisip ako sa sinabi ng aking ina.
Kung ako lang ang tatanungin ay ayaw ko nang lumapit kay Renzo para humingi ng tulong. Kaya lang buhay na ng anak ko ang nakasalalay dito at mas matimbang iyon kesa sa pride ko.
Nanghihinang napatingin ako sa kawalan habang patuloy sa pag-iisip. “Hayaan ninyo, 'nay. Pag-iisipan ko po iyan…” turan ko.
-----ooo-----
KAHIT sa panaginip ay hindi ko pinangarap na muling bumalik sa bahay ni Renzo at makaharap siya mismo. Pero anong magagawa ko? Buhay ni Eris ang involve at kaya kong gawin ang lahat para sa anak ko. Kahit ang ibaba ko ang sarili ko ay kaya kong gawin para sa kaniya. Kaya heto ako ngayon sa bahay ni Renzo o mas tamang sabihin na bahay namin. Nasa salas ako at kaharap ko siya. Ngiting-ngiti ang gago na parang tuwang-tuwa na nandoon ako.
Napansin ko na medyo pumayat siya kahit ilang araw lang kaming hindi nagkita. Naroon pa rin ang pasa na likha ng pambubugbog dito ng mga tauhan ni Mr. Martin pero hindi na ganoon kalala gaya noong umalis ako.
Pati ang ayos sa bahay ay hindi na maganda. Ang lagkit ng sahig. Halatang hindi na nalilinis at nalalampaso. Puro alikabok na ang mga gamit pati ang mismong upuan.
“May gusto ka bang kainin, Ava? Drinks? Juice? Tubig—”
“Huwag ka nang mag-abala pa.”
“'Yong mga gamit mo pala, nasaan? Si Eris?” Tila excited niyang tanong.
Ano bang akala niya? Babalik na ako dito? Pwes, nagkakamali siya dahil hindi na iyon mangyayari.
“Renzo, hindi ako nagpunta dito para balikan ka o bumalik dito. Ayoko nang magpaliguy-ligoy pa…” Bumagsak ang balikat nito at nalungkot ang mukha. “Nasa ospital si Eris dahil na-dengue siya. K-kritikal ang lagay ng anak natin at kailangan ko ng tulong mo sa pinansiyal.”
BINABASA MO ANG
Cheaters
RomanceNaghiwalay noon sina AVA at ANJO dahil sa kagustuhan ni Ava na makapagtapos sa pag-aaral. At sa paglipas ng maraming taon ay muli silang nagtagpo. Ngunit hindi na pwede ang lahat sa kanilang dalawa. Kapwa sila nakatali na ngunit hindi masaya sa kani...