Ava’s POV
INIHARAP ako ni Renzo sa kaniya at nakita ko na tigam ng luha ang kaniyang mukha. Bigla siyang lumuhod sa harapan ko at niyakap ang aking mga binti. “Parang awa mo na, Ava! Huwag kang umalis! Huwag mo akong iiwanan. Hindi ko kaya na wala ka! Magbabago na ako! Parang awa mo na!” iyak pa niya.
Inalis ko ang pagkakayakap niya sa binti ko at itinulak siya. “Hindi na ako naniniwalang magbabago ka pa, Renzo! Ganiyan ka lang naman ngayon pero paglipas ng araw, babalik ka na naman sa dati. Isa pa, sinabi ko na sa iyo. Ayoko nang makasama ka!” galit na bulyaw ko sa kaniya.
Inilabas ko na ang lahat ng damit ko. Nagmamadali ko iyong isinilid sa maleta na hinugot ko sa ilalim ng kama. Habang nag-eempake ako ay nakayakap lang si Renzo sa likuran ko at umiiyak. Hindi ko na lang siya pinapakinggan dahil baka magbago lang ang isip ko kapag awa ang pinairal ko. Pagkatapos kong mag-empake ay nagpalit lang ako ng damit at naghanda na sa pag-alis. Desidido na akong gawin ito. Wala nang magagawa si Renzo para pigilan ako.
Palabas na sana ako ng kwartong iyon nang humarang si Renzo sa may pintuan. “K-kapag iniwan mo ako, m-magpapakamatay ako! Seryoso ako, Ava!” Pananakot pa niya.
“Ganiyan ka na ba talaga kadesperado? Saka anong magpapakamatay ang sinasabi mo? E, takot na takot ka nga na patayin ni Mr. Martin tapos sasabihin mong magpapakamatay ka? 'Wag ka ngang magpatawa! Duwag ka, Renzo. Duwag!” Mariin kong turan sa kaniya.
Tinamaan siya nang husto sa mga sinabi ko kaya nang hinawi ko siya ay hindi na niya ako pinigilan pa. Napatulala na lang siya sa kawalan at hinayaan na lang ako na makalabas ng kwarto namin.
Mabigat man ang loob ko sa gagawin kong ito pero alam kong ito ang tama. Dapat nga ay matagal ko na itong ginawa. Dapat ay noon pa. Hindi ko na dapat pa pinaabot sa ganito. Kasalanan ko rin dahil masyado akong naging martir. Masyado akong naging tanga! Umasa ako na magbabago pa si Renzo. Totoo ngang nakakamatay ang umasa dahil mas lumala pa si Renzo. Palala siya nang palala.
“Sigurado bang aalis ka na?” Narinig kong tanong ni Renzo nang akmang pababa na ako sa hagdan.
“Sigurado na ako.” Walang emosyon kong sagot nang hindi siya hinaharap.
“Si E-eris, paano siya? Paano na ang kinabukasan niya? K-kaya mo ba siyang palakihin nang mag-isa? Makakaya ba ng konsensiya mong lumaki siya nang walang ama? Kaya mo bang sagutin ang tanong niya kapag nagkaroon na siya ng isip kung bakit wala siyang tatay?”
Natigilan ako sa sinabi ni Renzo. Bigla kong napagtanto ang anak namin. May punto si Renzo. Kaya ko bang mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak ko ng ako lang? Pero kung magkakaroon siya ng amang katulad ni Renzo, huwag na lang siguro.
“Kakayanin ko, Renzo!” Malamig kong turan at nagpatuloy na ako sa pagbaba ng hagdan.
-----ooo-----
GANOON na lang ang pagtataka ng nanay at tatay ko nang umuwi ako sa amin na bitbit ang mga gamit ko. Sinabi ko sa kanila na nagkaroon kami ng pag-aaway ni Renzo at napagdesisyunan namin na maghiwalay muna. Sinabi ko na hindi lang kami nagkasundo sa paggastos ng aming budget. Ayokong sabihin sa kanila ang totoong dahilan kung bakit umalis ako sa bahay namin ni Renzo. Asawa ko pa rin siya at pinoprotektahan ko lang ang imahe niya. Ayokong masira siya sa mga magulang ko. Gusto ko na 'yong problema namin ay sa aming dalawa na lang.
“Ang liit na bagay naman pala ng pinag-awayan ninyong mag-asawa para maghiwalay kayo, anak. Bakit hindi kayo mag-usap ng masinsinan ni Renzo?” ani ng nanay ko habang inilalabas ko ang mga damit ko sa maleta.
Naroon kami sa dati kong kwarto na hanggang ngayon ay maayos pa rin. Nasa ibabaw kami ng kama. “'Nay, saka na lang siguro. Sa ngayon, mas okay na magkahiwalay muna kami ni Renzo,” sagot ko.
BINABASA MO ANG
Cheaters
RomanceNaghiwalay noon sina AVA at ANJO dahil sa kagustuhan ni Ava na makapagtapos sa pag-aaral. At sa paglipas ng maraming taon ay muli silang nagtagpo. Ngunit hindi na pwede ang lahat sa kanilang dalawa. Kapwa sila nakatali na ngunit hindi masaya sa kani...