Anjo’s POV
“SIGE na, Anjo! Uminom tayo!”
Pilit ni Lally nang hindi ko hawakan ang baso ng alak na inaalok niya.
“Bawal sa iyo ang alak, 'di ba? Bakit ka iinom niyan?” seryoso kong paalala.
Umiling siya. “Walang bawal-bawal ngayong gabi! Lahat pwede. Kaya sige na, huwag kang KJ diyan. Kunin mo na ang baso at uminom tayo. Gusto ko ay sabay tayong iinom. Ang sarap magpakalasing ngayong gabi!” Tumawa pa siya ng malakas na parang nasisiraan ng bait.
“Hindi nga sabi pwede, Lally. Baka nakakalimutan mong may sakit ka—”
“Sakit-sakit! Putang ina! Sa kamatayan din naman ang punta ko kaya mas maganda na gawin ko na ang lahat ng gusto ko! Kaya uminom na tayo. Bilis na!” Patuloy na pamimilit niya. Hindi na ako nagsalita. Matiim akong nakatingin sa kaniya. “Ayaw mo? Edi, ako na lang!” Akmang iinumin na niya ang alak sa basong hawak niya.
Tumayo ako nang mabilis at inagaw ang baso sa kaniya. Natapon ang laman niyon sa mga kamay namin. Inilayo niya ang kamay na may hawak sa baso.
“Ano ba?! Natapon na tuloy!” inis niyang sabi.
Mabilis niyang ininom ang natirang alak sa baso. Nainis na ako sa ginawa niya kaya inagaw ko ang baso at itinapon iyon sa sahig. Nabasag ang baso at kumalat ang bubog niyon. “Bakit ba ang tigas ng ulo mo?! Bawal nga sa iyo ang alak!” bulyaw ko sa kaniya.
“'Di ba, masarap ang bawal?! Kaya bakit mo ako pipigilan kung gusto ko ng alak!” Dinampot ng kamay niya ang bote ng alak pero mabilis ko iyong inagaw sa kaniya.
Naguguluhan na ako sa ikinikilos ni Lally. Hindi ko maintindihan kung bakit siya ganito ngayon. Dati naman ay hindi siya nagpipilit na uminom ng alak dahil alam niyang makakasama iyon sa kalagayan niya. Wala iyong maidudulot na maganda sa kalusugan niya sa ngayon.
Malalaki ang hakbang na tinungo ko ang lababo habang dala ang bote ng alak. Itinaktak ko sa lababo ang laman niyon. Pilit namang inagaw ni Lally ang bote sa akin pero hindi ako nagpatalo sa kaniya.
“Ano bang ginagawa mo?! Sayang ang alak! Akin na iyan! Gusto kong uminom! Gusto kong malasing!” Patuloy na sigaw niya.
Nang wala nang laman ang bote ay saka ko lang iyon ibinigay sa kaniya. “Tumigil ka na, Lally!” bulyaw ko.
“Hayop ka! Itinapon mo lahat ng alak ko!” sigaw niya sabay tapon ng bote sa dingding. Nabasag din iyon gaya ng baso. Ganoon na lang ang gulat ko nang sinugod niya ako at pinagsasampal sa pisngi nang malakas.
Hinuli ko ang mga kamay niya at nang mahawakan iyon ay hindi ko na pinakawalan. “Ano bang nangyayari sa iyo, Lally?!” Nalilito kong sigaw sa kaniya. Kanina, gusto niyang maglasing tapos sinasaktan niya ako nang hindi ko alam ang dahilan.
“Anong nangyayari sa akin?! Bakit hindi mo tanungin ang sarili mo kung bakit ako nagkakaganito?!”
Bigla akong nanlamig sa sinabi ni Lally. Hindi nga kaya… alam na niya?
Hindi na ako nakapagsalita. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin. Ipiniksi niya ang mga kamay kaya nagawa niyang makawala mula sa pagkakahawak ko doon.
“O, bakit hindi ka makapagsalita ngayon? Kaya ako naghanda kasi may celebration ngayong gabi. Iyon ay ang pagkakahuli kong may kabit ang asawa ko kahit alam niyang may taning na ang buhay ko. 'Eto pa, ang kabit pala niya ay walang iba kundi ang ex niyang akala mo ay anghel sa bait!” Nanlisik ang mga mata ni Lally. “Oo, Anjo! Alam ko nang kabit mo si Ava! Mga hayop kayo! Kailan niyo pa ako niloloko?! Kailan pa?!” May luhang pumatak mula sa mata niya.
BINABASA MO ANG
Cheaters
RomanceNaghiwalay noon sina AVA at ANJO dahil sa kagustuhan ni Ava na makapagtapos sa pag-aaral. At sa paglipas ng maraming taon ay muli silang nagtagpo. Ngunit hindi na pwede ang lahat sa kanilang dalawa. Kapwa sila nakatali na ngunit hindi masaya sa kani...