Ava’s POVALAS kwatro na ng madaling araw pero gising na gising pa rin ako. Wala akong maayos na tulog dahil panay ang gising ko. Paano ba naman ako makakatulog kung hanggang ngayon ay wala pa rin si Renzo. Simula nang umalis siya kanina para magbayad ng utang doon kay Mr. Martin ay hindi pa rin siya umuuwi dito sa bahay. Makailang ulit kong sinubukang tawagan ang cellphone niya pero hindi niya sinasagot. Noong una ay nagri-ring lang pero ngayon ay naka-off na yata ang cellphone niya. Dito na nga ako sa sofa sa salas natulog upang alam ko agad kapag dumating siya.
Ang sabi niya kasi ay sabay kaming magdi-dinner pero hindi siya umuwi kagabi. Nagluto pa naman ako ng masarap na ulam.
Nag-aalala ako dahil baka kung ano na ang nangyari sa kaniya. May dala siyang malaking halaga ng pera. Paano kung may nakaalam na may dala siyang ganoon tapos hinoldap siya o kung ano ang ginawa sa kaniya?
Diyos ko! Huwag naman po sana! Sana ay hindi magkatotoo ang aking iniisip. Sana ay ligtas ang asawa ko…
Antok na antok na ako. Nangangalumata na ang mga mata ko. Tila anumang oras ay babagsak na iyon. Ang mabuti pa siguro ay magtimpla muna ako ng kape upang magising ako kahit papaano. Gusto ko kasi na pagdating ni Renzo ay gising ako.
Naglakad ako papunta sa kusina at nagtimpla ng kape. Habang hinahalo ko ang kape na nasa mug ay napapitlag ako nang may marinig akong malakas na kalabog sa may pinto. Napahinto ako sa aking ginagawa at napahawak sa aking dibdib. Ano kaya ang dahilan ng tunog na iyon? Parang malakas na hinampas ng kung anong bagay ang pinto namin, e.
Kahit may kaunting takot ay pilit kong nilakasan ang aking loob. Pumunta ako sa main door ng aming bahay at marahang inalis ang lock niyon.
Pagbukas ko ng pinto ay nagulat ako nang biglang bumagsak sa paanan ko si Renzo! Sa tingin ko ay napasandal siya doon at iyon ang lumikha ng malakas na kalabog. Kaya nang buksan ko ay natumba siya. Inisip ko na baka lasing siya kaya ganoon ang kaniyang kilos.
“Renzo!” Nag-aalalang dinaluhan ko ang asawa ko. Nakasubsob siya sa may sahig. Ang kalahati ng katawan niya ay nasa labas ng aming bahay.
Nang iharap ko siya ay mas lalo akong nagulantang nang makitang puno ng pasa ang kaniyang mukha. May mga dugo din siya sa kaniyang damit. Halos hindi ko na makilala si Renzo sa tindi ng pasa niya. Sa hitsura niya, alam kong binugbog siya nang husto.
“Diyos ko! Anong nangyari sa iyo?!” Mangiyak-ngiyak kong tanong.
Umungol si Renzo. “T-tulungan m-mo ako…” Halos hindi ko na maintindihan ang pagsasalita niya. Nakapikit siya nang mariin. Iniinda niya ang sakit sa pamamagitan ng impit na sigaw.
“S-sandali… tutulungan kita…” May luhang pumatak mula sa mata ko. Awang-awa kasi ako sa hitsura ni Renzo.
Umayos ako ng tayo sabay yukod. Hinawakan ko siya sa magkabila niyang kili-kili at pilit na itinayo. Pero dahil sa bigat niya ay hindi ko siya magawang maitayo mula sa pagkakahiga. Kaya ang ginawa ko ay hinila ko na lang siya papasok ng bahay. Iniwan ko siya sandali upang isarado ang pinto. Muli ko siyang hinila. Kahit hirapan ay nagawa ko pa rin siyang maihiga sa sofa.
Tumakbo agad ako sa kwarto namin upang kumuha ng alcohol at bulak. Binalikan ko si Renzo upang linisin ang sugat at mga dugo niya sa mukha at katawan.
“Sino ang may gawa nito sa iyo? Bakit ka naman nila ginanito?” Patuloy ako sa pag-iyak habang nilalapatan ko ng bulak na may alcohol ang sugat niya. “Dalhin na kaya kita sa ospital? O magsumbong tayo sa mga pulis!”
Panay ang ngiwi niya sa bawat dampi ko. “H-huwag. A-ayoko… Ayoko sa ospital a-at hindi ka rin pwedeng magsumbong sa mga pulis…” ani Renzo.
“Bakit hindi? Kailangang managot ang gumawa nito sa iyo! Mga hayop sila!”
BINABASA MO ANG
Cheaters
RomanceNaghiwalay noon sina AVA at ANJO dahil sa kagustuhan ni Ava na makapagtapos sa pag-aaral. At sa paglipas ng maraming taon ay muli silang nagtagpo. Ngunit hindi na pwede ang lahat sa kanilang dalawa. Kapwa sila nakatali na ngunit hindi masaya sa kani...