Chapter 51

105 32 5
                                    

Mia's POV

Pabagsak akong naupo sa kama ko. Nilingon ko ang litrato ni lolo Isko na nakapatong sa mesa sa tabi ng kama. Napabuntong-hininga ako nang maramdaman ang pagtulo ng luhang kanila ko pa pilit na pinipigilan. Wala siya dito sa Pilipinas dahil hinahanap niya na ang babaeng mahal niya. Ang isiping iyon ay lalong dinudurog ang puso ko. Pakiramdam ko ay maling inisip ko pang ibalik sa kanya ang bagay na ito at ang umasang baka kapag nakita niya akong muli ay magagawa ko ng baguhin ang tinitibok ng puso niya.

"Lo, alam ko namang hindi kayo kailanman nagsinungaling sa akin pero ang sabi niyo ay masarap sa pakiramdam ang unang pag-ibig ngunit bakit ang sa akin ay masakit?" napapabuntong-hininga akong lumapit sa litrato at dinampot ito.

Tumitig ako sa nakangiting larawan ni lolo Isko. Maganda ang pagkakangiti niya rito ngunit nalulungkot ako sa tuwing masisilayan iyon. Hindi ko kailanman naisip na pwede palang madurog ang puso ng dalawang beses dahil sa iisang rason. Totoong sinubukan kong hindi mahulog kay Ram noong nasa probinsya siya dahil batid kong nakalaan na ang puso niya para sa iba at kailanman ay hindi magiging ako iyon. Ngunit sadyang kay hirap pigilin ng damdamin. Kay hirap turuan ng puso dahil nahuhulog ito sa mga pagkakataong hindi mo alam kung may sasalo.

Knock! Knock!

Agad kong pinahid ang mga luhang tumutulo mula sa mga mata ko nang may marinig akong katok sa pintuan ko. Ibinalik ko ang litrato sa lamesa saka ako nagtungo sa pinto upang buksan ito. Si kuya ang bumungad sa akin.

"May kailangan ka ba sa akin, kuya?" pinilit kong ngumiti.

"I'm worried. Kung gusto mong umiyak, I'm always here, Mj. Kuya mo ako at hindi kita hahayaang masaktan ng mag-isa," puno ng sinseridad na anang kapatid ko.

Bumuntong-hininga ako at yumakap sa kanya. "Salamat, kuya. Sa totoo lang ay nalulungkot talaga ako dahil hindi ko na maibabalik kay Ram itong kwintas niya," yumuko ako upang tingnan ang tinutukoy. "Pero wala naman akong magagawa kung hindi kami nakatadhanang magkita, hindi ba? Magiging ayos din ang lahat kaya naman sa ngayon ay pagtutuunan ko ng pansin ang magiging buhay ko bilang isang mag-aaral dito sa Maynila dahil siguradong iba ito sa probinsya," mahabang litanya ko.

Niyakap ako ni kuya. Naramdaman ko namang tinapik-tapik ni kuya ang likod ko.

"Basta lagi mong tandaan na narito lang ako kapag kailangan mo ako. Sasama ka sa akin ulit bukas kaya pagkatapos nating kumain ng dinner ay magpahinga ka na," saka niya lang ako binitawan mula sa pagkakayakap.

"Opo, kuya? Magpapalit lang ako matapos ay dudulog na ako sa hapag-kainan," nakangiting wika ko.

Nang umalis si kuya ay muli na naman akong napabuntong-hininga ngunit agad ko rin iyong pinawi. Ayokong masyadong malungkot sapagkat wala din namang patutunguhan. Siguro nga ay hindi kami nakatadhanang magkita ni Ram. Hindi kami ang para sa isa't isa kaya't tadhana na ang nagmumulat sa akin sa katotohanang iyon.

Matapos kong maligo at magpalit ay lumabas na ako sa silid at tumungo sa hapag-kainan.

"Maupo ka na, hija," ani aling Delia saka ako pinagsilbihan. Ilang beses ko ng sinabing kaya ko ngunit siya itong mapilit kaya't hinayaan ko na lang sapagkat sabi niya ay iyon daw ang trabaho niya.

"Salamat po," sabi ko matapos niyang magawa ang pagsisilbi.

"Kamusta ang lakad ninyo? Natuwa ka ba sa mga nakita mo?" tanong niya habang kumakain kami.

"Opo. Marami po palang magagandang lugar dito sa Maynila. Dati rati'y nababasa ko lamang ang mga iyon sa libro at magazine pero ngayong araw ay nagawa ko puntahan at pagmasdan," masayang sagot ko.

SBS 1 : One Last Cry [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon