Chapter 23

222 101 2
                                    

Mia's POV

Hindi ko alam kung ano nang itsura ko ngayon. Hindi pa ako natutulog simula ng makauwi ako dito sa bahay. Wala akong ibang ginawa kundi ang umiyak ng umiyak hanggang maubos ang mga luha ko pero hindi naman talaga nauubos ang luha eh. Hinayaan lang ako ni lolo na umiyak at humagulgol dahil hindi ko naman siya sinasagot ng tanungin niya ako. Isa pa, wala rin naman akong maisasagot sa kanya.

Sigurado ako na magang-maga na ang mga mata ko ngayon dahil sa kakaiyak. Naririnig ko na ang tilaok ng mga manok pero heto pa rin ako at nagdadrama. Kasalanan ko rin naman eh. Nasasaktan ako dahil hinayaan ko ang sarili ko na mahulog sa kanya. Kahit anong pigil ko, sa tuwing nandiyan siya, hinahayaan ko na puso ko ang magdikta. Ngayon, nasasaktan ako.

Umasa kasi ako na baka magustuhan na niya ako dahil sa mga kilos niya at dahil lagi kaming magkasama.

Nakalimutan kong kaya pala siya gan'on sa akin ay dahil kamukha ko ang babaeng mahal niya.

Nakalimutan ko na kahit anong mangyari ay hinding-hindi niya kalilimutan ang babaeng mahal niya para lang sa kamukha nito.

Hindi niya kalilimutan si Venice para sa 'kin.

Naramdaman ko na naman ang pamumuo ng mainit na tubig sa mga mata ko hanggang sa tuluyan na naman itong tumulo.

Akala ko dati masaya ang makaranas ng unang pag-ibig.

Pero mali ako.

Masakit pala.

Sobrang sakit.

Napakasakit magmahal ng taong may iba nang pinaglaanan ng puso niya.

Napakasakit mahalin ni Ram dahil kahit kailan hindi niya ako magagawang mahalin bilang ako.

Pero siguradong makakalimutan ko rin siya.

Kung gaano ako kabilis nahulog sa kanya, sana gan'on ko rin siya kabilis na malilimutan.

Isang araw na lang naman.

Huli na ngayon tapos wala na.

Hindi ko na siya ulit makikita. Dapat makapagpaalam ako kay Ram ng maayos ngayong araw na ito dahil bukas na ang alis nila at hindi ko siya kayang makitang umalis kaya nagpasiya ako na hindi na siya samahan bukas.

Dahan-dahan akong naupo habang pinupunasan ang luhaang pisngi ko. Masakit na ang ulo ko kakaiyak at mahapdi na rin ang mga mata ko. Tulog pa rin si lolo kaya bumangon na ako at naghanda ng magluto ng umagahan. Sa wakas ay tumigil na rin ang mga mata ko sa pagluha pero patuloy pa rin sa pagkirot ang puso ko.

Makakalimutan mo rin siya, Mia, pagkatapos ng araw na 'to ay babalik na sa dati ang buhay mo. Katulad noong hindi mo pa siya nakikilala.

Paulit-ulit ko 'yang inuusal sa sarili ko. Pilit kong pinaniniwala ang isip ko na magagawa ko nga 'yan nang madali.

Matapos kong magluto ay naligo na ako at nagpalit. Nasisiguro kong maya-maya lang ay darating na si Ram para sa huling araw ng pagsasama namin.

Pagharap ko sa maliit na salamin ay napabuntong-hininga na lang ako dahil parang pinagpiyestahan ng ipis ang mga mata ko sa sobrang pamamaga at para akong may sore eyes dahil sa pula nito. Mabuti na lang at nakita ko yung sunglasses ni kuya Ken na naiwan niya dito sa bahay. Kinuha ko iyon at isinukat. Kasya naman kahit magmumukha akong shunga.

Nang buksan ang pinto ng bahay ay maliwanag na ang paligid. Gaya ng dati ay sinalubong ako ng malamig na hangin. Napabuntong-hininga ako at otomatikong napalingon sa bahay nila Ram. Nakita ko namang lumabas si Kian at tumingin sa gawi ko kaya kinawayan ko siya. Pinanood ko siyang maglakad palapit sa direksyon ko.

SBS 1 : One Last Cry [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon