Mia's POV
Maaga akong nagising gaya ng nakasanayan ko. Napangiti ako nang bumungad sa harapan ko litrato ni lolo na ipinatong ko sa mesang katabi ng kama ko. Napapabuntong-hininga ko itong kinuha saka ako sumandal sa kama.
"Lolo, kung nandito lamang kayo ay paniguradong magkakasundo kayo ni Aling Delia dahil pareho kayong mahilig magbiro. Siguradong magugustuhan niyo rin itong bahay na ipinatayo ni kuya Ken dahil napakaganda nito," nakangiting sabi ko habang nakatitig dito.
"Alam niyo po, 'lo, hanggang ngayon nami-miss ko pa rin kayo. Alam kong paulit-ulit ko itong sinasabi pero hindi po ako magsasawang sabihin sa inyo na mahal na mahal ko kayo at araw-araw ko kayong kasasabikan, lolo Isko," nakangiti kong pinawi ang nga luhang tumulo mula sa aking mga mata.
"Alam ko pong masaya kayo kung nasaan man kayo ngayon. Alam ko din pong kahit wala na kayo sa mundong ito ay patuloy niyo pa rin kaming binabantayan. Sana nga lang po ay hindi muna kayo namahinga para mas makasama pa namin kayo," kahit sabihin kong ayos na ako mga luha ko ang nagsasabing labis pa rin akong nangungulila kay lolo Isko.
Niyakap ko ang litrato ng lolo at hinayaang tumulo ang nga luha ko. Kay bigat pa rin sa pakiramdam ang katotohanang wala na siya. Kay hirap pa ring tanggapin na hindi na namin siya nakakasama. Kahit ilang buwan na ang nakalilipas ay tila bagong-bagong pa rin ang mga sugat na dala ng kanyang pagpanaw.
"Mj, umiiyak ka na naman?" napatingala ako kay kuya na nakatayo na ngayon sa pinto.
Bumuntong-hininga siya at tiningnan ako ng may awa at lungkot sa mga mata. Maging siya ay nakita kong umiyak noong mamatay si lolo. Mabuti na lang at nakarating sina Kian at kuya Miro kaya kahit papaano ay nagkaroon kami ng karamay at hindi gaanong nalungkot. Naroon din ang mga kapitbahay namin na siyang tumulong sa amin sa pagsasaayos sa lamay.
"I know it's hard for you. Alam kong masakit pa rin para sayo ang pagkawala ni lolo. Hindi kita pipigilan sa pag-iyak, Mj. Dahil maging ako ay nangungulila pa rin sa kanya. Mahal na mahal ko din si lolo pero hindi yun matutuwa kapag naging malungkot tayo," ngumiti siya saka naglakad palapit sa akin at naupo sa kama. "Stop crying, ipapasyal kita ngayon para naman hindi ka mabagot," ani kuya saka kinuha ang litrato at muling ipinatong iyon sa lamesa.
"Kuya, alam mo ba kung saan nakatira si Ram? Maari ba natin siyang puntahan?" tanong ko.
"Sige. Maligo ka na at bumaba para makakain na tayo," 'yon lang at lumabas na si kuya sa kwarto ko.
Ilang sandali pa akong tumitig sa litrato ng lolo ko saka ako tumayo at kumuha ng mga damit at naligo. Habang naliligo ay napahawak ako sa kwintas na suot ko nang mahagod ko ito. Mula ng isuot ko ang kwintas na ito ay hindi ko na hinubad pa dahil gusto ko na kapag nakita ko si Ram ay maibalik ko agad ito sa kanya. Mabilis kong tinapos ang pagligo at nagbihis na. Isang simpleng puti at bulaklakang bestida lang ang isinuot ko na pinaresan ko ng puti ring sandalyas. Nang masuklay ko ang buhok ko ay tumungo na ako sa hapag-kainan.
"Magandang umaga, aling Delia," bati ko sa kanya na agad namang napangiti nang makita ako.
"Magandang umaga, hija, halika na rito't nang makakain ka na," anyaya niya na agad ko namang tinugon.
"Kuya, saan ba tayo mamamasyal ngayon? Hindi na ako makapaghintay sapagkat ito ang unang beses na makakapamasyal ako sa syudad ng Maynila," nagagalak na sambit ko, ngumiti naman si kuya.
"Maraming magagandang lugar dito sa Maynila, Mj, kahit pa marami ding hindi kaaya-aya. Noong una akong pumunta dito ay sa Rizal Park ang pinasyalan ko," ani kuya.
"Rizal Park? Ibig mong sabihin ay nakarating ka na sa lugar kung saan pinaslang ang ating pambansang bayani?" nakangiting tanong ko, tumango naman siya.
BINABASA MO ANG
SBS 1 : One Last Cry [COMPLETED]
RomanceAshren Rameigh Domingez never set his eyes on anyone ever since he made a promise ten years ago. Isang pangako ng bata niyang isipan ngunit labis niyang pinanghahawakan kahit na walang kasiguraduhan kung magkakaroon ng katuparan. Isang pangako na ma...