Chapter 47

116 36 3
                                    

Mia's POV

Hindi ko alam na ganito pala kalalaki ang mga gusali dito sa syudad. Namamangha akong tumingin sa buong paligid ng bawat madadaan ng sasakyan ni kuya Ken. Nakarating naman na ako sa Maynila noon pero hindi ko nagawang pagmasdan ang paligid dahil halos mamatay na ako noon. Dati ay nababasa ko lang sa mga deskripsyon ng mga libro ang itsura ng Maynila pero ngayon ay nakikita ko ito sa personal. Napakaraming matataas na gusali at mga sasakyan hindi katulad sa probinsya na hindi lumalampas sa dalawang palapag hanggang tatlong palapag ang mga gusali at istraktura. Mukha akong timang na napapanganga habang nakangiti dahil sa labis na pagkamangha.

Hindi din napansin ang haba ang biyahe namin ni kuya dahil bumusog ko ang mga mata ko pagtanaw sa kapaligiran. Naisip ko na malaki nga talaga ang magkakaiba ng buhay sa syudad at probinsya. Bukod sa halos puro bukid ang makikita sa probinsya karamihan ay mga kalabaw din ang makikita mo sa daan at ang mga bahay ay gawa sa pawid, buho at kawayan dahil tanging mga may kaya lang naman ang nakapagtatayo ng kongkreto at sementadong bahay.

Gusto nga din dati ni kuya na baguhan ang bahay pero ayaw ni lolo dahil gusto niyong manatili kaming payak. Iyon ang isang bagay na hinahangaan ko sa namayapa kong lolo. Mapagkumbaba siya at matulungin. Sa totoo lang hindi naman talaga kami sobrang hirap sa buhay at kung tutuusin ay may kakayahan naman si kuya na bigyan kami ng magandang buhay kahit hindi na magsaka si lolo pero mas pinili pa rin ni lolo Isko na kumayod.

Napapangiti kong pinahid ang mga butil ng luhang tumulo mula sa mga mata ko. Hindi pa rin ako makapaniwala na wala na ang lolo kahit na ilang buwan na mula ng siya ay namayapa. Namimiss ko pa rin yung tawa niya, yung nga payo niya at yung paraan kung paano niya ipakita ang halaga namin sa kanya. Siguro darating ang araw na mababasan yung sakit pero hinding-hindi ito nawawala. Mahal na mahal ko si lolo dahil kahit na nahirapan siya sa pagtataguyod sa aming dalawa ni kuya noong nag-aaral pa siya at lalo na noong lumala ang sakit ko wala kaming narinig mula sa kanya. Ang lagi niya lang sinasabi ay mahal niya kami at handa siyang gawin ang lahat para hindi kami mahirapan. Hinding-hindi namin mahihigitan ni kuya ang pagmamahal na ipinamalas sa amin ni lolo Isko.

"Mj, bakit umiiyak ka?" tanong ni kuya, doon ko lang napansin na kahit paulit-ulit ang ginagawa kong pagpahid sa mga luha ko ay patuloy lang ang mga ito sa pagtulo.

"Nami-miss ko na si lolo, kuya," umiiyak na sagot ko, napabuntong-hininga naman siya.

"Nami-miss ko na din siya, Mj. Siguro kung pinilit ko lamang siya noon na tumigil na sa pagsasaka ay hindi niya iyon sasapitin. Dapat noon pa lang ay pinilit ko na siyang tumira na kayo dito sa Maynila kasama ko," ramdam ko ang lungkot sa tinig ng kapatid ko.

"Huwag mong sisihin ang sarili mo kuya dahil siguradong hindi ikatutuwa ni lolo iyon, isa pa kahit naman wala na si lolo alam ko na pinapanood niya pa rin tayo hanggang ngayon," usal ko habang pinupunasan ang luha.

"Tama ka, alam ko na hindi tayo kailanman iiwan at pababayaan ni lolo dahil mahal na mahal niya tayo," nakangiting sabi din ni kuya.

"At mahal na mahal ko din si lolo," bulong ko habang nakatanaw sa kalangitan.

"Malapit na tayo, makikita mo na ang bahay na sinasabi ko sayo. Hindi pa iyon tapos nung una kang pumunta dito pero ngayon tapos na kaya siguradong magugustuhan mo doon," dinig kong ani kuya pero hindi ko na siya nilingon basta tumango na lang ako.

Saan kaya dito nakatira si Ram?

Bahagya akong nakaramdam ng lungkot nang maalala ang lalaking mabilis na bumihag sa puso ko. Ang lalaking pilit na sinasabing ako ang babaeng mahal niya. Ang lalaking nagpatibok sa puso ko sa unang pagkakataon. Ang lalaking iniibig ko pa rin hanggang ngayon kahit batid kong nakapangako na sa iba ang puso niya. Na kahit sabihing kamukha ko ang babaeng mahal niya alam ko na kahit kailan ay hinding-hindi magiging ako siya.

SBS 1 : One Last Cry [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon