Kabanata 16

6.1K 362 45
                                    

Talasalitaan:

Kaha- Safe

Kalimbahin/ Kulay Rosas- Pink

Ihinayag- Announced

Lakbay-aral- Field trip

Tagapaglingkod- Servant

Tinignan ni Almira ang tatlong pasilyo na nasa harap niya, nasa gitna siya ngayon ng krus na landas at may tatlo siyang pagpipilian na daanan. Bakit ba kasi napakalaki ng palasyo? Bumuntong hininga siya at tinignan ang pasilyo na pinangalingan niya.

Kung alam niya lang na maliligaw siya ay hindi niya pinauna si Seda sa pulong nila at nagpahatid muna sa silid ng ikatlong prinsipe. Pinauna niya na kasi si Seda sa pulong nila at ibinilin na kung sakaling hindi siya makarating ay sabihin nalang sakanya lahat ng napagusapan, ngunit sino bang mag aakala na maliligaw siya ng ganito kalala? Ni wala siyang makitang tagapaglingkod na mapagtanungan!

Bumuntong hininga siya at kumaliwa, sa swerte nalang siya umaasa na tama ang daan na tinatahak niya. Habang naglalakad sa pasilyong pinili ay iginala niya ang mata, kumpara sa mga naunang pasilyo na sunod-sunnod ang pinto, ang lugar na ito ay walang kahit isang pinto, kulay asul na pader lang ang natatanaw niya, maski larawan na nakasabit ay wala.

Sa pagbabakasakaling tama ang daanang tinatahak dineretso ni Almira ang daan. Pagkarating sa dulo nito ay tumambad lang sakanya ang isang higanteng pinto. Kumpara sa ibang pinto na gawa sa narra, ang isaing ito ay gawa sa pilak, gusto niyang talikuran nalang pinto at hanapin ang pasilyo pabalik, ngunit inaatake siya ng pakiramdam na akala niya ay matagal ng nawala sa sistema niya, kuryosidad.

Bihira siyang tablan ng kuryosidad dahil sa klase ng buhay na meron siya noon. Kuryosidad ang papatay sayo, iyon ang natutunan niya ngunit...

Tinignan niya ang pinto, dahil parang may humihila sakanya mula dito. Marahan niya itong itinulak, baliktad sa inaasahan niya na mahirap buksan, madaling nagbukas ang pinto at sa hindi siguradong dahilan ay kumurba ang mga labi niya, at tuluyang pumasok sa loob.

Pagkapasok niya ay marahan niya ding sinara pinto, ginala niya ang mata, malawak ang silid ngunit imbes na hugis kwadrado ay may tatlong pader lang ito at hugis tagsulok. Malilim ang liwanag ng ilaw dahil nakasara ang kurtina ng nag-iisang malaking bintana mula sa kanang pader. Ang pader mula sa kaliwa ay mayroong narrang pinto sa sulok habang may isang malaking upuan sa gitna na nakaharap kung saan siya pumasok.

Gayunpaman sapat ang liwanag para makita niya ang kabuuan ng kwarto. Ang kaliwang pader ay puno ng nakahilerang kristal na lalagyang may lamang korona, alahas at tela. Sa kanan naman ay puno ng magagarbong damit na nakasabit at mga patong patong na kahon, wag mong sabihin na nakapasok siya sa sikretong kaha ng palasyo?

Bumuntong hininga siya sa pagkamangha sa sariling swerte, biruin mo, sa laki ng palasyo, napunta siya sa lugar na pinakaipinagbabawal na lugar nito. Pag nahuli siya sa loob nito ay pwede siyang pagsuspetyahan ng pagnanakaw!

Binalewala niya ang inis sa pagkaligaw at naglakad papunta sa narrang pinto, nagbabakasaling daan iyon pabalik sa mismong palasyo. Ngunit bago niya pa marating ang pinto ay nahagip ng mata niya kung ano ang nakalagay sa pader na pinagkakabitan ng pilak na pinto. Napatigil siya sa mismong gitna kung nasaan ang upuan at tinitigan maaigi ang malaking larawan na nakadikit sa pader.

Larawan iyon ng babaeng mukhang higit sa dalawampu ang edad, nakaupo sa kulay luntiang sopa, nakasuot ng bestidang puti na ang manggas ay mababa sa balikat kaya't kita ang buong balikat niya, nakasuot din ng korona.

Ngunit ang mas nakakuha ng atensyon ni Almira ay ang buhok ng babae na kulay kalimbahin, unang beses niyang makakita ng ganyang kulay ng buhok. Wala sa mundong ito ang may ganyang kulay ng buhok. Ang mata ng babae na kulay ginto, oo, ginto, hindi dilaw bagkus ay solidong ginto na aakalain mong nanghipnotismo. Kung maamo ang mukha ni Almira ay mas maamo ang mukha nito, aakalain mong ginawa iyon ng pinakamagaling na manlililok na naipanganak. Napakaganda ng ngiti nito, parang nang-aalo.

Almira: Unang HeneralTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon