Justice's POV"Hindi naman totoo ang mga sinabi ko sa iyo noon. Palabas lang ang lahat. Hindi kita kailanman minahal. Hindi ko mamahalin ang isang kagaya mo, Justice. Makasalanan ang pamilya mo!" walang emosyon niyang sabi.
Umiiyak akong lumuhod sa kaniyang harap. Wala nang pakialam sa marunong lupa ng gubat na ito. Puno ng galit at pandidiri ang mukha ni Elraiden. Mas lalo akong nasasaktan.
"Walang kapatawaran ang mga ginawa nila sa mundong ito." mariing niyang dagdag.
Umiling ako nang umiling. "B-bawiin mo. Bawiin mo ang sinabi mo. M-mahal mo ako. Naramdaman ko iyon. Pakiusap, Elraiden. B-bawiin mo. Huwag mo akong saktan ng ganito. Pakiusap, mahal kita."
Para akong tinakasan ng kaluluwa nang makita ang pagtalikod niya para umalis. "Huwag!" sigaw ko. "bumalik ka. Elraiden! Mahal kita!"
"Misyon lang ang lahat ng ito, Afé. Walang totoo sa lahat ng nangyari." huli niyang sabi bago nawala sa paningin ko.
Naiwan akong tulala habang nakasalampak sa lupa. Patuloy sa pag-agos ang mga luha ko. Sobrang sakit ng dibdib ko. Ang sakit-sakit.
"Justice!" isang sigaw ang narinig ko mula sa madilim na parte ng gubat.
"Justice!"
"Tangina. Kapag hindi mo minulat ang mata mo, sasampalin kita!"
Isang tapik sa pisngi ang naramdaman ko hanggang sa naging sunod-sunod.
"Nananaginip siya." sabi ng isa pang boses.
Unti-unting luminaw ang lahat. Mabagal kong minulat ang mga mata kong basang-basa ng luha. Nakatayo sa mismong mga pisngi ko sila Diwa. Kapwa, nag-aalala.
Isang malalim na paghinga ang ginawa ko habang nakahiga. Panaginip lang pero ang sakit na naramdaman ko ay hindi nawala hanggang ngayon. Parang totoo.
"Kanina pa kita ginigising. Paulit-ulit mong tinatawag ang Ikaanim na Konseho, Justice. S-sabihin mo, ano ang gusto mong gawin ko... para magkaayos na kayong dalawa?" naluluhang sabi ni Diwa.
Muli akong pumikit bago huminga ng malalim. Naramdaman ko ang muling pagtulo ng mga luha ko. Napansin kong madilim pa rin sa labas.
"Wala kang dapat gawin, Diwa. Maayos na ang lahat." mahina kong sabi bago bumangon.
Sabay silang lumipad pero malapit pa rin sa mukha ko na parang binabantayan ako.
"Paanong maayos na? Sobra ang iyak mo kanina. Kung nakita mo lang ang sarili mo kanina, J-justice."
"Diwa..." inangat ko ang kamay para maabot siya pero imbis na kamay ko ang lapitan niya, mukha ko ang kaniyang niyakap.
"Nasasaktan ako dahil wala akong magawa para maging masaya ka, Justice. Kulang ang kaalaman ko sa mga taong katulad mo pero kahit ano, gagawin ko, Justice, maging masaya ka lang ulit."
Napangiti ako. Hindi ko man maalis ang takot at sakit na naramdaman ko sa panaginip na iyon, kahit papaano ay medyo gumaan ang pakiramdam ko.
"Uminom ka muna ng tubig, Justice." tinuro ni Iela ang baso sa maliit kong mesa. "Hindi ko mabuhat palapit dito."
Mas napangiti ako. Nakalimutan ko ang dalawang guards na ito na kasama ko na noon pa man. Sila ang una kong kaibigan, hindi si Elraiden. Mali ako.
"Mahal ko kayong dalawa. Anuman ang mangyari, huwag na huwag niyong ipapahamak ang mga sarili niyo, ha. Alagaan niyo ang sarili niyo." madamdamin kong sabi.