7

110 14 0
                                    

Justice's POV

Mariin ang pagkakakunot ng aking noo habang ginuguhit ang nangyari kanina. Mayroong pagtutol sa aking puso sa bagay na hindi ko alam. Labis akong naguguluhan.

Napahinga ako ng malalim, tinigil ang pagguhit at napatingala sa naglalakihang mga piyesa ng orasan ng tore. Mabagal ang galaw ng mga ito.

"Bakit gano'n siya tumingin kay Elraiden?"

Muli akong napabuntong hininga. Malalim na ang gabi pero hindi ako dinadalaw ng antok.

Muli kong pinagpatuloy ang pagguhit. Ilang pahina na lang ay mapupuno na ang guhitan ko. Lahat ng laman no'n ay si Elraiden. Lahat ng naoobserba ko sa kaniya kasama ang petsa.

Noon ay malinaw sa isipan ko ang kaniyang imahe habang ginuguhit ngunit ngayon ay malabo ito. Inaagaw kasi ng isa pang imahe kaya hindi ko matuon ang lahat ng atensyon ko sa iginuguhit. Malapit na akong matapos pero hindi ko ramdam ang ginuguhit ko. Ngayon lang ito nangyari.

Bumabalik tuloy sa aking isip ang ibang nasaksihan ko na pinagsawalang bahala ko noon.

Hindi lang isang beses kong nakita si Elraiden at Aloudia na mag-usap at magkasama. Napansin ko rin ang ibang trato ni Aloudia kapag si Elraiden ang kaharap. Nawawala ang pagkapormal niya at pinong galaw. Para bang kapag si Elraiden ang kaharap niya, hindi niya iniisip ang ibang tao, kung ano ang iisipin ng mga ito. Nagiging bukas siya at nalalabas ang tunay na sarili sa harap ni Elraiden.

Mapait akong napangiti habang nakatitig sa imaheng aking ginuhit. Malaki ang kaniyang ngiti habang nasa entablado at hawak ang Ruk. Simple lang ang kaniyang pagtayo pero nasakop ng presensiya niya ang buong entablado. Tinalo ang ibang Konseho. Natural na magulo ang kahel na buhok, ang kaniyang kapa ay nililipad.

Katabi niya rito si Aloudia na nakatingin sa kaniya, may lihim na paghanga ang mga mata.

Naiinggit ako. Iyon ang hindi ko matanggap. Kailan man ay hindi pa ako nakaramdam ng gano'n kahit walang-wala ako. Mag-isa akong nabuhay pero kontento ako. At ngayong nakakaramdam ako ng ganito, pumapait ang pakiramdam ko.

Perpekto si Aloudia McClide. Wala akong maipintas sa kaniya dahil kahit ang simpleng pag-angat ng labi niya ay nakakalaglag panga sa ganda. Ang tuwid at makintab niyang buhok ay palaging nakaayos. Nakabraid ang kalahati no'n na bumagay sa hugis ng kaniyang mukha.

Wala akong panama sa kaniya.

Hindi ko namalayang nakatulog ako sa sahig ng tore. Kinabukasan ay bagsak ang balikat kong lumabas ng tore. Lagaslas ng tubig at kuliglig ang pumupuno sa aking pandinig. Maraming tuyong dahon ang nagkalat. Isang malawak na hardin ang nakapalibot sa buong tore bago ang hindi mabilang na mga nagtataasang puno.

Nakakapasok ang mga estudyante sa tore pero hindi sila nakakaabot sa pinakataas. Pinipili nila ang oras na nasa klase ako. Madalas nilang paglipasan ng oras ang paglibot sa loob. Mangha sila sa magandang disenyo at iba't-ibang laman ng bawat silid ng tore.

Pasikat pa lamang ang araw pero maliwanag na ang buong paligid. Napabuntong hininga ako bago nagsimulang maglakad. Diretso ang aking lakad habang nakasimangot. Hindi ko gusto ang araw na ito.

Ilang beses kong nasipa ang mga batong nadaanan. Mataas ang mga puno at sa ilang taon kong paglalakad dito ay ni minsan hindi pa ako nakakita ng mabangis na hayop. Kalat sa buong akademya ang libo-libong guards kaya panatag ako.

Ang laylayan ng aking saya ay lumalapat sa lupa at mga tuyong dahon, hindi ko iyon tinataas dahil hindi naman nadudumihan. Halos lahat ng estudyante ay sinusuot ang kapa at uniporme,  ako lang ata ang hindi. Minsan ko lang kasi itong gamitin.

Newszealz Academy: Midnight TowerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon