Justice's POV
"Ano... Elraiden..." naibulong ko sa hangin habang nakatitig sa kaniya.
Kumirot ang dibdib ko nang tipid lang siyang ngumiti. Wala akong mabasang kahit ano sa mga mata niya. Hindi ko makita ang tingin na palagi niyang binibigay sa akin.
Para akong sinaksak sa puso ng maraming beses nang saglit lang ang tingin niya sa akin. Binalik din agad kay Aloudia na tila mawawala ito sa paningin niya bigla.
Ano... ang...
Bumalik ang kapormalan ni Aloudia. "Justice..."
Mabagal kong pinakawalan ang hininga. Nanginginig ang mga tuhod ko. Bakit ako nasasaktan ng sobra ngayon?
"A-ano..."
Hindi ko natuloy ang sinasabi ko dahil sa senaryong biglang pumasok sa isip ko. Paano kung imahinasyon ko lang talaga ang mga nangyari? Na sa sobrang pag-iisa ko sa mundong ito, gumawa ang isip ko ng bagay na kahit kailan ay hindi naman mangyayari?
Namasa ang mga mata ko sa naisip. At mas lalo akong nasaktan sa sunod na sinabi ni Elraiden.
"May kailangan ka, Binibini?" taka niyang tanong. Palakaibigan ang ngiti sa mukha pero hatala sa mga tingin na hindi niya ako kilala.
Muntik na akong matumba kundi lang ako napahawak sa sandalan ng upuan sa tapat ko. Nakita ko ang pagkunot ng noo ni Aloudia kay Elraiden.
Siguro nga tama ako. Ilusyon ko lang ang nangyari. Wala talagang Elraiden na naghintay sa akin noon sa puno ng nara, na nag-alok sa akin ng pagkakaibigan, na naging kami at minahal ako.
Sa nakalipas na mga buwan, walang kasing saya ang naramdaman ko at ito na ang oras para bawiin ito.
Ito na yata iyong sinasabi nilang gigisingin ka ng katotohanan kapag sobra ka nang masaya. Ibabalik ka sa kadiliman at ikukulong ulit doon.
Pinilit kong ngumiti at umiling habang lakas-loob na nakatitig kay Elraiden. Wala akong makitang pagmamahal o kahit ang pamilyar na tingin niya sa akin noon, hindi ko mabakasan ngayon. Isa na lang akong ordinaryong estudyante sa paningin niya. Hindi na siya ang Elraiden na mahal ako. Bakit... paano...
"W-wala. Pasensiya na sa istorbo, Ikaanim." nabasag ang boses ko kaya mabilis akong yumuko at tumakbo palabas ng cafeteria.
Nagbagsakan ang mga luha ko habang tumatakbo sa pasilyo. Ilang estudyante ang nadaanan ko at nagpapasalamat ako sa pag-iwas nila sa akin. Hindi ko na kasi makita ang dinadaanan ko dahil sa mga luha.
Ang sakit.
Sobrang nasasaktan ako. Naguguluhan ako. Hindi ko alam kung bakit nauwi sa ganito. Tama ba talaga ako? Ilusyon ko lang ba na kilala niya ako at mahal?
Pero hindi e. Alam ko, ramdam ko noon na mahal niya ako pero bakit kanina... kita ko sa mga mata niya na hindi niya ako kilala? Na bago lang ako sa paningin niya?
Dumiretso ako sa dulo ng gusali at bumaba sa malawak na hagdan habang humahagulgol. Nasapo ko ang dibdib na naninikip. Tumigil ako sa huling baitang ng hagdan at umupo roon. Wala na akong pakialam kung maputik at marumihan ako. Nasapo ko ang mukha at mas dinikit ang mga tuhod sa dibdib.
Ang bilis ng mga pangyayari kanina, totoo ba na nangyari iyon?
Hindi na niya ako biglang kilala? Paano? Umalis lang naman siya! Isang buwan lang iyon at imposibleng nabura ako sa isip niya!
Baka panaginip lang ito?
Hindi gano'n ang alam kong nagiging reaksyon ni Elraiden kapag nakikita niya ako. Palagi niya akong sinasalubong ng yakap at ngiti. Pero kanina...