1

415 21 0
                                    

Justice's POV

Mangha kong nililibot ang tingin sa kabuuan ng gusali. Matagal ko nang tinatanaw ang akademya mula sa tore at inaasam na makapasok dito. At ngayon, nasa mismong harap ko na ito. Mas maganda pala sa malapitan ang gusali.

Inayos ko ang tayo nang dumaan ang grupo ng mga estudyante. Masaya silang nag-uusap at nagtatawanan. Tinanaw ko sila hanggang sa makapasok sa malaking pinto ng gusali.

Parang kastilyo ang disenyo ng gusali. Ang kaibahan lang, labis na mas malaki ang mga bintana ng akademya at talagang gawa sa malalaking bato at semento. May ilang pader rin na sinakop na ng mga halaman.

"Maligayang pagdating, Binibining Justice."

Nilingon ko ang nagsalita. Pakiramdam ko ay mas nalaglag ang panga ko. Ito ang unang pagkakataon na mayroon akong nakausap na ibang tao! Iba sa pakiramdam.

Ngumiti ang magandang babae. Tingin ko ay nasa edad labingsiyam na siya. Maamo ang anyo ng kaniyang mukha at palakaibigan ang ngiti.

"Ako si Atansia. Ikalawang Konseho. Sasamahan kita papunta sa opisina ng Headmaster."

Napakapormal niya bagamat nakangiti. Tumango ako, namamangha.

Patalon-talon pa akong humakbang sa kasibikan. Sa wakas ay makakapag-aral na ako. Nang makapasok sa gusali ay para akong napunta sa ibang mundo. Mas maganda ang loob kaysa sa labas. Naglalakihan ang mga ilaw sa kisame.

Ang tanggapan ng gusali ay malawak at malinis. Walang masiyadong gamit. Sa magkabilang gilid ay ang mga pasilyo. Sa aking tapat naman ay mga enggrandeng hagdan pataas. Tatlong magkakahiwalay iyon. Ang ganda!

"Dito tayo."

Sumunod ako sa kaniya. Ang magarbong sayang suot ko ay lumalapat sa makintab na sahig sa bawat hakbang ko. Wala na akong matanaw na ibang estudyante, marahil ay nasa klase na. Isipin pa lang na makakasalamuha ko ang ibang tao ay nagtatalon na ang puso ko sa kasabikan. Sana ay marami akong maging kaibigan.

Ilang pagliko at pag-akyat sa hagdan ang aming binagtas bago huminto sa malaking pinto. Saglit niya akong nilingon bago kumatok at buksan ito.

"Pumasok ka na. Hinihintay ka na ng Headmaster." yumuko siya saglit bago nagpaalam.

Nahihiya rin akong yumuko. Bahagya akong kinabahan nang maiwang mag-isa pero pagkaraan ay napangiti rin.

Una kong nakita ang nag-iisang mesa sa tapat ng malaking bintana. Maraming laman ang mesa pero hindi naman makalat. Organisado ito. Mayroong mga panulat, papel, libro, kakaibang orasan, at marami pa. Ang upuan ay nasa harap ko ang likod. Humarap ito sa akin, ang Headmaster pala ay nakaupo roon. Mula sa kaniyang kinauupuan ay kinuha niya ang papel sa mesa at binasa ito.

"Binibining Justice Eullen Afé. Sampung taong gulang. Nagmula sa tore ng akademya." inangat niya ang tingin sa akin, mayroong kakaibang emosyon sa mata bago ngumiti. "Natutuwa ako na nandito ka na, Binibining Justice."

"Salamat po."

"Ako ang Headmaster ng akademyang ito. Headmaster Sword. Asahan mong magiging maganda ang pagpasok mo sa taong ito sa susunod pa."

Sunod-sunod akong tumango. "Alam ko po. Matagal ko na pong gustong mag-aral dito. Nakikita ko ang ibang estudyante na masaya at mayroong kaibigan. Malalakas din po sila."

Masaya siyang tumango. "Mababait ang mga estudyante ko at disiplinado."

Mas nasabik ako sa kaniyang sinabi. Nailalarawan ko na sa aking isip ang mga mangyayari, ako na maraming kaibigan. Ang saya no'n.

"Magsisimula ang klase sa Lunes. Itatala ka sa isang grupo at aalamin ang iyong ranggo sa araw na iyon. Sa ngayon, maghanda ka muna at magpahinga."

"Salamat po talaga. Pagbubutihan ko po ang pag-aaral ko."

Newszealz Academy: Midnight TowerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon