Justice's POV
"Tingnan mo itong babaeng ito. Hindi na tayo pinapansin dahil nililigawan na siya ng Ikaanim na Konseho." pagpaparinig ni Diwa.
Pasimple ko silang tingnan sa repleksyon ng salamin. Nakaupo ang dalawang guards sa hamba ng malaking bintana habang pinapanood akong mag-ayos ng buhok. Maliwanag ang sinag ng buwan sa kanilang likod.
Maghapon kaming magkasama ni Elraiden kanina. Kung anu-ano ang ginawa namin. Naglaro kami ng habulan, muling patagong kumuha ng tsokolate at muntik pang mahuli mabuti't nakatakbo kami agad. Nagkwentuhan din kami ng mga bagay na hindi pa namin nalalaman sa isa't-isa. Napakasaya lang.
"Kapag tayo hindi na nito pinansin sa mga susunod na araw, sasabunutan ko ito, Iela."
"Kapag sinagot na ni Justice si Ikaanim, posible ang sinasabi mo, Diwa." sang-ayon ni Iela.
Napanguso ako at hinarap sila. "Pinapansin ko pa rin naman kayo, ah?"
Sabay na nanliit ang mga mata nila, sabay ding tumayo at namaywang. Napaawang ang bibig ni Diwa.
"T-teka... huwag mong sabihing kayo na?!" nataranta siya. Tila katangahan ang ginawa ko.
Masaya akong tumango. Nalaglag ang panga nilang pareho.
"Iela, sabihin mong wala akong baliw na kaibigan."
"Me'ron, Diwa. Nasa harap nga natin e."
Nangunot ang noo ko sa dalawa. "Hindi ako baliw."
"Baliw na baliw lang?" nanlalaki ang mga matang tanong ni Diwa. "wala pang isang araw na nanliligaw sa iyo, sinagot mo agad? Baliw ka!"
Napakurap-kurap ako. "May mali ba ro'n?" inosente kong tanong.
Lumakad ako palapit sa kanila at umupo. Sabay na tumango ang dalawa.
"Oo. Maling mali. Dapat pinahirapan mo man lang siya." inis na sabi ni Diwa.
"Ayoko siyang pahirapan. Bakit ko gagawin iyon? Saka, gusto namin ang isa't-isa kaya bakit ko pa papatagalin?" katwiran ko.
Sabay na umikot ang mga itim sa kanilang mata.
"Syempre, para masukat kung totoong gusto ka niya. Malay mo nagsisinungaling lang siya sa iy---" siniko ni Iela si Diwa na tila pinapatahimik. Umirap si Diwa kay Iela. "Ang ibig kong sabihin, Justice, oo at gusto ka niya. Nakikita at nararamdaman ko pero kasi... ikaw lang ang nakilala kong sinagot agad ang manliligaw. Partida, wala pang isang araw iyan!"
Nakusot ko ang mga mata sa antok. "Pero wala naman akong nakikitang mali sa ginawa ko. Ang saya ko pa nga. Wala kong naramdamang panghihinayang o pagdadalawang-isip."
Nagkatinginan ang dalawa at nag-usap sa paraang sila lang ang nakakaalam. Pagkaraan ay sabay na napahinga ng malalim bago napangisi. Tila namangha sila sa nagpag-usapan nila. Sabay nila akong nilingon.
"Paborito talaga kita sa lahat ng tao, Justice." si Diwa.
Tumango si Iela. "Kahit ako. Ang inosente mo at napakabuti ng puso mo, Justice. Sa lahat ng nakilala kong tao, ikaw lang ang ganito. Gustong gusto ko ang kaibahan mo sa ibang tao. Natatangi ka, Justice."
Panguso akong ngumiti bago napahikab. Inaantok na ako.
"Hindi ka namin papangunahan sa desisyon mong ito, sa nakikita namin, masaya ka naman at walang pagsisisi, sapat na iyon para suportahan ka namin."
Maswerte ako dahil nakilala ko sila.
"Tama si Diwa. Susuportahan ka namin hanggang sa huli, Justice. Palagi kaming nasa tabi mo kahit anong mangyari." sabay na lumipad ang dalawa para lumapit sa akin at halikan ako sa magkabilang pisngi.