32

85 11 0
                                    

Justice's POV

Ginalaw-galaw ni Kil ang kaniyang ulo na tila nag-uunat. Si Aloudia naman ay mabilis na napatayo, gulat sa itsura ni Elraiden. Habang si Lalisza ay nakanguso, alam na na mangyayari ito.

Mabagal akong tumayo. Hindi ako makapaniwala na ganito kalakas si Elraiden. Ito ba ang tinatago niyang lakas sa likod ng ordinaryo niyang awra noon?

Halos hindi ko na napansin ang pagsulpot ng mga Propesor sa aking tabi. Walang emosyon ang mga mukha nila habang pinapanood ang mabagal na paglalakad ni Elraiden. Pinupunit nito ng tuluyan ang sira-sirang suot. Tinira niya ang itim na pantalon. Kitang-kita ang mature niyang katawan na walang kahit anong galos. Wala akong oras para punahin ang kaniyang katawan pero hindi ko napigilan, malapad ang kaniyang balikat at ang matigas na tiyan na may anim na mga bukol ay tila kumikinang sa ilalim ng mga butuin. Lihim akong napasinghap.

Kung gano'n, ang ginawang pag-atake ni Kil kanina ay wala pa ring epekto sa kaniya? Paano matatalo si Elraiden nang hindi siya napapatay?

"Hindi ko ito inasahan. Mas lumakas siya." bulong ng Headmaster sa kaniyang sarili.

"Malaki ang magiging pinsala kapag kinalaban natin ang Ikaanim na Konseho." si Propesor Home.

"Wala tayong ibang pagpipilian. Kailangan na nating tapusin ito." tahimik na sabi ni Propesor Wintre.

"Sino ang nagsira ng arko?" blangkong tanong ni Headmaster Sword.

Walang sumagot. Napalunok ako. Halos hindi na makikila ang dating arko dahil basag na malalaking bato na lang ito ngayon.

"Mas mahalaga pa ba ang arko kaysa sa mga estudyante ngayon?" si Propesor Jack.

Namaywang ang Headmaster. "Hindi, pero ang arko... hindi na ito maibabalik sa dati." may panghihinayang na sabi ng Headmaster. "sagrado rin ang arko. Kapag naluma na ito o nasira ay hindi na ito maibabalik sa dating anyo."

Umawang ang bibig ko sa narinig.

"Wala na tayong magagawa. Kailangan na nating kumilos." si Propesor Ula.

Tumango ang Headmaster. "Ako na ang bahala sa Ikaanim na Konseho, ipasok niyo ang mga estudyante sa loob kabilang si Binibining Justice at gamutin. Siguraduhin niyong hindi sila makakalabas."

Mabilis na nagteleport si Headmaster Sword sa pwesto ni Kil. Tinapik niya ang balikat ng huli na tila pinapakalma. Unti-unting nawala ang itim na awrang bumabalot kay Kil. Sinenyasan ng Headmaster na lumapit sa kaniya si Aloudia at Lalisza. Sumunod naman ang mga ito.

"Pumasok na tayo sa loob, Binibining Justice."

Wala na akong nagawa nang hawakan ako sa pulsuhan ni Propesor Wintre at giyahin. Nakita ko ang paglipad ni Diwa papunta sa pwesto ni Iela. Bilang na lang sa kamay ang kinakalaban nilang montzeater. Ang buong paligid ng akademya... punang-puno ng dugo at patay na montzeater. Sirang-sira ang lupa at marami ang tumbang puno. Ang isang bahagi ng maze ay nasira rin.

Napahinga ako nang malalim habang tinatanaw ang pagsasalita ng Headmaster sa harap ni Elraiden. Nasa kaniyang likod sila Kil, tila nag-aabang ng hudyat sa pagsugod.

Gumagala ang tingin ni Elraiden na tila may hinahanap. Napaatras ako nang magtama ang aming tingin. Hindi na siya ang Elraiden na kilala ko.

Walang buhay siyang ngumisi. Napahawak ako sa aking dibdib nang kumirot ito na nagdulot ng napakasakit na pakiramdam.

Muling bumuka ang bibig ng Headmaster kaya nawala ang tingin sa akin ni Elraiden. Nang lingunin ko ang likod ko ay lahat na ng estudyante ay naipasok na ng mga Propesor at ginagamot na. Mabuti na lang at ligtas ang lahat ng estudyante at walang nasa alanganin ang buhay bukod kay... Elraiden.

Newszealz Academy: Midnight TowerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon