25

88 9 2
                                    

Justice's POV

Labing walo na ako sa isang buwan. Kailan man ay hindi ako nasabik sa aking kaarawan. Wala naman kasing nangyayari kahit madagdagan ang edad ko.

Napahinga ako ng malalim habang nasa labas ng bintana ang tingin. Apat na linggo na ang lumipas muli noong huli naming interaksyon ni Elraiden. Hindi na nasundan at kahit pagtama ng aming tingin ay wala. Akala ko ay lalapitan niya pa rin ako o makakausap pagkatapos niya akong maihatid sa tore ngunit mali ako.

Ngayon tuloy, napapaisip na ako sa gustong mangyari ni Kil. Sinabi niya noong nakaraan na maghintay lang ako.

Muli akong napahinga ng malalim. Nagsasayawan ang mga puno dahil sa hangin. Ang ilang ibon ay malayang naglilipatan. Huling klase ko na ito ngayong hapon pero kahit isa mula kaninang umaga ay wala akong naintindihan sa mga aralin namin.

Kinakain ako ng lungkot at hindi ito maganda. Noong hindi ko pa nakikilala si Elraiden ay normal itong pakiramdam pero ngayon ay para akong pinapatay. Bigla-biglang namamasa ang mga mata ko at hindi ko na ito mapigilan kapag tumulo na. Ang hirap palang makalimutan ka ng taong mahal mo. Ang sakit na hindi man lang niya ako mabigyan ng kahit isang tingin.

Noong nag-usap kami ni Kil, akala ko nantanto ko na ang dahilan ni Elraiden kung bakit siya ganito sa akin, mali pala. Hindi ko pa rin pala maintindihan.

Bakit bigla niya na lang akong hindi pinansin? Hindi na naalala? Kinalimutan niya ba ako habang nasa misyon siya o may iba pang dahilan?

Gusto kong marinig ang eksplanayon niya pero paano iyon mangyayari gayo'ng hindi ko man lang siya malapitan?

Tuwing nagtatangka akong lapitan siya ay bigla siyang nawawala o kaya ay kasama niya si Aloudia. Hindi na ako makapag-isip ng maayos. Nahihirapan akong intindihin ang mga nangyayari.

"Muli, magandang hapon sa inyong lahat. Maaari na kayong magpahinga." anunsiyo ng Propesor.

Nagtayuan ang lahat para yumuko hanggang sa makaalis ang Propesor. Kaniya-kaniyang ayos ng gamit ang lahat. Napakurap-kurap ako nang muling mamasa ang mga mata.

Pagod akong umupong muli at hiniga ang mukha sa mesa. Mabagal kong pinakawalan ang hangin sa baga ko.

"Elraiden... bakit mo ba ito ginagawa sa akin?" mahina kong bulong.

Unti-unting nawala ang presensiya ng mga kaklase ko. Mananatili na lang muna ako rito hanggang hapunan.

Mabagal kong pinatong ang mga braso sa mesa para gawing unan. Kung iintindihing mabuti, ang ginagawang ito ni Elraiden ay dalawa lang ang pinapatunguhan: hindi na niya ako mahal o sadyang kinalimutan na niya ako.

Bago siya umalis noon para sa misyon ay mahal na mahal niya pa ako. Ayaw niya pang umalis noon dahil mamimiss niya ako. Base sa naalala ko, wala naman akong maling ginawa habang nasa misyon siya. Noong dumating na siya, bigla,  umakto na siyang hindi niya ako kilala. Sa tingin pa lang at pananalita, walang bakas na naging parte ako ng alaala niya. Ngunit, kahit papaano naman ay nakakausap ko pa noong unang linggo pero noong sumunod na ay hindi na.

Ngayon, hindi na niya ako tuluyang pinapansin. Nakalimutan na niya ang existence ko. Limot na niya ang Binibini niya. Walang eksplanyon o kahit isang salita kung bakit.

Unti-unting umalog ang mga balikat ko. Nagbagsakan ang mga luha at isang hikbi ang nakalabas.

Kil... dapat ko bang sundin ang sinabi mo na hintayin ko lang si Elraiden dahil may plano siya? Makakaya ko ba? Ano ang pinaplano ni Elraiden? Kasama ba talaga roon ang saktan ako at ignorahin?

Newszealz Academy: Midnight TowerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon