Justice's POVNakatulog ako ng maayos ng gabing iyon kahit pa hindi na naalis sa isip ko ang hatid ng kaniyang tingin sa akin. Maaga akong nagising at nag-ayos para sa unang aktibidad.
"Magandang umaga, students. Nakatulog ba kayo ng maayos?" masayang tanong ng Headmaster. Magalang na sumagot ang lahat.
Tapos na kaming kumain at nakikinig na lang sa iaanunsiyo para sa unang gagawin ngayong araw. Ang bukas na bulwagan ay maliwanag at malalaki ang espasyo ng bawat mesa. Mainit ang klima ng Zolem. Pinagpaawisan ako sa init na dala ng hangin.
"Alam niyo naman na iba-iba ang nagiging aktibidad natin sa bawat lugar kada taon. Ngayong nandito tayo sa Zolem, ang aktibidad natin ay may kinalaman sa survival."
Iba't-ibang reaksyon ang namayi sa paligid. Napanguso ako. Kahit ano pa man ang gawin, wala namang kwenta kung magreklamo ka.
"Sa loob ng dalawang Linggo, hahayaan namin kayo na mabuhay ng kayo lang." dugtong niya. "Dahil survival ang mangyayari, kung sino ang matirang nakatayo at kompletong grupo matapos ang dalawang linggo, sila ang mananalo. Ang inyong tinitirhan ay kailangan ninyong protektahan. Iyon ang magiging safe zone niyo. Ang mga pagkain ay kinalat namin sa buong Zolem, me'ron sa gubat, sa ilog, sa kahit saan."
Sa puntong iyon, naramdaman ko ang pinaghalong kasabikan at pangamba sa buong bulwagan.
"Ngayon, dahil paunahan ito, may labang mangyayari. Doon niyo papatunanyan ang lakas ng inyong grupo. Gagamitin sa aktibidad na ito ang pisikal na lakas, talino, tiyaga, pagtutulungan at sakripisyo."
Pagtutulungan... sa grupo namin mayroong gano'n pero hindi ako kasama ro'n. Ayaw nila sa presensiya ko dahil takot silang mahakawan ko at maglaho. Kinuyom ko ang kamay na nakagwantes na puti na may disenyong kulambo. Ang naunang tela ay puti na pinatungan ng kulambong kulang puti rin pero hanggang pulsuhan lang iyon. Sa ilang pulgada nmn mula pulsuhan ay may ribon na itim. Lahat ng gwantes ko ay ganito ang kulay at disenyo. Hindi ko ito inaalis kahit mag-isa na lang ako.
Hindi-hindi ko gagamitin ang kapangyarihan ko kahit ano ang mangyari.
"Tandan niyo, students, isang miyembro lang sa inyong grupo ang sumuko o matalo, bagsak ang grupo niyo. Tulungan ang susi sa aktibidad na ito. Kaming mga propesor ay nakabantay sa inyo. Hindi niyo kami makikita o mararamdaman. Ipakita ninyo kung hanggang saan ang inyong kakayahan. Hindi pa rin nagbabago ang patakaran, bawal kumitil ng buhay. Iyon lang." saglit na huminto ang Headmaster, ginala niya ang tingin bago ngumiti ng kakaiba.
"Sisimulan ang aktibidad na ito sa loob ng... sampung segundo."
Lahat ay napatayo sa gulat. Mas nagkagulo ang lahat nang magsimulang magbilang ang Headmaster. Hindi siya nagbibiro!
"Ano pa hinihintay niyo? Tara na!" sigaw ni Belinda.
Kaniya-kaniyang takbo ang lahat papunta sa sariling tuluyan. Base sa pagkakaintindi ko, hindi pwedeng mangyari ang labanan sa loob ng safe zone. Ibig sabihin, hanggat hindi kami nakakapasok sa bahay namin, hindi kami ligtas!
"Goodluck, students!" rinig kong halakhak ng Headmaster.
Binilisan ko ang pagtakbo. Ang ibang estudyante ay nagkakabanggaan. Marami rin ang nadapa dala ng tanranta. Hindi ito ang inasahan kong mangyayari ngayong taon!
Habang tumatakbo, natanaw ko ang kampanteng paglalakad ni Elvis. Wala akong mabakas na takot sa kaniyang mukha, hindi ko rin nakita sa paligid niya ang iba niyang kagrupo.
Hindi ko inasahan ang biglang pagsabog sa bandang gilid ko. Halos tumilapon ako! Napuno ng usok at ilang sigaw ang paligid.
Napaubo at at mabilis tinakpan ang mga mata para hindi mapuwing.