6

136 16 0
                                    

Justice's POV

Sa tulad kong walang ibang kasama sa buhay at mag-isang naninirahan sa tore, nahinuha ko na ang magiging takbo ng buhay ko. Malungkot ito, walang magandang alaala, walang interesante at purong dilim lang.

Iyon ang pinaniwalaan ko ng ilang taon ngunit nabasag lang ito dahil sa isang tao. Isang taong may kakaibang ngiti sa labi habang naglalaban ang dalawang emosyon sa medyo bilugang mata.

Nabago ang paniniwala ko nang gano'n na lang. Nagkabunggo lang kaming dalawa sa pasilyo habang mayroon akong dalang mga libro, nagtapo ang aming mata, at nagkaramdam ng 'di maipaliwanag na kaba sa dibdib—nagbago na lahat.

Kung noon ay tamad akong pumasok bawat araw, walang emosyon tuwing kakain sa cafeteria, umuuwi agad sa tore at walang interes sa mundo. Naging iba lahat ng iyon no'ng kausapin niya ako na para akong isang normal na estudyante.

Simula no'ng makilala ko siya, naging sunud-sunuran ako sa sariling katawan at isip. Palagi ko siyang sinubaybayan at inobserbahan bawat araw.

Madalas akong tulala sa mga puno at ibang hayop sa akademya noon pero ngayon ay sa isang tao na. Lumiwanag ang walang buhay na mundo ko.

Maraming buwan ang lumipas, walang araw na hindi ko siya sinulyapan o panoorin sa kaniyang ginagawa. Lahat ng kaniyang gawin ay namamangha ako. Sobra siyang kakaiba sa lahat. Ang kaniyang mga katangian ay kailan ma'y hindi ko pa nakita kahit kanino.

"Isa ang araw na ito sa pinakasagradong pagtitipon ng akademya. Magandang araw sa inyong lahat, students." puno ng pormal na bati ng Headmaster.

Lahat kami ay matamang nakatutok sa malawak na entablado sa aming harap. Ang pabilog na mga upuan pataas ay walang bakante. Malaki ang Wesz pero maliit ang entablado nito kumpara sa Ealz. Dinisenyo para lang talaga sa mga ganitong klase ng pagtitipon. Tahimik at pormal ding nakatayo ang mga Propesor sa likod ng Headmaster.

Ngayong araw ang pagbaba sa pwesto ng mga Konseho. Sagrado nga ito dahil gagamitin ang Ruk ng Zelz para malaman ang karapat-dapat na pumalit na Konseho. Ang Ruk ng Zelz ay ginagamit lang tuwing aalamin ang kabuuang kakayahan ng isang tao. Kakaiba ang itsura no'n sa karaniwang Ruk na ginagamit madalas tuwing may ensayo o laban. Mas maliit na bato ito na halos kasing laki lang ng singsing at nakalutang habang mabilis na umiikot. Kumikislap-kislap din ito.

"Ngayong araw ang pagtatalaga ng bagong Konseho. Bago ko simulan ang seremonya, nais ko munang tawagin ang magagaling nating Konseho at bigyan sila ng oras para maibahagi sa ating lahat ang kanilang talumpati."

Nagpalakpakan ang lahat nang sunod-sunod na umakyat sa entablado ang anim na Konseho. Nangunguna ro'n si Auxcel Sine na walang emosyon sa mukha habang si Ika'lawa naman ay nakangiti lang at siyang-siya sa nangyayari. Ang kambal na Konseho ay malamig ang anyo at katulad ni Atansia, nakangiti rin si Ikalima.

Mabilis ko lang na pinasadahan ng tingin ang Ikaanim. Wala rin siyang reaksyon sa mukha. Kahit tatlong taon na ang lumipas mula noong muntik na akong mapaslang ni Xersian sa Zolem ay sariwa pa rin sa isip ko ang alaalang iyon. Hanggang ngayon ay hindi maganda ang pakiramdam ko sa grupo ni Ikaanim.

Tumigil sila malapit sa gilid ng Headmaster bago sabay na yumuko sa amin. Nakangiti lang ang Headmaster habang pinapanood ang mga Konseho. Labis siyang natutuwa sa kaniyang nakikita. Unang nagsalita ang Unang Konseho.

"Magandang umaga. Hindi ko namalayang anim na taon na pala ang lumipas mula no'ng naging Konseho ako. Nasubok ang aming kakayahan sa pagtulong para madisiplina at maturuan ang lahat ng tamang asal. Sa anim na taong iyon, isang bagay lang ang natutunan ko. Lahat ng tao ay magkakaiba. Walang magkaparehas, pisikal man o kalooban. Lahat ay may kaniya-kaniyang desisyon at prinsipyo. Natutuwa akong sabihin na naging maganda ang mga taong lumipas, nasiyahan ako sa mga nangyari."

Newszealz Academy: Midnight TowerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon