11

136 13 0
                                    

Justice POV

Pinalobo ko ang dalawang pisngi habang nakatingin sa aking mukha sa harap ng salamin. Sinisipat ko kung maayos ba ang aking mukha o kung may dumi ba.

"Bakit nakalabas ang mga damit mo? Ang kalat, Justice!"

Nilingon ko ang nagrereklamong si Diwa. Lukot na lukot ang kaniyang mukha habang pinipilit na buhatin ang mga nagkalat kong damit sa aking higaan.

"Saan ka ba pupunta? Bihis na bihis ka, ah?" puna niya.

Marahan kong tinapik ang mga pisngi para pumula bago lumapit sa kaniya.

"Huwag mong sabihing lalabas ka?" nawiwindang niyang sabi nang makita ang pagsuot ko ng sapatos.

Ngumiti ako. "Kakain ako sa labas."

Nalaglag ang panga niya. "Ano?!"

Natawa ako. Sa buong buhay ko rito sa akademya, ngayon lang ako maghahapunan sa labas kaya ganito na lang ang reaksyon niya.

"Pero, Justice. Sino ang kasama mo?! Pauwi? Paano? Sasama ako sa iyo!" mukha siyang problemado. Namaywang siya at ginulo ang buhok.

"Hindi mo ako kailangang samahan. Tumakas ka lang, hindi ba? Lagot ka kapag nahuli ka. Saka, ligtas naman dito sa akademya. Kahit matulog ako diyan sa gubat, walang mangyayaring masama sa akin."

Nanliit ang mga mata niya. "Sa cafeteria ba kayo kakain?"

"Hindi raw e. Hindi niya sinabi kung saan." mabilis kong sagot. Bahagyang nanlaki ang mga mata ko nang may natanto. Nilingon ko siya.

"Ha! Sabi na nga ba e. Niyaya mo siyang kumain at pumayag siya?"

Nangunot ang noo ko sa tono niya. Tila ba pinilit ko lang si Elraiden na samahan akong kumain.

"Siya ang nag-aya. Pumayag ako kasi marami akong tanong sa kaniya." dahilan ko.

"Tanong ba talaga?" umirap siya. Hindi naniniwala sa akin.

Napahinga ako ng malalim. Kahit ako, alam ko sa sarili kong hindi iyon ang dahilan. At saka, ano nga ba ang mga katanungan ko kay Elraiden? Wala akong ideya.

"Pinagdududahan mo ba ako?"

Umiling siya. "Hindi, ah. Alam ko lang talaga na miss mo siya dahil ilang Linggo siyang nawala."

Napanguso ako. "Psh. Aalis na ako."

Tumayo na ako at pinagpag ang magarbong saya bago siya muling hinarap. "Sabay na tayong bumaba."

Habol ko ang hininga nang makababa kami ng tore. Umihip ang malamig na hangin. Nilinga ko ang tingin sa malawak na hardin ng tore. Puno ito ng mga bulaklak at ilang halaman na may korte. Ilang minutong lakad bago marating ang bukana ng gubat.

Maliwanag ang buwan ngayon. Sobrang payapa ng paligid.

"Mauna na ako. Baka hinahanap na ako." paalam ni Diwa. "Babalik ako rito mamaya, dapat nakauwi ka na."

Tumango ako at ngumiti. "Oo naman."

Muling humangin ng malakas. Tinangay ang mga tuyong dahon at buhangin kaya napayuko ako at napapikit para hindi mapuwing. Sa pag-ngat ko nang tingin ang siyang paglitaw ni Elraiden sa aking harap.

Suot ang simpleng puting damit at itim na pantalon, ngumisi siya. "Magandang gabi, Justice."

Panguso akong ngumiti. Napakagwapo niya. Ngayon ko na lang siya ulit nakita sa ilalim ng maliwanag na buwan. Kuminang ang mga mata niya.

Newszealz Academy: Midnight TowerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon