17

82 11 0
                                    

Justice's POV

"Nagdala ako ng mga libro." nakangiting sabi ni Elraiden habang binababa ang mga libro sa mesa.

Panguso akong ngumiti bago kinagatan ang tsokolateng dala niya kahapon. Dalawang araw na lang ay pwede na akong bumalik sa tore. Mga paa ko na lang ang hindi ko magalaw.

Umupo siya sa gilid ko at pinatong ang mga siko sa higaan ko bago nangalumbaba, ang tingin ay nasa akin. Kumikinang ang mga mata niya.

"Ang kalat mo kumain." puna niya bago punasan ang gilid ng labi ko.

Nag-init ang mukha ko.

"Tapos na kami ngayon sa mga tungkulin namin. Maari na akong tumagal rito hanggang gabi. Marami akong baon na kwento, Justice. Itong mga dala kong libro ay tungkol sa katulad ng kapangyarihan mo. Isang araw kong hinanap iyan." tinuro niya ang mga libro.

Mas sumaya ang puso ko sa sinabi niya. Kahit hindi natapos ang laban namin noon ay sinabi niyang tutulungan niya ako sa aking kapangyarihan. Sinabi niya rin noong nakaraan na binalikan niya ako ngunit hindi niya na ako nakita. Halos mabaliw daw siya sa kakahanap sa akin.

Siya rin pala ang nakakita sa kalagayan ko matapos ang laban namin ni Xersian. Binuhat niya ako at agad dinala sa labas ng gubat para malapatan agad ng gamot. Muntik pa siyang bumagsak sa pagsusulit dahil sa ginawa niyang pagtulong pero wala siyang pakialam. Nalaman ko ring si Aloudia pala ay dinala niya lang sa ligtas na lugar bago ako binalikan. Hindi niya pala ako nakalimutan noong gabing iyon.

"Maraming salamat, Ikaanim."

Napasimangot siya. "Elraiden nga sabi."

Natawa ako bago nilapit ang tsokolate sa bibig niya. "Ah!"

Nawala ang simangot niya bago kinagatan ang tsokolate. Nanlaki ang mga mata ko nang halos mangalahati iyon! Mabilis kong nilayo ang tsokolate at sinaman siya ng tingin.

"Ang laki ng kagat mo."

Natawa lang siya. "Magdadala ulit ako, huwag kang mag-alala."

Namilog ang mga mata ko. "Ihiwalay mo na iyong sa iyo para hindi ka na humati sa akin."

"Ayoko. Gusto kong hati tayo e." parang batang sagot niya.

Sinimangutan ko siya pero pagkaraan ay natawa rin dahil sa itsura niya. Malaki siyang tao pero kung makanguso siya ay parang bata.

"Gusto ko nang lumabas dito. Malapit nang magkaugat ang pwet ko rito sa higaan."

"Kaonting tiis pa. Dalawang araw na lang naman."

"Namimiss ko na iyong puno ng nara." nalulungkot kong sabi.

"Hmm... araw-araw ko iyong nililinisan, huwag kang mag-alala."

Nagugulat ko siyang nilingon. "May oras ka pang linisan iyon?"

Nitong mga nakaraang araw kasi ay sobrang abala ang mga Konseho para sa nalalapit na pagbubukas ng bagong taon at para sa mga magtatapos.

Minsan nga ay naaabutan ko na lang si Elraiden na nakatungo sa gilid ng higaan ko, tulog na tulog sa sobrang pagod. Nag-aalala ako sa kalagayan niya dahil imbis na magpahinga siya sa silid niya ay sa akin pa siya dumederetso.

"Hmm. Mahalaga ang punong iyon kaya kailangang alagaan." nakangiti niyang sabi.

Hindi ko maiwasang mapatitig sa kaniya. Sobrang maalaga ni Elraiden. Hindi ito mahahalata sa kaniya dahil una, malaki siyang tao, madalas wala sa ayos at masiyadong maingay at makulit.

Newszealz Academy: Midnight TowerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon