Justice's POV
Dalawang taon ang lumipas, hindi na talaga ako hinayaan ng tore na makalabas pero ang pag-asang me'ron ako ay nananatili dahil alam kong may naghihintay sa akin sa labas.
Pumikit ako nang mariin. Ikaanim... gustong-gusto ko nang makita ka.
Ang tanging nagbibigay ng ingay sa paligid ay ang mabagal na paggalaw ng mga naglalakihang piyesa ng orasan ng tore. Ang maliwanag na sinag ng bilog na buwan ay malayang tumatagos sa naglalakihang mga bintana. Kalmado ang paligid. Ang kalamigan ng sahig na aking kinauupuan ay hindi ko ramdam dahil sa makapal na saya na aking suot.
"May mga tao..." bulong ko bago minulat ang mga mata. Napatitig ako sa librong hawak ngunit saglit lamang iyon dahil kusang umangat ang paningin ko patungo sa mga naglalakihang piyesa ng malaking orasan. Pamilyar ang presensiya ng isa. Ang Unang Konseho.
Hindi na bago ito. Madalas pumunta ang Unang Konseho dito sa tore tuwing ganitong oras pero iba ngayon, may kasama siya.
Muli kong binalik ang atensyon sa mga librong nakalatag sa aking harap. Ilang ulit ko nang nabasa ang mga ito pero dahil wala akong ibang pagpipilian, binabasa ko ulit.
Nakakatamad. Nakakagutom.
Napabuntong hininga ako saka pabagsak na humiga sa malamig na sahig ng tore. Mabagal na kumalat ang maalon kong buhok sa sahig at tumunog ang bell sa aking leeg.
Paulit-ulit na lang. Gusto ko nang matapos ito. Napapagod na akong harapin ang mga araw nang may ngiti at mabibigo lang sa bandang huli dahil ang malaking pintuan ng tore ay hindi pa rin bumubukas. Sa nakalipas na dalawang taon, napakumpirma kong nawawala ang toreng ito tuwing umaga sa paningin ng mga tao. Lumalabas lang kapag pumatak ang hating-gabi.
At isa pang nakakagimbal na katotohanan ay nawala rin nang parang bula ang toreng ito sa isipan ng mga estudyante maliban sa Unang Konseho. Literal itong nawala sa kanilang alaala. Hindi ko alam kung paano at bakit nangyari ito. Gusto kong alamin at hanapin ang sagot ngunit saan ako magsisimula?
Sa nagdaang mga taon, hindi ako tumigil na umasang muling bubuksan ng tore ang pinto nito. Paulit-ulit. Malinaw ang mga senaryo sa isip ko.
Tuwing umaga at hapon ay hinaharap ko ang malaking pinto. Isang beses, matapos ang pagsubok ko na buksan ang pinto, nakaramdam ako ng mga presensiya ng kung sino. Kinabahan ako noon at agad na ginapangan ng pag-asa. Dali akong tumakbo sa bintana para silipin ang mga ito. Nasabik ako no'ng matanaw ang grupo ng mga estudyante na naglalakad palapit sa tore. Kumaway pa ako para kunin ang kanilang atensyon ngunit...
Tumalon-talon ako habang kumakaway. Hindi maalis ang ngiti ko dahil sa wakas, may nakita na rin akong estudyante. "Tulong! Nandito ako sa loob! Mga Binibini! Nandito ako sa loob!"
Todo ang aking sigaw at mas lumaki ang pag-asang nararamdaman ko habang papalapit sila. Makakalabas na rin ako!
"Dito! Buksan niyo ang pinto! May tao sa loob ng tore! Tulungan niyo ako!"
Ang masaya at puno ng pag-asang pakiramdam ay biglang namatay noong tumagos lang sila sa tore. Sa mismong mga mata ko, kitang-kita ko ang pagdaan nila na tila hangin lang ang tore.
Muling lumipas ang mga buwan, tuluyan na akong nawalan ng pag-asa. Noong nakaraang linggo ay nakita ko ang Headmaster, akala ko ay nakatanaw siya sa tore ngunit mali ako. Iyong mga ibon pala ang pinapanood niya.
Tuluyan na ngang nilimot ng akademya ang tore.
Hindi ko alam kung anong araw na.
Isang gabi, naalimpungatan ako nang muling maramdaman ang dalawang presensiya. Ang Unang Konseho at ang palagi niyang kasama. Nasa itaas na naman sila, sa tapat ng malaking orasan. Uminom ako ng tubig at nagpasiyang silipin ang akademya. Kitang-kita ko ang mga ilaw mula sa mga naglalakihang bintana. Napakaganda. Inangat ko ang kamay at inisip na abot-kamay ko lang ang gusali.