Justice's POV
Napalunok ako nang pumailanlang sa buong Wesz ang tunog ng kaniyang sapatos. Bawat hakbang niya ay pabilis nang pabilis ang tibok ng aking puso. Pinisil ni Ikaanim ang braso ko upang ako ay pakalmahin. Siguro ay ramdam niya ang pagbakas ng taranta sa aking mukha.
"Ayos ka lamang ba?" masuyo niyang bulong sa aking tainga.
Mabagal akong tumango.
Mama, na sa aking likod ngayon ang babaeng gusto mong layuan ko.
"Maze," pormal na tawag ni Ikatlo, "hindi ko inaasahan ang presensiya mo rito."
"Lesley." bigkas ni Maze.
Nakagat ko ang ibabang labi. Tingin ko ay halos magkatulad sila ni Auxcel Sine magsalita. Ang kaibahan lamang ay may anino ng pagkaaliw ang boses ni Maze.
Pumikit ako ng mariin bago naglakas-loob na humarap sa kaniya. Kasabay nang panlalaki ng aking mga mata ang pagdapo ng paningin niya sa akin. Napasinghap ako.
Totoo nga. Magkatulad kami ng mga mata. Kung bandang itaas ng kaniyang mukha lamang ang titingnan ay aakalaing iisang tao lamang kami.
Bigla, pakiramdam ko ay kaming dalawa lang ang tao ngayon sa buong Wesz.
Bumakas ang kakaibang emosyon sa kaniyang mga mata habang titig na titig sa akin. Ramdam na ramdam ko ang pagwawala ng aking dibdib.
Noong narinig ko ang kaniyang pangalan kay Makisig ay wala akong naramdamang kakaiba ngunit ngayon ay halos mamasa ang mga mata ko. Kahapon lamang ay iniisip ko pa ang kaniyang anyo ngunit ngayon ay tinititigan ko na ito.
"Another lost sibling." matigas niyang pagdedeklara matapos ang ilang sandali.
Eh?
"Sibling," takang banggit ng kambal ni Elvis na noon ko lang napansin na nasa likod niya pala. Nagtagal ang kaniyang tingin sa akin. Tila inaaral ang buong pagkatao ko sa ilang segundo lamang.
Nawalan ng emosyon ang magandang mukha ni Maze. Hala, mali. Kulang ang salitang maganda upang ilarawan siya. Kung maladyosa si Dhalses ay hindi ko na alam kung dapat ko pa bang ilarawan si Maze dahil kung gagawin ko man ay mapapahiya lamang ako. Kulang na kulang ang mga salitang mayroon ako upang mailarawan ang kaniyang anyo.
Nahigitan niya ang lahat ng kilala ko pagdating sa kaniyang kagandahan.
Teka, sabi niya ay nawawalang kapatid...
Ibig sabihin ba ay naaalala niya ako?
Imposible.
Umawang ang bibig ko nang muling umalpas ang isang emosyon sa kaniyang mukha. Kasiyahan ang nabakas ko sa napakaganda niyang anyo.
"No. You're not a lost sibling." halos liparin iyon ng hangin sa sobrang hina ngunit dahil sa sobrang katahimikan ng lugar ay narinig naming lahat. Tila may bigla siyang natanto habang nakatitig sa akin.
"What... are you doing here, Maze?" tanong ni Ikaanim sa seryosong boses.
Pormal itong bumaling sa kaniya. "El," kinabahan ako nang tumulay ang tingin niya sa braso ni Ikaanim na nasa aking balikat. Umangat ang sulok ng labi niya pero saglit lamang iyon, "you made it."
Nakita ko ang pagdaan ng kaguluhan sa mga mata ni Ikaanim, "she knows," halos liparin na iyon ng hangin kaya ako lamang ang nakarinig.
Namilog ang mga mata ko.
"and another one is here." dagdag pa ni Maze.
Sinong isa pa?
"She remembered you, Binibini." bulong niya sa aking tainga. Inaangat ko ang tingin kay Ikaanim. "Kung ganoon, hindi ako nag-iisa." bigla siyang napasimangot na tila hindi matanggap ang katotohanang natanto niya.