31

95 11 1
                                    

Justice's POV

Napaawang ang bibig ko habang pinapanood ang mga nangyayari sa paligid. Iba't ibang kulay ang naghahalo-halo sa madilim na paligid dahil sa mga kapangyarihan nila. Ang lupa ay hindi na naging kalmado mula noong nagsimula ang laban. Ang hangin ay pinaghalong lamig at init. Umuulan ng nakapapasong tubig sa isang bahagi habang sa kabila ay umuulan ng matitilos na yelo.

Ang malalaking alon ng tubig ay pabalyang nilulunod at tinatapon ang mga montzeater. Ang ibang estudyante naman ay gamit ang mga palasong tatagos sa katawan ng montzeater dahil sa sobrang talim ay pinapaulan nila sa langit. Kasabay nito ang pagkulog at kidlat dala ng kapangyarihan ng iba pang estudyante. Hindi ko na halos mailarawan lahat ng nangyayari dahil sa pinaghalong mangha at takot.

"Makinig ka, Nano," tahimik na sabi ni Kil.

Nilingon ko siya. Umiikot ang paningin niya sa buong paligid na tila may hinahanap. "Gusto kong ipangako mo sa akin na hindi mo ipapahamak ang sarili mo."

Natigilan ako at hindi nakasagot. Kanina, habang pinapanood kong mahirapan ang lahat sa pakikipaglaban sa mga montzeater, naisip kong ibigay na lang ang sarili ko sa kanila para wala nang masaktan.

"Hindi ka nag-iisa, Nano. Marami ang lumalaban ngayon para sa kaligtasaan mo. Huwag mong sayangin ang ginagawa naming ito."

Mabagal kong binalik ang tingin sa nagkakagulong paligid. Halos lahat ay nakangisi at binibigay ang lahat ng kakayanan nila para manalo. Kahit wala silang ideya kung bakit sinusugod kami ngayon ng mga montzeater, hindi sila nagdalawang isip na lumaban.

"Kahit ngayon lang, ipaglaban mo ang sarili mo." pagkasabi no'n ay biglang nawala sa tabi ko si Kil.

Mabilis ko siyang hinanap. Natagpuan siya ng mga mata ko na lumilipad paikot sa nagwawalang montzeater na pilit siyang inaabot. Sa isang kisap-mata ay napugot ang ulo ng montzeater. Napasinghap ako. Ang lakas ni Kil.

Nahagip ng tingin ko si Aloudia na kalmadong kinukumpas ang kamay para magpalabas ng malalaking ugat at makulong ang mga montzeater. Napayuko ako.

Tama si Kil...

Mabilis akong tumalon nang maramdaman ang mabilis na pagsulpot ng montzeater sa aking harap. Galit na galit ang mga mata nito at ang laway na lumalabas sa bibig ay nagkalat sa lupa. Pagkalapag sa lupa ay tumakbo ako, mabilis ako nitong hinabol.

May ilan akong nadaanan na patay na montzeater at tinatalon ko iyon para malampasan. Abala ang lahat ng estudyante sa sarili nilang kalaban. Kinabahan ako nang wala akong makitang pwedeng tumulong sa akin.

Patuloy ang pagtakbo ko. Napapikit ako at hindi na nagdalawang isip na tumigil para hawakan ang montzeater. Mabilis kong tinanggal ang suot na gwantes sa kanang kamay at tinaas. Sa pagmulat ng mga mata ko, nasa mismong harap ko na ang montzeater. Nanlaki ang mga mata ko nang gahibla na lang ang layo nito sa aking palad nang bigla itong napugutan ng ulo dahil sa isang manipis na papel.

Gulat kong nilingon si Lalisza. Nakataas rin ang kamay niya at nakatutok sa kaninang pwesto ng montzeater. Taas ang kilay itong nakatingin sa akin bago ako tinalikuran.

"Weak." rinig kong bulong niya bago nawala sa harap ko.

Napaawang ang bibig ko sa gulat at mangha. Ang alam ko, kaya niyang magpalabas at magkontrol ng papel at kung gugustuhin niya sa mga oras na ito, kaya niyang mapaslang ang kalahating bilang ng mga montzeater sa isang pitik lang ng mga papel niya.

"Ang baho mo." rinig kong sabi ni Elaitha.

Mabilis kong hinanap ang kaniyang kinaroroonan. Naabutan ko siyang hawak ang espada habang nakatarak ito sa ulo ng montzeater. Wala hirap niyang hinugot ang espada at walang buhay na natumba ang montzeater.

Newszealz Academy: Midnight TowerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon