Justice's POV
Habol ang hiningang sinipat ko ang ginawang patibong. Naghukay ako at gumawa ng matutulis na kahoy sa loob ng ginawang hukay. Nagsabit din ako ng ilang malalaking katawan ng puno para kung sakaling sumablay ang unang plano ay may pangalawa ako. Ito ang naisip kong plano para kahit paaano ay may pag-asa akong manalo.
Hindi gaanong madilim ngayong gabi dahil msobra ang liwanag ng buwan ngayon. Kitang-kita rin ang mga nagkikislapang mga bituin.
Tinandaan ko ang lugar bago umalis doon para maghanap ng makakalaban. Hindi ko na tinago ang presensiya ko para maramdaman ako ng kahit na sino.
Hindi pa man ako nakakalayo ay naramdaman ko na ang pagsulpot ng kung sino sa aking likod. Lihim akong napangisi at nilingon ito ngunit gano'n na lang ang dagundong ng kaba ko nang makita ang pamilyar na ngisi ni Xersian.
Ilang metro ang layo sa akin, nakatayo siya sa tumbang puno at nakapamulsa habang nililipad ang suot na kapa. Mahaba ang kaniyang kupas na asul at tuhid na buhok, abot iyon sa kaniyang balikat. Ang kaputian ng kutis ay maihahalintulad sa isang nyebe. Ang medyo bilugang mga mata ay kulay asul. Tingin ko ay hindi nalalayo ay ang kaniyang tikas at laki kay Elraiden.
"Kay tagal kong hinintay ang pagkakataong ito, binibining Justice. Nagharap tayong muli."
Napahakbang ako paatras at napalunok. Kung siya ang makakalaban ko, paniguradong talo na ako. Malinaw pa rin sa alaala ko ang ginawa niya sa akin noon sa Zolem.
Tumalon siya mula sa tumbang puno para makalapit sa akin. Tinatagan ko ang loob at hindi umalis sa pwesto. Napangisi siya habang pormal na naglalakad.
"Nararamdaman ko, mahina ka pa rin." ginala niya ang tingin sa paligid, tila sinisigurong walang ibang tao malapit sa amin. "wala ng makikialam ngayon, binibini kaya humanda ka."
Huminga ako ng malalim. Kung pisikal na lakas, talo na ako. Kung sa kapangyarihan naman... napailing ako sa isip. Hindi ko gagamitin ang kapangyarihan ko kahit na mamatay pa ako laban sa kaniya.
"Kinakatakutan ka pa rin kahit malinaw na sa lahat na mahina ka. Nakakainis isipin na sa isang tulad mo lang natatakot na agad ang mga estudyante. Mahina ka. Duwag. Ni hindi man lang nadagdagan ang lakas mo mula noong nakalaban kita sa Zolem. Hindi ka bagay sa akademyang ito."
Bawat salita niya ay nanunuot sa isip at puso ko. Nasasaktan ako pero hindi ko iyon ipapakita sa kaniya. Kailangan kong magpakatatag.
"Ang dami mong sinasabi." matigas kong sinabi.
Bahagya siyang nagulat. "Nagtatapang-tapangan ha. I like that." mas napangisi siya. "Tatapusin ko ito ng isang minuto lang, binibini kaya huwag kang kukurap." mabagal at madiin niyang sabi.
Napalunok ako. Mabilis siyang tumalon at nagpalabas ng maraming karayom. Maliliit iyon pero kitang kita ko dahil sa pagkinang ng mga ito.
"Paalala lang, may lason ang bawat karayom ko. Paparalisain nito ang anumang bagay na tamaan nito, ingat ka, binibini." mabilis niyang pinakawalan ang mga karayom.
Agad akong tumakbo at nagtago sa isang puno. Rinig ko ang pagbaon ng mga ito sa likod ng punong kinasasandalan ko. Napahalakhak si Xersian.
"Kahit saan ka magtago, mahahanap kita."
Naramdaman ko ang paglalakad niya patungo sa akin. Mabilis akong tumakbo sa lugar na ginawan ko ng patibong. Habang tumatakbo, isang pana at mga malaso ang nabuo sa kamay at likod ko.
Humigpit ang kapit ko sa pana at agad nilagyan ng palaso saka nagtago sa isang puno. Sinilip ko si Xersian. Nakita ko siyang ginagala ang tingin habang ang mga karayom ay nasa ere sa taas ng nakabukas niyang palad.