13

107 12 0
                                    


Justice's POV

Dala ang tatlong makakapal na libro, nilisan ko ang silid-aklatan. Nagkalat ang mga estudyante sa pasilyo. Oras na ng tanghalian ngayon kaya lahat ay sa cafeteria ang tungo.

Napanguso ako. Walang nagtangkang makisabay sa paglalakad ko, lahat ay malayo sa akin habang naglalakad.

Huminto ako sa paglalakad at gumilid. Nilapag ko ang makakapal na libro sa hamba ng malaking bintana para ipahinga ang nangangalay kong mga braso. Halos kahalating dangkal ang kapal ng bawat librong dala ko.

Tinanaw ko ang labas ng bintana at nagpasiyang paunahin na ang lahat ng estudyante. Payapa talaga ang akademya. Walang nakakapasok sa masasamang nilalang o kung anoman. Buhay ang akademya at pili lang ang mga pinapapasok nito at samahan pa ng guards na nagbabantay sa mismong loob ng akademya. Walang duda, ang lugar na ito ang pinakaligtas na lugar sa buong mundo.

Nang maubos ang mga estudyante sa pasilyo ay saka ko lang muling binuhat ang mga libro at umalis doon. Nagugutom na ako.

Ilang beses akong napangiwi dahil sa bigat ng mga libro bago narating ang cafeteria. Parang pumasok ako sa ibang lugar dahil sa katahimikan ng bulwagan. Nandito na ang mga Propesor at ilang Konseho. Napalunok ako at agad naghanap ng mauupuan ngunit wala akong mahagilap!

Hala ka!

"Para kang naliligaw na dwende." malamig na sabi ng tao sa aking likod.

Nilingon ko siya. Nakapamulsa siya, walang emosyon ang mukha habang nakababa ang tingin sa akin.

"Unano talaga," bulong niya habang tinitingnan ako mula paa hanggang ulo, may pang-iinsulto ang mukha.

Napangiwi ako. "Walang nang upuan. Aalis na lang ako, Kil."

Tatalikod na sana ako nang bigla niyang kunin ang mga librong hawak ko. Nagugulat ko siyang nilingon. Nakita ko ang paglingon sa amin ng ilang estudyante. Bakas ng pagtataka at gulat ang mga mukha.

"Sa liit mong iyan, nakaya mo ito? Hindi ba nabali ang mga buto mo?" nang-iinsulto niyang sinilip ang mga maliliit kong braso.

"Bakit mo kinuha? Akin na. Aalis na ako, Kil." mahinahon kong sabi.

Umiling siya. Napanganga ako nang naglakad na siya papunta sa isang mesa. May tatlong nakaupo roon na sa pagkakaalam ko ay mga kagrupo niya.

Binagsak niya ang mga libro ko sa mesa dahilan ng paglikha nito ng ingay sa buong cafeteria. Nakurot ko ang palad nang walang buhay siyang lumingon sa akin.

Tumaas ang isang kilay niya na parang sinasabing ano pa ang hinihintay ko at nakatunganga pa ako.

Huminga ako ng malalim bago naglakad. Natanaw ko sa medyo malayong upuan ang pagbaling ni Narella Blake sa akin. May kakaibang emosyon sa mata bago nilipat kay Kil ang tingin. Tila siya nagtataka sa ginawa ng dating kagrupo.

Nang makalapit ako kay Kil ay tinangka kong kunin ang mga libro ngunit nilayo niya iyon. Sinimangutan ko siya ngunit hindi niya ako pinansin.

"Ano pa ang hinihintay mo? Upo na, Nano."

Nilingon ko ang tatlong kagrupo niya. Nakayuko ang mga ito at parang walang pakialam sa presensiya ko pero hindi ako tanga para hindi mapansin ang panginginig ng kanilang mga kamay na may hawak na kutsata. Bilang lang talaga sa mga daliri ko ang hindi takot sa akin dito sa akademya.

Napahinga ako ng malalim bago naupo. Muli kong nilingon si Narella. Nakatingin pa rin siya sa akin, ang mga mata ay may tinatagong sakit at pagseselos.

Newszealz Academy: Midnight TowerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon