12

115 12 0
                                    

Justice's POV

"Magandang umaga, Binibini." masuyong bati ni Elraiden.

Napanguso ako bago naupo sa kaniyang tabi. Sumandal din ako sa puno ng nara at tumingala.

"Magandang umaga. Ang aga mo ngayon, ah?"

Natawa siya. "Ako dapat ang magtanong niyan. Bakit ang aga mo ngayon?"

Paliwanag pa lang ang paligid. Wala pa ang haring araw pero ang langit ay nagkukulay rosas na na hinaluan ng itim. Kita ko pa ang ilang mga bituin.

"Maaga akong nagising ngayon. Wala naman akong ibang gagawin sa tore kaya pumunta na ako rito. Akala ko ay wala ka pa..." nilingon ko siya. Naabutan ko siyang nakatingin sa naghahalong liwanag at itim ng langit, may kinang ang mga mata.

"Kumain ka na ba?" tanong niya nang hindi ako nililingon.

"Oo... pero gutom pa ako." binulong ko ang huling sinabi. Natawa siya. "Ikaw? Kumain ka na? Rito ka ba natulog? Pero basa ang buhok mo..."

Basa ang buhok niya at halatang hindi sinuklay, parang ginulo lang ng kamay niya para mabuhaghag. Sa lahat ng anggulo, ito ang pinakapaborito ko sa kaniya. Iyong nakatingala siya at hindi nakatingin sa akin. Malaya at kitang-kita ko kasi ang kaniyang mukha kabilang ang emosyon sa kaniyang mga mata. Hulmang-hulma rin ang kaniyang panga, tungki ng ilong at kapal ng kilay. Kahit palagi siyang wala sa ayos at hulog, napakagwapo niya pa rin.

Nilingon kong muli ang langit.

"Kararating ko lang din. Mga ilang minuto bago ka dumating. Hindi pa ako kumakain, wala rin akong dala rito." nilingon niya ako. "Tara sa cafeteria?" aya niya.

Tanaw pala rito ang tuktok ng tore. Ngayon ko lang natanto.

Wala sa sarili akong tumango. Habang naglalakad kami papasok ng gusali ay hindi ko mapigilang mag-alala na baka may ibang estudyante na sa cafeteria.

"Malapit na ang pagsusulit. Handa ka na ba?"

Tumango ako kahit hindi. "Oo."

Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang dapat gawin. Kahit anong mangyari ay hindi ko gagamitin ang kapangyarihan ko pero wala namang iba pang paraan. Ang mga propesor ang magbibigay ng sandata kung kinakailangan kaya hindi rin ako makakapaghanda. Baka magsanay ako ng espada tapos pana ang ibigay sa akin sa mismong pagsusulit. Posibleng mangyari iyon at mawalan ng saysay ang paghahanda ko.

Matunog siyang ngumiti. "Hmm. May kaonting pagbabago ngayon pero tiwala ako na makakaya mo." bulong niya.

"Talaga? Mahirap ba?"

"Wala namang madaling pagsusulit. Naniniwala ko sa iyong kakayahan, Justice."

Hanggang sa makarating sa cafeteria ay iyon ang laman ng pag-uusap namin. Sobrang aga pa kaya kami lang ang tao ngayon pero handa na ang ilang pagkain sa gilid.

"Ako na ang kukuha ng pagkain natin. Hanap ka ng upuan natin."

Tumango ako. Nakanguso akong umupo sa una kong nakitang upuan. Malapit iyon sa pinto ng cafeteria. Nangunot ang noo ko. Napatitig ako sa mesa sa aking harap habang nagbabalik-tanaw ang isip sa nangyari noon.

Dito kami umupo noon. Noong una naming kita ni Elraiden at katulad ngayon, kinuhaan niya rin ako ng pagkain.

Ang pagkakaiba lang, kilala ko na siya at kilala niya na rin ako.

"Ilang araw ang pagsusulit ngayong taon?" tanong ko matapos lunukin ang pagkain sa bibig.

Marami siyang kinuhang pagkain. Halos mapuno ang plato ko at puro iyon gulay! Katulad noong una kaming nagkita!

Newszealz Academy: Midnight TowerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon