Elraiden's POV
Tila naglinya ang lahat ng magkasalungat sa mundong ito ngayong araw. Napakapayapa.
Magaan ang aking dibdib at ang ngiti ko'y tila permanente na sa aking mga labi. Intensyon man o hindi, hindi na ito mawala sa akin habang pinapanood ang aking pinakamamahal na binibini.
Kausap niya ngayon si Maze ilang metro ang layo sa akin. Nasa tapat kami ng tore na ngayo'y buhay na buhay kahit umaga.
Ginilid ko ang ulo at parang baliw na pinag-initan ng mukha nang saglit niya akong lingunin at ngitian. Hindi naalis sa kaniya ang aking tingin, bagkus, ngumiti ako pabalik at kumaway.
Hindi nakalampas sa akin ang malamig na baling sa akin ni Maze. Ni hindi ito tumagal ng isang segundo pero wala akong pakialam dahil ganoon naman siya.
Sa ilang beses naming pagtatagpo, natanto ko na hindi mo kailangang pagtuonan nang pansin ang lahat ng ginagawa ni Maze. Dahil... ang kaniyang kilos ay hindi naman para sa iyo. Tila ba, bawat kilos niya ay kalkulado at kung hindi ka naman mahalaga sa kaniya, walang saysay kung paglalaanan mo siya ng oras.
Hmm...
Sa kaso ko, kabilang ako sa kaniyang kilos, pero hindi iyon dahil sa mahalaga ako sa kaniya, kundi dahil sa ibang bagay. Hindi ko lang matukoy kung ano ito.
Basta ang sigurado ay wala akong maramdamang kahit anong kasamaan sa kaniyang awra. Sa rami nang napaslang ko noon, alam ko kung ano ang itsura at pakiramdam kapag ang isang tao ay may masamang intensyon o binabalak.
Si Maze... Hindi ko alam kung ano ang dapat kong isipin dahil wala rin akong mabakasang kabutihan sa kaniya.
Tila isa siyang blangkong bato.
Sa mga nakalipas na pagtatagpo namin, hindi siya maaring matawag na kalaban lalo pa at ilang taon na niyang pinoprotektahan si Justice at tinulungan pa ako na maisagawa ang plano ko sa pagligtas kay Justice.
Wala akong makapang dahilan para siya ay paghinalaan pero ano itong gumugulo sa isip ko ngayon?
Dahil ba ito sa pagiging blangko niya? Dahil sa unang pagkakataon nakakilala ako ng taong katulad niya? Na hindi ko mabasa?
Napahinga ako nang malalim bago umayos ng tayo.
Nakita kong may inabot na tela si Maze kay Justice. Kasing laki ito ng kamay niya. Nang marahang buklatin ay tumambad ang gintong susi na kasing haba ng kaniyang kamay.
May mga sinabi si Maze pero nasisiguro kong hindi na siya naririnig ni Justice dahil nalunod na ito sa kamanghaan. Mahina akong natawa.
Alam ko ang susing iyon. Isa itong susi na maghahatid sa bangko kung nasaan nakaimbak ang mga salapi at kayamanan. Malamang ay pamanang naiwan ng mga Afé ang laman ng susi.
Napanguso ako. Sa aming pagsasama, hindi niya rin magagamit ang mga ito. Kahit libutin namin ang buong mundo ng limang beses, hindi niya ito kakailanganin.
Nagtapos ang pag-uusap ng dalawa sa isang pahigpit na yakap. Nagtagal iyon ng ilang minuto.
Mabilis akong kumilos nang makita ang bumibilis na pag-angat-baba ng mga balikat ni Justice. Agad ko silang nilapitan at marahang nilapat ang kanang kamay sa kaniyang maliit na likod.
"Sino ang nagpahintulot sa iyo na lumapit?" walang emosyong tanong ni Maze, segundo matapos kong mahawakan si Justice.
"El..." malambing niyang tawag habang umiiyak.
Mabilis kong hinalikan ang kaniyang sintido bago sinalikop ang kaniyang kamay.
Nagkibit-balikat ako. "Ang iyak niya?" patanong na sagot ko kay Maze.