Justice's POV
Dalawang araw ang matuling lumipas. Walang araw na hindi ako masaya dahil kay Elraiden. Palagi akong nabibigla at namamangha sa mga ginagawa niya para sa akin. Wala na talaga akong ibang mahihiling ngayon dahil para sa akin, sobra-sobra na si Elraiden.
Palobo kong inagis ang maliit na bato sa tubig ng talon. Kakatapos pa lang ng umagahan, pagkatapos sa cafeteria ay dito ako dumiretso. Nakaroon uli ng biglaang pagpupulong ang mga Konseho kaya naisipan kong dito na lang hintayin si Elraiden.
"Sabi na e. Rito kita makikita."
Nilingon ko ang nagsalita. Nakita ko ang mabilis na paglalakad ni Xersian. Nakangiti siyang umupo sa tabi ko.
"Ano ang ginagawa mo rito?" muli akong nahagis ng bato. Gumaya siya.
"Ilang minuto lang kitang nakausap kahapon dahil sa bwisi---" kinunotan ko siya ng noo. Napatikhim siya. "ang ibig kong sabihin, dahil kay Elraiden kaya hinanap kita ngayon."
Napatango ako at muling naalala ang nangyari kahapon. Hindi ko inasahan na magiging masama ang timpla ni Elraiden kay Xersian. Tingin ko ay may galit sila sa isa't-isa.
Tahimik akong nalalakad no'n sa pasilyo. Walang masiyadong estudyante dahil palubog na ang araw. Pauwi na ako ng tore dahil inaantok ako. Wala naman nang ginagawa, kumbaga, pahinga namin ngayon hanggang sa pagbubukas ng bagong taon. Ang alam ko ay may mangilan-ngilan nang nagdadatingan na bagong estudyante.
Mabilis akong napaangat ng tingin nang maramdaman ang presensiya ni Elraiden. Natagpo ang aming tingin. Nasa kabilang dulo siya ng pasilyo, pinapanood ang paglalakad ko. Nasa tapat siya ng bintana kaya siya tinatamaan ng sinag ng araw na kulay kahel na ngayon.
Mabagal na sumibol ang ngiti sa kaniyang labi habang pinagkukrus ang mga braso. Umayos siya ng tayo habang hinihintay akong makalapit sa kaniya.
Napailing ako at bahagang natawa sa ayos niya. Halata sa postura niya na naiinip na siya sa mabagal kong paglalakad pero mas piniling maghintay pa rin.
Binuka niya ang mga braso noong malapit na ako. Muli akong natawa pero bago pa makalapit sa kaniya ay biglang lumitaw si Xersian mula sa kanan ko, galing siya sa paliko ng pasilyo.
Nakangisi akong hinarang ni Xersian. Ang saya-saya ng gwapong mukha ni Xersian habang nakababa ang tingin sa akin.
Napanguso ako at sinilip ang tao sa kaniyang likod. Nakita ko ang unti-unting pagdilim ng mukha ni Elraiden.
"Kanina pa kita hinahanap. May gusto sana akong ipakita sa iyo. Nalaman ko kasing mahilig ka sa mga libro," mula sa kaniyang likod ay nilahad niya sa akin ang pulang libro na medyo manipis. "paborito ko ang librong ito at naisip kong ipahiram sa'yo. Maganda ang kwento nito, tungkol sa manlalakbay na lala----"
"Tss."
Hindi ko napansin na nakalapit na pala si Elraiden. Agad niyang pinulupot ang mga braso sa baywang ko at dinikit sa kaniya. Nang silipin ko ang mukha ni Elraiden ay malamig na ito.
"Hey." bati ni Xersian kay Elraiden bago muling binaling ang tingin sa akin. "Kung gusto mo lang naman. Ahm..."
Ngumiti ako. "Hihiramin ko. Wala na akong mabasa sa tore e."
Masaya niyang nilahad ang libro. Inabot ko ito at nagpasalamat.
"Sa cafeteria ba kayo papunta? Sasabay na ako."
Nakita ko ang pagtiim ang bagang ni Elraiden. "No. Sa iba kami pupunta."
Napatango si Xersian. "Saan kung gano'n?" tanong nito na parang may balak pang sumama.