Justice's POV
Pakiramdam ko ay nalaglag ang puso ko sa narinig. "K-kapatid..." bulong ko.
Hindi lingid sa aking kalaamanan ang masakit na katotohanang gusto akong mawala ng aking kapatid ngunit, hindi ko mapigilang matuwa at makaramdam ng kasabikan na makita siya.
Kapatid. Ano kaya ang kaniyang itsura?
"Anak ng iyong ama sa totoo niyang asawa."
Nakita ko ang sakit at pait sa kaniyang mga mata nang banggitin ang mga salitang iyon. Muli kong inangat ang mga kamay upang subukang haplosin ang kaniyang mukha ngunit tulad kanina ay hangin ang nadama ko.
Mahal niya pa rin si Papa.
"Ang akala ko ay pagbabanta lang iyon. Masiyado pa siyang bata noon." napasinghap siya na tila may naalala. Mabilis niya akong nilingon, handa nang pagbilinan ng kung ano. "Anak, kahit anong mangyari, huwag na huwag kang lalapit sa babaeng iyon. Hindi natin siya kaya."
"Ma..." pakiramdam ko ay nalulunod ako sa lahat ng ito.
Hindi ako mangmang para hindi matanto ang dahilan ng aking kapatid. Kumirot ang puso ko. Sa kasabikan kong makilala ang mga kamag-anak ko, siya namang kabaligtaran ng kaniyang kagustuhan.
"Mahal kita, anak, at gusto kong maging ligtas ka palagi. Ipangako mong uunahin mo ang kaligtasan mo, Justice. Mangako ka."
Nakagat ko ang ibabang labi. Naalala ko ang mga pagtangka kong pagsuko sa buhay ko noon. Mali ako roon. Hindi ko dapat ginawa iyon.
Seryoso ko siyang tinitigan. "Pangako po, Ma."
Ngumiti siya. "Ang laki mo na. Natutuwa ako. Napakaganda mo, anak." malambing niyang sabi.
Ngumiti rin ako ng matamis. "Natutuwa akong makilala ka, Mama. Mahal kita, Ma."
"Mahal din kita, anak. Palagi." nilingon niya ang likod ko, "oras na."
"O-oras na?"
"Hindi ako maaring magtagal dito, anak, lalo pa't isang barya lang ang nakuha mo."
"Isang barya... ibig sabihin may iba pa?"
Tumango siya. "Noong mamatay ako, kinalat ng tore ang lahat ng barya ko rito. Bawat barya ay naglalaman ng alaala ko. Ngayon, ang alaalang kaharap mo ay ang huling araw ng pagkikita natin bago ko nilisan ang akademya para humanap ng solusyon sa parusang ito."
"Hahanapin ko lahat, Ma!" napasigaw ako.
Natawa siya. "Alam kong gagawin mo iyan."
Pinanood ko bawat anggulo niya. Kamukhang kamukha ko siya. Sobra ang saya ko ngayong nakilala ko na siya. Ang dami kong nalaman ngayon. Ang mga barya ni Mama. Hahanapin ko lahat ng ito para makausap ko siya ulit at makasama kahit saglit lang.
" Zorleel." bigla niyang banggit.
"Ma?" tanong ko, "sinong Zorleel?"
"Siya ang iyong ama, anak."
Unti-unting nanlaki ang mga mata ko. Zorleel ang pangalan niya.
Napangiti ako. Kahit ganito ang naging takbo ng buhay ko, wala akong makapang galit para sa kanila. Ang tanging gusto kong maasam ay makilala ang mga magulang ko at kapatid.