Justice's POV
"Bukas pa nila gagawin. Makakapaghanda pa tayo." matigas na sabi ni Belinda.
Ito ang gusto ko sa kaniya. Hindi siya nagpapanaig sa takot. Matapang siya at may paninindigan kahit na madaas siyang palautos at mataray.
"Tara na. Ang dapat nating intindihin ay ang kakainin natin sa susunod na mga araw."
Lumakas ang loob namin sa sinabi niya. Muli kaming nagpatuloy.
"Malapit nang matapos ang aktibidad na ito, marami na tayong nalampasan kaya dapat lang na hindi tayo matalo." dagdag pa niya.
Tama ang sabi noong mga lalaki kanina. Wala ngang ibang grupo ang naggagala dahil madali kaming nakapasok sa gubat at nakakuha ng sapat na pagkain hanggang sa matapos ang aktibidad na ito.
Nagmadali kami sa pagbalik sa bahay para makapaghanda na sa gagawing pagsugod ng grupong iyon. Pero...
Nanghihinang napaupo si Nadja sa lupa nang matanaw ang nasusunog na bahay namin. Ano ang nangyari?
Naging mabilis ang mga pangyayari. Nabitawan ko ang hawak na bag na may lamang pagkain dahil sa isang pag-atakeng hindi ko nakita. Tumama ang sipa sa aking tiyan na ikinatilapon ko. Napaubo ako at napaigik sa sakit.
Nahirapan akong tumayo dala ng panghihina. Ang sakit ng tiyan ko!
"Mahina ka pala. Paanong kinakatakutan ka sa akademya?" boses lalaki.
Inangat ko ang tingin habang sapo ang tiyan. Ilang metro ang layo sa akin, nakapamulsa ang isang lalaking hindi ko kilala. Nililipad ang kaniyang kapa at sa labi ay may ngisi.
Isang nasasaktang sigaw ang narinig ko. Mabilis kong hinanap ang boses na iyon.
Hindi ko inasahan ang makikita ko sa paligid. Bawat kagrupo ko ay may kinakalaban at ang aming bahay na kahit gawa sa bato ay bumigay pa rin gawa ng sunog. Nasira ang bahay na isa at kalahating linggo na naming pinoprotektahan.
Nakita ko ang kinakatakutan kong Konseho, kalaban ni Belinda. Halata ang malaking lamang ni Omar kay Belinda!
Sa puntong ito, kahit wala pa sa kalahati ang nangyayari, alam kong talo na kami.
Ilang pagsabog ang narinig ko pero hindi ko ito napagtuunan ng pansin no'ng isang sipa ang muling tumama sa akin. Tumilapon ako sa isang pader. Bumaon doon ang katawan ko!
Halos umarko ang likod ko dahil sa malakas na impak. Napaubo ako. Sunod ang pamamanhid ng katawan.
Mas napaigik ako no'ng lumitaw siya sa aking harap at sinakal ako. Mas lalo siyang ngumisi dahil sa naging reaksyon ko. Hindi ako makahinga!
"Maganda ka. Pero mahina."
Pinilit kong maangat ang kamay para hawakan ang kaniyang kamay sa aking leeg. Buong lakas kong inalis iyon pero hindi siya natinig.
"Ano ang pinagmamalaki mong kapangyarihan? Ipakita mo!" mas diinin niya ang kamay sa aking leeg.
Kinapos ako ng hininga. Lumalabo ang tingin ko.
Hirap akong umiling. Hindi. Hindi ko gagamitin ang kapangyarihan ko kahit na kailan!
"Sumuko ka na lang kung gano'n. Tutal, talo na naman na talaga kayo sa simula pa lang. Tingnan mo ang mga kasama mo, lahat sila ay sumuko na." sa sinabi niyang iyon ay pinilit kong malibot ang tingin.
Mas nanlumo ako nang makita ang halos wala ng buhay na katawan ng mga kagrupo ko. Kahit si Belinda ay natalo nila ng walang hirap.
"Tandaan mo ang pangalan ko, Justice Eullen dahil ako ang tatapos sa iyo. May name is Xersian. Tatapusin ko ang batang kinakatakutan ng akademya. Ikaw iyon. Paalam, Binibin---"