0

1K 25 0
                                    


Justice's POV

Ang tanging nagbibigay ng ingay sa paligid ay ang mabagal na paggalaw ng mga naglalakihang piyesa ng orasan ng tore. Ang maliwanag na sinag ng bilog na buwan ay malayang tumatagos sa naglalakihang mga bintana. Kalmado ang paligid. Ang kalamigan ng sahig na aking kinauupuan ay hindi ko ramdam dahil sa makapal na saya na aking suot.

"May mga tao..." bulong ko.

Napaangat ang aking tingin mula sa mga librong nasa harap ko patungo sa mga naglalakihang piyesa ng malaking orasan. Pamilyar ang presensiya ng isa. Ang Unang Konseho.

Hindi na bago ito. Madalas pumunta ang Unang Konseho dito sa tore tuwing ganitong oras pero iba ngayon, may kasama siya.

Muli kong binalik ang atensyon sa mga librong nakalatag sa aking harap. Ilang ulit ko nang nabasa ang mga ito pero dahil wala akong ibang pagpipilian, binabasa ko ulit.

Nakakatamad. Nakakagutom.

Napabuntong hininga ako saka pabagsak na humiga sa malamig na sahig ng tore. Mabagal na kumalat ang maalon kong buhok sa sahig at tumunog ang bell sa aking leeg.

Paulit-ulit na lang. Nakakasawa naman itong buhay ko. Buong buhay ko, dito na ako lumaki sa tuktok ng tore.

Tamad na tumayo ako makalipas ang ilang minuto at tinungo ang aking higaan. Isang malambot at makapal na tela lang ito na sakto sa isang tao. Kupas ang kulay na pula at ang ilang parte ay naghihimulmol na. Walang buhay na binagsak ko padapa ang katawan roon.

Nagugutom na ako.

Tuwing nagiging ganito ang pakiramdam ko, dinadaan ko na lang sa pagtulog.

Kinabukasan ay maaga akong nagising para muling libutin ang tore. Kahit dito na ako lumaki at nagkaisip, hindi ko pa rin napupuntahan ang ibang parte ng malawak na tore.

Halos masilaw ako sa tumatagos na sinag ng araw sa bawat bintana ng tore.

Nawawala ang toreng ito tuwing umaga sa paningin ng mga tao. Lumalabas lang kapag pumatak ang hating-gabi. Hindi naman ito ganito noon, malayang napupuntahan noon ng ibang estudyante ang tore, nakakalabas din ako at nakakasalamuha ang iba pero no'ng tumuntong ako ng labing walo ay hindi na ako nakalabas.

Nawala rin ng parang bula ang toreng ito sa isipan ng mga estudyante at propesor  maliban sa Unang Konseho. Literal itong nawala sa kanilang alaala.

Malayang bumagsak ang magarbong tela ng aking suot sa sahig nang makatayo ako. Halos lahat ng damit ko ay ganito. Parang palagi akong dadalo sa isang pagtitipon sa sobrang ganda ng aking suot.

Sumusunod sa bawat hakbang ko ang makapal na saya na pinaghalong rosas at itim ang kulay. Ang malaking ribon sa likod ng baywang ay nararamdaman kong nakikisabay din sa aking galaw.

Ang sahig ng tore ay makintab, kita ko ang aking repleksyon sa sobrang linis nito. Wala ring alikabok sa kahit saang sulok ng tore. Makakapal ang salamin ng malalaking bintana, wala itong kurtina. Ang pader ay gawa sa malalaking bato at semento na pininturahan ng kulay gubat, berde at brown.

May mga misteryosong halamang nasa paso rin kada gilid. Sa gilid ng tuktok nitong tore matatagpuan ang magandang fountain at sa paligid no'n ang maraming bulaklak.

Hindi ako ang may gawa ng lahat ng iyon kundi ang tore. Makapangyarihan ang tore, kahit ano kaya nitong gawin. At kabilang do'n ang pagkulong sa akin dito sa loob ng tore.

Ito rin ang nagbibigay ng pagkain ko, ng damit, ng mga libro, ng kahit anong kailangan ko maliban sa tsokolate. Gustong-gusto ko ang tsokolate at dalawang taon na akong hindi nakakatikim no'n.

Newszealz Academy: Midnight TowerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon