Justice's POV
Nangunot ang noo ko nang may aninong tumabon sa mukha ko. Nilingon ko ang pinanggalingan no'n.
Namilog ang mga mata ko nang makita si Kil na nakayuko sa akin. May malungkot siyang ngiti at kakaibang emosyon sa mga mata.
"Kumusta?" nilagyan niya ng giliw ang boses pero halatang malungkot siya.
Nginiwian ko siya. "Anong kumusta sinasabi mo? Dalawang araw mo akong iniwasan!"
Natawa siya. "Makinig ka, Nano. Hindi mo man siya maalala ngayon, gusto kong malaman mo na hindi totoo ang mga nakita mo. Hindi totoo iyong halik at ma---"
Nanlaki ang mga mata ko. "Anong halik?!" nagugulat kong sabi.
Biglang pumasok sa isip ko ang ganong tagpo sa pagitan naming dalawa. Nangilabot ako.
Sumama ang mukha niya. "Tss. Ang mga tagpong nakita mo sa pagitan ni Ikalima at Ikaanim, hindi iyon totoo. Ilusyon ko iyon. Parte iyon ang mga plano niya."
Nangunot ang noo ko. May kumirot sa puso ko sa kaniyang sinabi. Matagal ko nang gusto si Ikaanim at iyong tinutukoy niya siguro ay iyong paglalapit ng dalawang Konseho. Pero... hindi ko pa sila kailanman nakitang naghalikan...
Muling kumirot ang puso ko. Hindi ko ata kakayaning makita ang ganoong tagpo.
"Sa isang buwan pa babalik ang alaala mo sa kaniya at sana, sa puntong iyon, matanto mo na ikaw pa rin, Nano. Ikaw lang ang mahal niya." tipid siyang ngumiti.
Sinimanutan ko siya. "Nakakain ka na naman ba ng kung ano? Hindi ko na naman maintindihan ang mga sinasabi mo."
"Bobo." bulong niya.
Sinamaan ko siya ng tingin. Napailing siya. "Kahit ngayon, nasa ilusiyon kita..." bulong niya.
"Ano?" tanong ko.
"Wala. Tumayo ka na diyan. Magsisimula na ang umagahan."
Napangiti ako. Gutom na nga ako. Nilahad ko ang kamay na may gwantes sa kaniya para manghingi ng tulong pero tinitigan niya lang ako.
"Damot!" parang batang bulong ko at tumayo na.
Hindi ko alam kung bakit pagod ako. Tila naubos ang lakas ko at nanlalagkit ang mga mata ko dahil sa luha. Ni hindi ko rin alam kung ano ang ginagawa ko rito.
Bakit ako nakaupo sa lupa at tila namatayan?
Nang makatayo at hahakbang na sana ay bigla akong nawalan ng balanse. Hinang-hina ako. Wala akong lakas? Bakit?
Nanlaki ang mga mata ko at handa na sa sakit na dala ng pagbagsak pero nasalo ako ni Kil. Lumabo ang pag-iisip ko. Kinakain ako ng antok habang nasa kaniyang bisig. Napapikit ako. Gusto kong matulog bigla. Binuhat niya ako.
Narinig ko ang paglitaw ng iba't-ibang boses habang nakapikit. Bigla ring umalingasaw ang masangsang na amoy. Umiba rin ang awrang hatid ng hangin.
"Dalhin niyo si Ikaanim sa Zelz. Ikaw na ang bahala kay Binibining Justice, Kil." boses iyon ng Headmaster. "Mukhang aabutin ng ilang oras bago malinis ang buong akademya at maibalik sa dati."
Kinabahan ako. Nasa harap ba namin ang Headmaster?! Gustuhin ko mang imulat ang mga mata ko ay hindi ko kaya. Antok na antok na ako.
"Hay... ang arko." bakas ng labis na panghihinayang ang boses ng Headmaster.
"Hindi naman siguro aabutin ng ilang araw bago magising si Ikaanim, hindi ba?" mahinang tanong ni Kil.
Kumabog ang dibdib ko. Tinangka kong imulat ang mga mata ko pero mabilis na tinakpan ni Kil ang mga ito. Kinain ng kuryosidad ang isip ko dahil nabanggit si Ikaanim.