Justice's POV
Lumipas ang ilang minuto ay hindi pa rin siya umaahon. Kinabahan ako. Mabilis akong lumapit sa tubig at tinanaw ang ilalim. Malinaw ang tubig, halos magberde na ito. Ang mga malalaking bato sa ilalim ay kitang-kita pati ang mga isda pero ni anino ni Elraiden ay hindi ko makita.
"Elraiden!"
Lumipat ako ng pwesto para mas matanaw ng maayos ang tubig pero wala pa rin!
Mas lalo akong ginapang ng kaba. "Elraiden! Nasaan ka?!"
Nanginig ang labi ko sa takot. Nilingon ko ang bag at kaniyang damit sa puno bago binalik ang tingin sa tubig. "Elraiden! Magpakita ka! E-Elraiden!"
Napailing ako. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong klase ng takot. Napalunok ako.
Huminga ako ng malalim bago walang pagdadalawang isip na sinuong ang tubig. "Elraiden! Nasaan ka na?!"
Umabot agad sa aking baywang ang tubig. Bumigat din ang suot kong bistida. Ang aking gwantes ay agad nabasa, pati ang aking buhok na mahaba ay bumigat.
"Elraiden!" sa muli kong paghakbang ay lumubog ako.
Kinawag ko ang mga paa at kamay para makaahon ngunit kinakain lang ako lalo ng tubig. Mabilis akong kinapos ng hininga.
Ganito rin ba ang nangyari kay Elraiden kaya hindi na siya nakaahon?
Umalpas ang luha sa aking mga mata. Nanginig ang aking katawan sa takot.
Nabuga ko ang huling hiningang me'ron ako at bago pumikit, natanaw ko ang bulto ng isang taong nagmamadaling lumangoy palapit sa akin.
"Tangina. Gumising ka! Justice. Justice!"
Naramdaman ko ang pagpasok ng hangin sa aking bibig at ilang pagbayo sa aking dibdib bago ako napamulat at napaubo. Hinihingal akong napabangon.
Nang luminaw ang paningin ay naaninag ko ang tiim-bagang na si Elraiden. Walang kasing dilim ang kaniyang mga mata. Galit na galit siya na hinahaluan na anino ng takot.
Mahina siyang napamura bago hinaplos ang aking buhok at braso para alalayan. "Do'n do that again. Justice. Tangina. Muntik na akong..." hindi niya tinapos ang sunod na sasabihin. Napamura siyang muli bago ako niyakap. Bahagya pang nanginginig ang katawan niya.
Napahikbi ako. Ngayon lang natanto ng aking isip ang nangyari. Muntik na akong mamatay! Namanhid ang katawan kong nanlalamig kasabay ng panginignig ng labi.
"Shh. Ligtas ka na." masuyo niyang bulong sa aking tainga.
Umalpas ang luha sa aking mga mata. Muntik na, Justice. Muntik ka nang mamatay.
"I'm sorry. Kasalanan ko ang nangyari. Hindi rapat ako nagtagal sa tubig."
Nasaktan ako sa tono ng kaniyang boses. Malayong-malayo iyon sa Elraiden na kilala ko. Puno ng pagsisisi at takot ang boses niya.
"T-tinakot mo ako." nanghihina kong sabi. Mas nanigas ang katawan niya sa pinaghalong takot at pagsisisi. Humigpit ang yakap niya bago kumalas at hinarap ako.
Masuyo niya akong tinitigan sa mukha bago napahinga ng malalim. "Pasensiya na." tangi niyang nasabi.
Huminga ako ng malalim. Medyo kalmado na ang paghinga ko pero hindi ang puso. Hindi ko maalis ang takot na nararamdaman ko. Parang nadikit na. Kahit nandito siya sa aking harap at siya pa mismo ang nagligtas sa akin, hindi ko mapigilang magtanong na paano kung nalunod siya? Walang magliligtas sa kaniya!