Justice's POV
Kung normal na araw lang ito, baka kanina pa ako nakanganga habang natutulog sa tore. Ala una na ng madaling araw pero kahit pag-idlip ay hindi ko pa nagagawa. Hindi rin naman ako inaantok.
Bago nagsimula ang pagsusulit ay binigyan ang lahat ng bag, laman nito ang mga pagkain at ilang bagay na kakailanganin namin. Sabay-sabay pumasok ang lahat sa gubat pero ngayon ay wala akong maramdamang presensiya kahit isa.
Tiningala ko ang maliwanag na buwan. Napakabagal ng oras ngayon. Pakiramdam ko ay isang minuto pa lang ang nagdaan. Napahinga ako ng malalim bago nagpasiyang maglakad muli. Balak kong sundin ang sinabi ni Elraiden. Magtatago na lang ako sa punong iyon.
Kaduwagan sa iba ang desisyong ito dahil parang umiiwas lang ako at takot ngunit para sa akin, malaking bagay na ang gagawin ko. Hindi ko kailan man pinangarap na makasakit ng iba. Maraming beses ko nang sinubukang kontrolin ang aking kapangyarihan at lahat ng resulta ay masama ang kinalabasan. Maraming puno at halaman ang naging abo dahil sa akin. Lahat ng may buhay sa mundong ito, kapag hinawakan ko, nagiging abo sa ilang segundo lang.
Isang malakas na pagsabog ang nagpatigil sa akin sa paglalakad. Alerto kong ginala ang tingin. Puro puno lang ang nakikita ko at mga malalaking ugat. Ang maganda sa pagsusulit na ito, makakapagtago ang kahit na sino sa dilim habang naghihintay ng mabibiktima.
"Kyahh!" sigaw ng isang babae.
Kunot-noo kong nilingon ang aking likod. Doon nanggaling ang sigaw.
"Huwag, pakiusap! Tama na!" umiiyak nitong pagmamakaawa.
Sa kabilang gilid ko naman, biglang tumaas ang itim na usok. Nasisiguro kong dahil iyon sa nasusunog na mga puno! Naging sunod-sunod ang mga pagsabog, pagyanig ng lupa at ilang sigaw. Nagsisimula na ang laban.
Muli kong nilibot ang tingin bago pinakiramdaman ang paligid. Malakas ang loob ko na hindi ako mahahanap ng kung sino dahil magaling akong magtago ng presensiya.
Ilang paglalaban ang nadaan ko bago narating ang kakaibang puno. Ilang beses din akong muntikang matamaan ng mga nagkalat na kapangyarihan!
Tanaw ko na ang puno. Tulad noon, parang umiilaw na naman ito dahil sa napakaraming alitaptap na nakadapo rito.
Hindi ko napigilang mamangha nang makalapit. Maingat kong tinawid ang naglalakihang mga ugat bago nakaapak sa mababaw na tubig na nakapalibot sa puno.
Umabot sa tuhod ko ang lalim ng tubig. Nahahawi ang mga naglalangoy na isda sa dinadaanan ko.
"Napakaganda."
Hindi pa man ako nakakaalis sa tubig ay may humigit na sa mga braso ko. Alerto kong nilingon ito at handa nang suntukin pero hindi natuloy dahil si Elraiden iyon.
Hinihingal niyang ginala ang tingin sa mukha ko. "You're fine..." bulong niya sa gitna ng hingal.
Mabagal akong tumango. "Ano ang ginagawa mo rito?"
Huminga siya ng malalim bago marahan akong hinila paalis sa tubig. "I can't help it, Justice. Sobra akong nag-aalala kaya nagmadali ako. Pangalawang beses ko nang punta rito. Kanina ay wala ka kaya umalis ako agad at hinanap ka. Hindi kita nakita. Saan ka ba galing? Bakit ang tagal mo? Hindi ko maramdaman ang presensiya mo... akala ko." napamura siya at hindi na natuloy ang gustong sabihin.
Napanguso ako at nilingon ang puno. Malapad ang katawan nito kumapara sa ibang puno. Ang mg maninipis na baging na nakasabit sa puno ay halos lumapat sa aming ulo.
"Hey... magsalita ka." hinarap niya ako sa kaniya.
Mas napanguso ako. Hindi ko siya matingnan. Hindi ko alam sa sarili ko kung bakit ako sobrang namamangha sa itsura niya ngayon. Napakagwapo niya. Hindi siya mukhang wala sa ayos ngayon at hindi ako sanay! Saka, hindi ko maintindihan ang punto niya.