14

94 11 0
                                    

Justice's POV

Ilang minuto ang lumipas ay laglag-panga pa rin ang lahat. Kahit ako ay hindi ko ito inasahan. Walang ibang makikita ngayon sa mukha ng mga estudyante kundi ang pagkabahala at taranta.

"Ang mga Konseho ang magbibigay sa inyo ng detalye tungkol sa mangyayari ngayong gabi." pagtatapos ng Headmaster, malawak ang kaniyang ngiti at siyang-siya sa nakikitang reaksyon ng lahat.

Humakbang si Elvis at inayos ang salamin sa mata bago nagsalita. "Malaki ang kaibahan ng pagsusulit ngayong taon kaysa sa nagdaang mga taon. Sa loob lang ng isang araw gaganapin ang pagsusulit." tumalim ang kaniyang tingin kasabay sa pagkislap ng suot niyang salamin.

Kita ko ang lihim na pag-alma ng mga estudyante. Ngunit walang naglakas-loob na magsalita at magbigay ng reaksyon sa harap ng Unang Konseho.

"Titipunin ang lahat sa gubat ng Neazle. Doon, masusukat ang inyong talino at lakas ng kapangyarihan. Ang pagsusulit ngayong taon ay maaring tawaging, matira-matibay." madiin niyang sinabi ang huling pangungusap.

Nangunot ang noo ko. Hindi ito patas sa mga may mabababang puntos. Ngayon pa lang, kita na agad ang malaking kalamangan ng mga malalakas na estudyante. Paano ang mga estudyanteng pang-depensa ang kapangyarihan? Hindi patas.

Pero, kung titingnang mabuti. Ang mga pang-depensa ay kaya nilang magamit ang pisikal nilang lakas. Magagamit nila ang kapangyarihan nila para tumagal sa laban. Ang pang-opensa naman, magagamit nila ang kapangyarihan nila sa pakikipaglaban pero paano ang pisikal nilang lakas? Maari silang mabagod at maubusan ng enerhiya!

Kung sa Neazle gaganapin, malaki ang tiyansang isa o dalawang estudyante lang ang makalaban dahil sa sobrang lawak ng gubat na iyon. Halos kalahati ng akademya ang lawak ng gubat ng Neazle.

"Hindi madedesisyunan ang pagsusulit na ito kung hindi ito patas sa lahat. Hindi ko na kailangang ipaliwanag, madali nang intindihin lalo't nandito tayo sa akademya."

Malamig ang kaniyang pagkakasabi pero bakit pakiramdam ko, nang-iinsulto siya sa huling sinabi? Tila ba sarkastiko siya.

"Sa loob ng isang araw, maaring makalaban ninyo ang kahit sino. Kabilang ang mga Konseho, kaibigan, kasintahan o kapatid. Tandaan niyo, lahat tayo ay malakas sa sariling pamamaraan at tiwala sa sarili." nilingon niya si Ika'lawa bago binalik ang tingin sa amin. "ako ang naatasang magbantay ngayong taon. Magsaya sana kayo sa pagsusulit na ito."

Sa huling sinabi niya, tila malaking kaluwagan na iyon sa lahat. Ibig sabihin, siya ang hindi makakasama sa pagsusulit na ito ngayong taon. Magbabantay siya sa lahat. 'Pag sinabing lahat, kahit ang mga Propesor ay babantayan niya, hindi lang sa kaligtasan kundi na rin pati ang mga gagawing kilos at galaw.

Kumaway si Iñaki habang malaki ang ngiti. "Magandang gabi. Tulad ng sabi ng Headmaster, alam kong marami sa inyo ang takot. Huwag kayong mag-alala dahil... maari kayong manghingi ng tulong kahit kanino habang nasa gubat."

Nagsinghapan ang lahat. Bakas sa kanila ang kagustuhang magsaya ngunit hindi nila mabuka ang bibig para magsalita dahil sa nakakakilabot na presensiya ng mga Konseho.

"Masaya, hindi ba? Maari niyong tulungan ang inyong mga kaibigan," biglang sumeryoso ang mukha ni Iñaki. "ngunit, parehas kayong mawawalan ng puntos."

Namatay ang kasiyahan ng lahat. Bumagsak ang mga balikat sa dinugtong ng Ika'lawa.

"Ang misyon ng pagsusulit ngayong taon ay maging independent ang mga estudyante. Kaya kung magbabalak kayong magtulungan, walang mangyayari sa inyo. Bago magsimula ang pagsusulit, lahat ay bibigyan ng porselas. Sa porselas na iyon nakalagay ang inyong puntos. Isang daang puntos ang ibibigay sa lahat bago magsimula ang pagsusulit. Ito ang nakakasabik na parte," napangisi si Iñaki. "kapag tumulong kayo sa iba, mababawasan ang puntos niyo. Kapag naman nakipaglaban, madodoble ang puntos na me'ron kayo. Nakamamangha, hindi ba?" nilibot niya ang tingin at mas lalong nasabik.

Newszealz Academy: Midnight TowerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon