2

243 14 0
                                    

Justice's POV

"Alam ko ang lahat ng ginawa mo sa klase ko, Binibining justice. Wala tayo sa normal na paaralan. Hindi ako madaling malinlang."

Napayuko ako. Halos malalaglag na ako sa aking kinauupuan sa sobrang kaba. Nandito ako ngayon sa harap ni Propesor Wintre sa kaniyang opisina.

"Maraming beses ka nang lumiban sa klase ko at dinahilan mong masama ang iyong pakiramdam. Hindi mo ba naisip na kahit ang nag-aagaw buhay na tao ay kayang gamutin dito sa akademya sa ilang segundo lang? Ang iyong 'karamdaman' pa kaya?"

Napalunok ako. Paniguradong may parusa ito.

"P-patawad po." nanginig ang boses ko.

"Ano ang dahilan mo sa lahat ng ito?"

Bahagya akong napangiwi. Mas tataas ang parusa ko kapag sinabi ko ang tunay kong dahilan. Ilang beses kong kinurot ang palad para kumalma.

"A-ano po... Pasensiya na po talaga. H-hindi ko na po uulitin. Kahit ano pong parusa tatanggapin ko. Patawad po."

"Hindi iyan ang gusto kong marinig. Ano ang dahilan mo, Binibining Justice? Sa lahat ng naging estudyante ko, ikaw pa lang ang naglakas loob na gawin ito." ang kuryusidad ay nasa kaniyang tono.

Mariin akong pumikit at muling kinurot ang palad bago sumagot. "T-tinatamad po ako." bulong ko na halos dalhin ng hangin para lang marinig ng Propesor.

Akala ko ay magagalit siya at sisigawan ako ngunit iba ang nangyari. Natahimik lang siya at napailing. Maliit kong inangat ang tingin.

Awang ang labi niya habang nakatitig sa akin. "Ibang klase." walang buhay niyang sabi.

Hindi ko alam kung namamangha siya o ano.

"Pa... pasensiya na po talaga. Hindi na po mauulit. Pangako!"

Napahinga siya ng malalim. "Hindi ako ang magbibigay sa iyo ng parusa. Nandiyan ang mga Konseho para sa bagay na iyon. Mababa ang mga puntos mo sa akin, Binibining Justice. Kung ipagpapatuloy mo ito, hindi ka makakaalis ng akademya."

Natahimik ako hindi dahil sa parusa kundi dahil sa huling sinabi ng Propesor. Makakaalis ng akademya? Ako? Posible ba iyong mangyari?

"Hindi ko na po uulitin. Pasensiya na po ulit." mabagal at mababang boses na sabi ko.

"Nagkakaunawaan na tayo. Dumiretso ka sa opisin ng mga Konseho para sa iyong parusa. Inaasahan ka na ng Unang Konseho."

Matapos magpaalam at humingi ulit ng tawad ay lumabas na ako. Habang palapit sa opisina ng mga Konseho ay pabilis nang pabilis ang tibok ng puso ko.

Ilang beses akong huminga ng malalim bago inangat ang kamay para kumatok. Lalapat pa lang ang kuyom kong kamay sa pinto nang bumukas ito. Bumungad sa akin ang nakangiting si Ika'lawa.

"Magandang hapon, Justice. Pasok ka." magiliw na sabi ni Binibining Atansia.

Hindi agad ako nakagalaw sa pwesto ko. Palagi akong natutulala sa kaniya. Napakabait niya at palangiti. Kahit sa akin.

"Uh..." nakayuko akong pumasok.

Nakakahiya ang dahilan ng pagpunta ko rito. Ngayon ko lang natanto na sobrang mali ang nagawa ko. Nalabag ko ang isa sa batas dito sa akademya.

Halos umatras ako nang magtama ang tingin namin ng Unang Konseho. Pormal siya at walang kangit-ngiti sa labing nakaupo sa tapat ng sariling mesa. Si Auxcel Sine Garzia.

Nagtayuan ang mga balahibo ko. Yumuko ako bilang paggalang bago mabilis na umiwas ng tingin at sinuri na lang ang paligid. Bakante ang ibang mesa at wala ang ibang Konseho.

Newszealz Academy: Midnight TowerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon