Chapter 3

21.1K 647 59
                                    

ARKHE

"NGINITIAN KA LANG, bumigay ka na?"

Napangisi ako sa banat sa 'kin nitong si Theo habang nakatambay kami sa Third Base. Kinwento ko kasi sa kanya ang pagkikita namin ni Sab nung nakaraang linggo lang.

"Ano, mahal mo pa rin?" dagdag niya pa sabay hithit sa yosi.

Sumandal ako sa upuan at tumingala sa kisame nitong club. Kaming dalawa pa lang ang nandito kasi maaga pa. "Syempre. Kahit na halos mawala na ako sa sarili nung nakalimutan niya ako, gustong-gusto ko pa rin talaga siya. Hindi ko nga lang alam kung tama 'tong nararamdaman ko. Ilang araw ko nang pinag-iisipan."

"Ba't naman magiging mali?"

Huminga ako nang malalim. "Baka lang kasi mali na umaasa na naman ako. Baka dapat panindigan ko na lang ang una kong plano na lumayo na lang."

Natawa siya sa 'kin. "Ang labo mo, gago. Wag ka nang mag-dalawang isip. Bumalik na nga siya rito sa Pinas, kinakausap ka na niya kahit papaano. Senyales na 'yon. Do'n ka ulit mag-umpisa."

"Tss. Ang dali lang sabihin. Sa dami ng pinagdaanan ko, syempre natatakot na rin akong sumugal ulit. Baka wala akong mapala e. Baka hindi na niya talaga ako maalala."

"Hindi mo malalaman brad kung hindi mo susubukan. Tsaka pansin ko, nagkabuhay ka nung nagkita na ulit kayo. No'ng umuwi ka kasi rito galing sa Amerika tangina hindi ka namin makausap nang maayos, alalang-alala si Mama sa 'yo. Ngayon nagsasalita ka na ulit. Maganda rin naidulot ng pagkikita niyo."

Pasimple akong napangiti. Totoo nga 'yon. Nabuhayan talaga ako nung nakita ko si Sab tsaka dahil sa sinabi ni Amanda na nagsisikap na rin talaga ang kapatid niya na tuluyan nang gumaling. Parang nagkaroon ulit ako ng dahilan para lumaban. Saglit lang naman kaming nag-usap ni Sab no'n sa opisina nila kasi nawala na agad ang atensyon niya sa 'kin. Pero pagkauwi ko sa bahay, sobrang kuntento ako. Parang ang tagal ko siyang nakasama kahit hindi naman. Simula no'n, siya na ulit ang laman ng isip ko. Ang pinagkaiba lang, hindi na ako gano'n kalungkot.

Pakiramdam ko nga alam ko naman na talaga kung anong gusto kong mangyari. Dinadaga lang ako, pero alam ko kung anong gusto ko. Gusto ko uling makuha si Isabela. Naghahanap lang ako ng totoong susuporta sa 'kin at mas magpapalakas ng loob ko. Si Theo na siguro 'yon.

Tumayo na ako. Kumuha ako ng isang stick ng yosi galing sa kaha niya, tapos sinindihan. "May isa lang akong pino-problema kung sakali."

"Ano?"

"Sino. Si Morris."

"Ah, ang lalaking palaging kasama ni Isabela ngayon?"

Tumango ako sabay hithit sa yosi. "Hindi ko talaga gusto ang gagong 'yon. Pinakawalan na niya dati si Sab, pero ngayon dinidikitan niya na naman. Kaya hindi rin tuloy siya nilalayuan ni Isabela."

"Ano, abangan na ba natin 'yan sa labas?"

Napangisi ako. "Tangina baka tayo pa abangan no'n. Kayang-kaya no'n na magpapatay ng tao. Muntik nga akong ipapatay no'n dati 'di ba, kung hindi lang ako niligtas ni Sab."

"Natatakot ka na baka sa kanya mahulog si Sab? 'Di mas lalong hindi ka na dapat magdalawang isip. Kapag hindi ka pa kumilos 'tol, diyan sa Morris na 'yan babagsak si Isabela."

Umigting ang panga ko. 'Yon ang hinding-hindi mangyayari.

Tinapos ko 'tong pagyo-yosi ko tas naglabas ako ng cellphone. Tinext ko si Amanda. Makikipagkita ulit ako.

"Ikaw pa rin muna ang bahala dito sa Third Base," sabi ko kay Theo. "Bantayan mong maigi."

Natawa na naman siya sa 'kin. "Tangina lakas makautos, ah. Sino ba talagang mas matanda sa 'ting dalawa?"

Everything I Need [BOOK 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon