Chapter 2

24.1K 831 135
                                    

ARKHE

***FLASHBACK***

New York, USA

"Arkhe! She's awake!"

Nataranta ako, tinawag na ako ni Amanda rito sa labas ng kwarto ni Sab sa ospital.

Tumayo agad ako para pumasok sa loob. Kasunod ko si Morris pati ang asawa ni Amanda. Nagka-malay na nga si Sab mula sa operasyon. Pero halatang wala pa siya sa sarili. Palinga-linga siya sa paligid, parang hindi pa pumapasok sa isip niya kung nasaan siya.

Napangiti naman ako nang malapad, tapos lumapit. Ang saya ko na nagising na rin siya sa wakas. Kinabahan kasi ako nung una na baka hindi niya kayanin ang operasyon.

"Sab . . ." Dapat hahawakan ko siya sa kamay, kaso bigla niya akong tiningnan na parang natakot siya sa 'kin.

Hindi ko na lang tinuloy ang paghawak. Nginitian ko na lang siya. Baka nabibigla pa siya kasi kagigising niya lang.

"Anong nararamdaman mo? May masakit ba sa 'yo?" magkasunod kong tanong sabay tingin sa nakabendang ulo niya.

Pero hindi niya ako sinagot. Nakakunot ang noo niya sa 'kin. Parang takang-taka siya kung bakit ako nakikipag-usap.

Tapos bigla siyang naglipat ng tingin kay Amanda na nasa tabi ko. "S-sino siya? Hindi ko siya kilala."

Ako naman ang napakunot ng noo. Tinitigan ko siya nang matagal kasi baka nagbibiro lang siya, pero hindi nagbago ang reaksyon ng mukha niya sa 'kin.

Napatingin na rin ako kay Amanda pagkatapos. "Anong nangyari?" Nagawa ko pang magtanong kahit na pakiramdam ko bibigay na lang basta 'tong mga tuhod ko kasi bigla na lang akong nanginig.

Namutla naman ang itsura niya. Hindi niya ako nasagot at naglipat lang din siya ng tingin sa doktor na nakatayo sa kabilang gilid ng kama ni Sab.

Ang bilis kumilos ng doktor kahit wala pang tinatanong si Amanda. Tiningnan agad nito si Sab at nagtanong-tanong, pero walang maisagot si Sab. Parang naiiyak na nga siya kasi nahihirapan siyang sumagot kahit simple lang naman ang mga tanong.

Lumakas na ang kabog ng dibdib ko. Ayokong manguna, pero mukhang nangyari na ang bagay na ilang buwan ko nang kinatatakutan.

"I'm sorry. It seems like she suffered memory loss . . ." sabi na sa 'min ng doktor.

. . . as I've said before, brain surgery can possibly cause her to lose some or all of her memories. It can also affect her behavior and ability to think. We will keep monitoring her for now."

Unang linya pa lang ng doktor na-blangko na ako. Hindi ko na narinig ang iba niyang mga sinabi. Para akong biglang nabingi ngayon na wala ng ibang marinig kung 'di 'tong kabog ng dibdib ko at malalalim na paghinga ko.

Hinang-hina akong napahakbang paatras hanggang sa tumama ang likod ko sa pader. Naluha ako nang tahimik pagkatapos. Hindi ko pinunasan. Hinayaan ko lang na tumulo habang nakatulala pa rin ako sa hangin. Kung isa lang 'tong malaking biro, sana bawiin na nila kasi hindi nakakatuwa.

Hindi ko matatanggap. Kahit na binalaan na ako na posible talaga 'tong mangyari, hindi ko pa rin matatanggap. Masaya pa kami bago siya operahan. Bakit biglang naging ganito? Bakit biglang hindi niya na ako kilala? Baka naman niloloko lang talaga nila ako kasi alam nilang sobrang masasaktan ako.

"Arkhe? Arkhe." Sunod-sunod akong tinapik ni Amanda na nasa tapat ko na pala ngayon.

Nawala ako sa sarili na hindi ko na namalayang lumabas na pala ang doktor at mga nurse, at kami na lang ulit nila Morris ang nandito sa loob.

Everything I Need [BOOK 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon