Chapter 13

15.4K 569 263
                                    

ARKHE

"KUMUSTA KA NA? Nag-aalala sila Mama sa 'yo, hindi ka pa raw nagpaparamdam."

Napangiti lang ako nang mapait habang kausap si Theo sa cellphone.

Nakatambay ako ngayong hapon dito malapit sa swimming pool ng bahay nila Sab. Mahigit isang linggo na mula ang nangyari sa 'min sa Batangas.

"Ayos lang," sagot ko sa kapatid ko. "Galit pa ba si Mama kay Sab?"

"Hindi naman galit. Nasaktan lang para sa 'yo. Si Unice pala, sobrang naapektuhan. Ayaw nang pumasok sa school. Gusto pang sumama sa 'kin nung bumalik ako rito para mag-sorry kay Isabela. Kumusta ka na ba talaga diyan?"

"Ayos nga lang."

"'Yung totoo?"

Hindi na ako sumagot.

Wala pa kasi talaga akong matinong maiki-kwento sa kanila kaya hindi pa muna ako nagpaparamdam. Hindi ako sanay na nadadamay sila sa mga personal kong problema.

"Oy, Arkhe?"

Napabuntong-hininga na ako. "Hindi ko alam. Hindi ko na alam kung kumusta talaga ako rito."

"Tangina mo, sumagot ka nga nang maayos."

"Hindi pa rin kami nag-uusap ni Sab hanggang ngayon," sinabi ko na. "Maghihiwalay na naman yata kami."

"Sinubukan mo na ba siyang kausapin tungkol do'n sa nangyari?"

"Umiiwas. Kahit nga dina-daga akong lumapit sa kanya kasi baka mapagsalitaan niya na naman ako nang masakit, sinusubukan ko pa rin. Kaso siya talaga 'tong lumalayo. Ang laki-laki yata siguro talaga ng kasalanan ko sa kanya."

Siya naman 'tong hindi nakasagot.

Bumuntong-hininga na lang ulit ako sabay sandal dito sa upuan malapit sa swimming pool. "Madalas siyang umaalis ngayon. Minsan wala naman siyang therapy o training sa opisina, pero umaalis siya. Hindi ko na nga siya naaabutan dito sa bahay. Ewan ko kung paano niya nagagawang umalis-alis habang ganito na nagkakalabuan kami. Kasi ako, simula ang nangyari sa Batangas, hindi na ulit ako nakakilos nang matino. Pero siya, parang normal lang. Parang walang problema."

"Mahal mo pa ba, 'tol?"

Natigilan ako. "Anong klaseng tanong 'yan?"

"Tanong na matino. Mahal mo pa ba? Kasi gago, ako 'tong nahihirapan para sa 'yo. Wag kang magpaka-tanga sa kanya. Babae lang 'yan."

"Hindi basta babae lang si Sab."

"Alam ko. Pero alamin mo rin naman ang halaga mo. Minsan kasi ang tigas din talaga ng ulo mo, e. Dapat alam mo kung hanggang saan ka lang, kung kailan ka dapat tumigil."

Hindi na ulit ako nakapagsalita. Tinamaan ako ro'n kasi alam ko sa sarili ko na hindi talaga ako hihinto pagdating kay Sab.

"Kung balak mo nang umalis diyan sa bahay, sabihan mo 'ko agad," dagdag pa nitong si Theo. "Ako mismo ang susundo sa 'yo riyan."

Hindi pa rin ako sumagot. Hanggang sa binaba niya na lang ang tawag.

Tumingala ako sa langit sabay huminga ulit nang malalim.

Wala akong balak umalis dito. Pinangako ko sa sarili ko nung unang dating ko rito na hinding-hindi ako aalis hangga't hindi kami bumabalik sa dati ni Sab. Paninindigan ko 'yon.

"Looks like you need a drink."

Napatingin agad ako sa gilid ko.

Pinuntahan ako ni Arthur, asawa ni Amanda, inabutan ako ng baso ng alak.

Everything I Need [BOOK 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon