ARKHE
HINDI KO INAKALANG magiging ganito ako kalungkot.
Wala nang tinira sa 'kin si Sab. Ilang beses niya na 'tong ginawa sa 'kin, ilang beses niya na akong pinagmukhang gago. Pero ito ang pinakamatindi. Alam ko sa sarili ko na hindi na talaga ako makakabangon pagkatapos nito. Pagod na pagod na ako sa lahat.
Madaling araw na ako nakauwi sa amin.
Bukas ang bahay. Hindi pala umalis si Theo. Binaba ko lahat ng mga gamit ko mula sa kotse at dumiretso ako ng pasok sa bahay. Pero hindi si Theo ang nandito sa loob. Si Nikola. Naabutan ko siyang mag-isa sa kusina at ang ganda ng ngiti habang may pinanonood sa cellphone.
Napayuko ako. Hindi ko alam kung bakit lalo akong nalungkot ngayong nakikita ko siyang masaya.
Nagulat naman siya sa pagdating ko. Binaba niya agad ang cellphone niya sabay napatuwid sa pagkakaupo. "H-Hello!"
Hindi ko siya pinansin. Initsa ko lang ang mga gamit ko sa sopa.
"Sorry," sabi niya naman ulit. "Pinapunta ako ni Theo rito, eh. Hindi namin alam na uuwi ka pala ngayon. Pero paalis na rin naman kami, nagbibihis lang si Theo."
Hindi pa rin ako nagsalita. Wala ako sa sarili. Sa totoo lang hindi ko nga masyadong naiiintindihan kung anong sinasabi niya. Kaunti na lang at alam kong tuluyan na akong bibigay dahil sa bigat ng nararamdamanan ko.
Pumunta ako sa kusina at nagbukas ng ref para kumuha ng maiinom. May bote ng alak si Theo rito kaya 'yon ang kinuha ko. Binuksan ko agad at tinungga.
Si Koko, nakatingin lang ro'n sa mga gamit na initsa ko sa sala. "Ang dami mong dala. Dito ka na ba ulit?"
Hindi pa rin ako sumagot.
Nilipat niya ang tingin niya sa 'kin at bigla siyang napakunot ng noo. "Okay ka lang? Namumutla ka. May nangyari ba sa 'yo?"
Muli akong tumungga sa bote ng alak, at saka ko siya nilapitan. Nilagay ko 'tong bote sa mesa sabay titig sa kanya nang diretso sa mga mata.
Umiwas naman agad siya ng tingin na halatang nailang. "B-bakit ka ganyan makatitig?"
Binaba ko ang tingin ko sa isa niyang kamay na nasa mesa at hinawakan iyon. Pero nataranta siya at mabilis niya iyong binawi. "Arkhe."
Napangiti na lang ako nang mapait habang nakatitig na ulit sa kanya. "Namimiss kita."
"H-ha?"
"Sana pala ikaw na lang ang pinili ko. Siguro masaya ako ngayon."
"T-teka, hindi kita maintindihan."
Wala na akong sinabi pagkatapos. Basta hinawakan ko na lang ang isang pisngi niya at nilapit agad ang mukha ko para sana halikan siya sa labi. Pero saktong-sakto ang pagdating ni Theo.
Ang bilis niya akong sinugod at sinapak sa mukha. "TANGINA KA!"
"Theo! Tama na!"
Wala na akong lakas kaya halos tumalsik agad ako sa sahig.
Sasapakin pa nga sana ulit ako ni Theo, pero hinarangan na siya ni Nikola. "T-tama na, please, kapatid mo 'yan."
Tinaboy niya lang naman si Nikola at dinuro niya ako na hinang-hina rito sa sahig at kumikirot ang gilid ng mata. "Tarantado ka talaga, 'no? Girlfriend ko na 'to, baka nakakalimutan mo!"
"Theo!" awat ulit ni Nikola. "Walang nangyari. Huwag mo na siyang saktan."
Pero hindi pa rin inalis ni Theo ang matalim niyang titig sa 'kin. "Wala kang utang na loob, gago ka. Kung malungkot ka tangina wag kang mangdamay!"
Hindi ako lumaban kasi alam kong wala naman talaga akong kalaban-laban. Tama lang 'to sa 'kin. Tama lang na masapak ako nang ganito para tuluyan na akong matauhan.
Wala naman na ulit siyang sinabi pagkatapos. Bigla niya nang hinila si Nikola at umalis na sila ng bahay.
Naiwan akong nakasalampak dito sa sahig at nakasandal sa dingding habang tinitiis ang pagkirot ng gilid ng mata ko. Pumikit ako at doon na ako tuluyang napaiyak. Kanina ko pa gustong-gusto na ilabas ang mga 'to, pero ngayon lang bumuhos.
Tahimik akong umiyak at inisip kung papaano ako humantong sa ganito. Hindi ako ganito. Sa sobrang sakit ng ginawa sa 'kin ni Sab, nawala na ako sa tamang pag-iisip. Hindi ko na alam kung anong tama at mali. Wala akong intensyon na saktan si Nikola at Theo, pero hindi ko alam kung bakit ko ginawa 'yon. Sobra na akong nabaliw.
Sinandal ko ang ulo ko sa dingding at tumuloy sa pag-iyak para mailabas lahat ng bigat na kanina ko pa dala-dala. Sa dami ng pinagdaanan ko sa araw 'to, ngayon lang ako nakaiyak. Parang hindi na nga yata ako titigil.
Si Theo, kahit isang beses hindi kami nag-away. Hindi kami nagkasakitan. Pero ngayon ako mismo ang sumira sa relasyon namin bilang magkapatid. Buti nga hindi niya ako nagulpi. Kilala ko siyang magalit. Hindi talaga siya nakakapag-pigil ng sarili niya.
Napaka-gago ko kasi, hindi ako nag-iisip. Siya na nga ang naging kasangga ko sa lahat. Karamay ko siya sa bawat problema ko kay Sab, pero ngayon wala na rin siya. Pakiramdam ko wala ng natira sa 'kin. Durog na durog na ako na hindi ko na alam kung papaano pa ako mabubuo ulit.
HINDI KO NA namalayan kung gaano ako katagal dito sa sahig.
Tuloy-tuloy pa rin ako sa pag-iyak kahit sobrang kirot na ng pasa ko sa mata. Hanggang sa narinig ko na lang ang pagbabalik ni Theo.
Padabog siyang pumasok sa bahay. Nakita niya ako na hindi pa rin tumatayo, pero hindi niya ako pinansin at dumiretso lang siya sa kwarto.
Paglabas niya, dala niya na ang mga gamit niya.
Nilapitan niya ako at tinitigan nang matalim. "Wala na kami ni Nikola. Babalik na 'ko sa Batangas." Tapos ay bigla niyang initsa sa 'kin ang susi ng kotse. "Ayusin mo 'yang buhay mo. Ligaw na ligaw ka na."
Nang tuluyan na siyang nakaalis ng bahay, napapikit na lang ako at muling umiyak. Binuhos ko na lahat kasi ayoko na ulit itong maulit. Ito na ang huling beses na iiyak at masasaktan ako ng ganito.
Nagtagal pa ay pinilit ko na ring tumayo mula sa sahig kahit wala na talaga akong lakas. Hindi ko na maidilat ang isang mata ko nang maayos dahil nag-umpisa nang mamaga. Kinuha ko ang susi ng kotse at lumabas ng bahay para magmaneho.
Wala sa sarili kong pinaharurot 'tong sasakyan at hinayaan kung saan ako mapadpad.
Hindi ko na maintindihan kung anong nangyayari sa 'kin. Nadamay ko pa sina Theo at Koko sa sarili kong problema. Sa kabibigay ko, naubos na ako at hindi na makilala ang sarili ko. Masayahin akong tao, pero hindi ko inasahan na aabot ako sa puntong gusto ko na lang mawala para matapos na lahat.
Iniisip ko kung saan ako nagkulang. Mula umpisa naman, ang ginawa ko lang ay ang mahalin si Sab. Ilang beses akong lumaban para sa 'ming dalawa. Ilang beses kong binigay sa kanya ang lahat-lahat. Pero sa lahat din ng mga pagkakataong 'yon, sakit lang ang natanggap ko.
Nakakapagod. Ngayon ko lang naramdaman ang pagod na pagod na talaga ako at sagad na sagad na. Ayoko nang mabuhay nang ganito.
Mas pinaharurot ko pa 'tong sasakyan at wala na akong pakialam kung may mga bumubusina na sa 'kin. Pinilit kong tumitig nang diretso sa daan kahit na hindi na ako makadilat nang maayos at punong-puno na ng luha ang mga mata ko.
Tatapusin ko na lahat ngayon. Binitiwan ko ang manibela at dahan-dahan akong pumikit.
Sana sa susunod kong buhay, wala ng lungkot.
Love this story? Support me on Patreon and help me keep writing beautiful novels: www.patreon.com/barbsgaliciawrites.
BINABASA MO ANG
Everything I Need [BOOK 2]
General Fiction[COMPLETED] After a life-altering surgery, Isabela Rose Santiaguel's memories of her beloved Arkhe Alvarez vanish into thin air. Can Sab's heart rekindle what her mind has lost, or is it time for Ark to reconstruct a new life without her? ***This is...