ARKHE ALVAREZ
Batangas, Philippines
"ARKHE, BAKIT HINDI ka pa nakabihis?" tanong agad sa 'kin ng kapatid kong si Theo pagkapasok niya rito sa kwarto ko sa bahay. "Baka ma-late ka sa kasal."
Bumangon ako mula sa pagkakahiga sa kama sabay umupo sa gilid bago ko siya sinagot. "Anong oras ba ako kailangan do'n sa simbahan?"
"Tangina, malay ko sa 'yo. Ikaw 'tong abay nila Baron. Tsaka 'di ba sa hotel ka pa muna nila dederetso?" Lumapit siya sa 'kin. "Ano ba, ayaw mo bang pumunta?"
Hindi ako sumagot.
"Tinawagan na ako kanina ni Baron," dagdag niya. "Tinatanong niya kung papunta na raw ba tayo. Hindi ka raw kasi sumasagot sa mga tawag niya. Ba't ba hindi ka sumasagot?"
"Hindi ko naririnig. Naka-silent ang cellphone ko tas naka-charge."
"Mag-ayos ka na. Baka ma-trafik pa tayo papuntang Tagaytay." Tinapik niya ako sa balikat, tapos naglakad na ulit siya palabas. "Hihintayin na lang kita sa kotse."
Pagkasara niya ng pinto, napasabunot na lang ako sa buhok ko na hindi ko pa rin napapa-gupitan.
Ngayong araw ang kasal nila Desa at Baron sa Tagaytay.
Nakaabot ako. Hinintay muna kasi nilang manganak si Desa bago sila magpa-kasal. Tsaka gusto rin daw talaga nilang makarating ako.
Ako lang 'tong hindi buo ang loob sa pagpunta. Hindi naman sa ayoko talagang dumalo ro'n. Syempre gusto ko silang suportahan at makitang kinakasal. Kaso hindi ko pa rin kasi talaga kaya. Ang hirap-hirap pa ring umarte at magpanggap sa lahat na ayos lang ako.
Apat na buwan na mula nung umuwi ako rito sa Pinas galing New York. Pero hanggang ngayon, sariwa pa rin ang sakit na naranasan ko ro'n. Parang kahapon lang nangyari lahat.
Hindi pa nga ako nakakabangon. Hindi pa ako nakakabalik sa trabaho. 'Yong utol ko pa rin ang namamahala sa Third Base. Wala e. Wala na akong gana sa lahat ng bagay. Ngayong kasal nila Baron na nga lang ulit ako haharap sa ibang tao.
Tuluyan na 'kong tumayo mula rito sa kama para mag-umpisa nang magbihis.
Kinuha akong abay nila Baron. Hindi sana ako papayag dahil nga sa sitwasyon ko, pero gusto ni Medel. Minsan lang humiling ng gano'n sa 'kin 'yon.
Hindi niya pa alam ang buong nangyari sa 'kin sa New York. Hindi ko pa sinasabi sa kanya. Hindi pa nga kami nagkikita mula nung nakabalik ako. Si Theo lang ang pinapaharap ko sa kanya. Sa telepono pa lang kami nagka-usap, tapos ang sinabi ko lang sa kanya, mag-isa na lang ako ngayon. Hindi ko kinwento na nawalan ng alaala si Isabela at nakalimutan ako.
Hindi niya na rin naman ako tinanong. Siguro nakaramdam din siya na ayoko munang magkwento. Ang hirap kasi. Kada may magtatanong sa 'kin kung nasaan si Isabela at kada magki-kwento ako, mas nalulungkot ako. Kaya nga nandito lang muna ako sa pamilya ko sa Batangas.
Si Isabela, wala na 'kong balita sa kanya simula nung umalis ako sa New York.
Hindi ko alam kung ano nang nangyari sa kanya ro'n sa Amerika—kung tuluyan na ba siyang gumaling o kung naaalala niya na ba ako. Hindi ako nakikibalita kay Amanda. Ayoko na kasing mas lalo pang malugmok kapag may nalaman na naman akong hindi ko magugustuhan. Durog na durog na 'ko ngayon, hindi ko na kaya ng dagdag pang sakit. Ayos na 'tong wala na lang akong alam tungkol sa kanya.
Pagkatapos kong magbihis, tinali ko lang 'tong kalahati ng humaba ko ng buhok tas kinuha ko na ang naka-hanger kong amerikana. Lumabas ako ng kwarto at bumaba pagkatapos.
Nagpaalam ako kila ermat bago dumiretso sa labas. Nasa loob na ng kotse si Theo, naghihintay.
"O, ayos ka na?" tanong niya agad sa 'kin pagkabukas ko ng pinto sa likod para isabit 'tong amerikana.
BINABASA MO ANG
Everything I Need [BOOK 2]
General Fiction[COMPLETED] After a life-altering surgery, Isabela Rose Santiaguel's memories of her beloved Arkhe Alvarez vanish into thin air. Can Sab's heart rekindle what her mind has lost, or is it time for Ark to reconstruct a new life without her? ***This is...