Chapter 10

18K 544 82
                                    

ARKHE

"KAILAN PA NAGING ganyan si Isabela?"

Napahinga ako nang malalim sa tanong ni Theo. Magkasama kami ngayon kasi umuwi muna ako sa bahay. Niyaya ko siyang uminom para gumaan-gaan naman ang pakiramdam ko.

"Ilang linggo na rin," sagot ko sa kanya. "Nagsimula 'to nung nakita niya ang nangyari sa 'min ni Morris. Ewan ko nga kung dahil ba ro'n o may iba pa siyang nararamdaman na hindi niya sinasabi sa 'kin."

"Kinausap mo na ba siya? Baka dapat mag-usap kayo nang masinsinan."

Napangisi ako habang nakatitig dito sa baso ko ng alak. "Paanong mag-uusap nang masinsinan e hindi ko nga makasama. Halatang umiiwas."

"Nasa iisang bahay na lang kayo brad, hirap ka pa?"

"'Yun na nga. Nakatira na nga sa iisang bahay pero parang ang layo-layo niya pa rin." Bumuntong-hininga ulit ako. "Hindi ko talaga maintindihan kung anong nangyari ba't bigla siyang naging gano'n. Nung umalis siya ng bahay nang walang paalam, medyo nagduda na ako. Tapos nagsunod-sunod na ngayon. Hindi na rin siya nagpapahatid at sundo sa 'kin kapag may therapy siya o kailangang pumunta sa opisina. Inuutusan niya na lang ang driver. Tinanong ko siya kung bakit, ang sagot niya lang naman, baka raw kasi pagod ako . . .

. . . Tsk, hindi naman ako pagod. Ewan ko kung saan niya nakuha na pagod ako, samantalang dati ayos naman kami na ako ang tagahatid-sundo niya. Biglang nagbago lahat. Pati sa pag kain, bihira ko na rin siyang makasabay. Sa totoo lang 'tol, hindi ko na alam kung ano pang ginagawa ko sa bahay nila. Parang nakikitulog na lang ako ro'n."

Huminga rin siya nang malalim. Pati siya namomroblema na sa pinagdadaanan ko. Ilang oras na kaming magkasama pero ito lang ang pinag-uusapan namin.

"Alam na ba 'to ni Amanda?" tanong niya.

Tumango ako. "Nabanggit ko na nung isang araw kasi hindi ko na kayang kimkimin. Pero sabi niya, nagtataka rin daw siya kasi hindi rin siya masyadong kinakausap ni Sab. Lalo tuloy akong nag-alala e."

"Baka na kay Isabela talaga ang problema, wala sa 'yo. Wag ka masyadong mag-isip isip."

"Tsk, hindi ko lang kasi talaga maintindihan. Ayos na kami. Malambing na ulit siya no'n, masaya na kami. Pero sa isang iglap, parang bumalik na naman ako sa umpisa. Parang mawawala na naman siya sa 'kin."

"Hindi naman siguro sa gano'n. Hintayin mo lang. Siguradong babalik din sa dati si Sab."

"Maghihintay naman talaga ako, basta para sa kanya. Ang mahirap lang kasi, hindi malinaw 'tong sitwasyon. Kung alam ko lang kung anong eksaktong pinagdadaanan niya, magiging madali lahat. Tutulungan ko pa siya."

"Mahirap nga 'yang ganyan. Mahirap solusyonan ang bagay na hindi mo alam kung paano nag-umpisa." Uminom siya sa baso niya ng alak. "Ano palang balita ro'n kay Morris?"

"Ewan ko, patay na yata ang animal na 'yon."

Natawa siya. "Hindi na ulit nagparamdam?"

"Hindi na. Sabi ni Amanda, nakausap niya na raw. Pinalayo na niya kay Sab. Kaya siguro hindi na ulit tumungtong sa bahay."

"Malamang natakot din sa 'yo 'yon. Dapat kasi sinapak mo na."

"Sa yabang no'n tangina hindi matatakot 'yon. Tsk, ba't kasi sumama-sama pa 'yon dito. Sana pumirmis na lang siya sa Amerika."

Napaisip siya saglit bago ulit nagsalita. "Ba't kaya hindi mo na lang ipaalam kay Sab ang tungkol kay Morris, para si Sab na mismo ang lumayo?"

"Kung hindi pa tumigil si Morris, gagawin ko na nga dapat talaga 'yan. Ilalabas ko na lahat ng baho niya kay Sab kahit na alam kong magagalit si Amanda sa 'kin at baka hindi rin kayanin ni Isabela. Hindi pa kasi namin alam kung anong magiging epekto sa kanya ng gano'ng kabigat na alaala kaya hindi pa namin kini-kwento."

Everything I Need [BOOK 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon