ARKHE
NAWALA NA AKO sa sarili buong araw.
Kanina pa kami nakabalik ni Sab dito sa bahay, pero hanggang ngayon na lumalalim na ang gabi at halos patapos na ang party sa labas, tumatakbo pa rin sa isip ko lahat ng sinabi niya sa 'kin.
Hindi na tuloy ako nakakilos nang maayos. Pinipilit kong tulungan na lang sila Mama sa pag-aasikaso sa mga bisita namin para kahit papaano, malipat naman sa iba ang atensyon ko. Kaso hindi talaga ako makapag-concentrate. Lumulutang 'tong utak ko. Ramdam din nila Mama na wala ako sa sarili kasi panay ang pangungumusta nila ni Theo sa 'kin.
Wala e, hindi ko kayang itago 'tong lungkot ko. Dinadaan ko na nga lang din sa alak. Ilang bote ng beer na ang nauubos ko habang pinapagod ang sarili para mamaya makatulog na lang ako agad at hindi na magisip-isip. Gusto ko na lang talagang mamanhid at wala nang maramdamang lungkot.
Ang tanga ko lang kasi na hindi ko man lang nalaman na ako pala ang mali kaya nagkakagano'n si Sab. Na hindi na pala siya masaya sa mga ginagawa ko. Hindi ko ugali ang nananakal sa relasyon, pero 'yon na pala ang nararamdaman niya.
Hindi pa ulit kami nag-uusap nang maayos. Isang tanong, isang sagot lang siya palagi simula noong makabalik kami dito.
'Yong surprise party ni Unice, tinuloy pa rin. Nakakahiya naman daw kasing hindi ituloy sabi ni Mama dahil may mga bisita na at may dala ng mga pagkain. Pagpahingahin ko na lang daw muna si Sab sa kwarto ko para hindi maingayan. 'Yon na nga rin sana ang balak ko, lalo't wala na talaga siya sa mood.
Kaso kanina, si Sab na rin naman mismo ang kusang lumabas nung nag-umpisa nang mag-videoke ang mga kamag-anak ko. Mag-isa lang siya sa mesa at pinanonood ang mga kumakanta. Siguro naisip niya na i-enjoy na lang din kasi wala na rin naman siyang choice.
Hindi ko siya masyadong sinasamahan nang matagal kasi baka gusto niya muna akong layuan. Pero inaasikaso ko pa rin naman siya. Ngayon nga hinahandaan ko siya ng dessert. Chocolate cake.
"Kuya Arkhe?"
Napatigil ako sa paghihiwa ng cake sabay lingon sa likod. Si Unice, pinuntahan ako rito sa kusina.
Ngayon ko na lang ulit siya nakita kasi ang kwento ni Mama sa 'kin, nahiya raw kanina 'tong si Unice at biglang umuwi nung nalaman ang nangyari kay Sab.
"Oy," sabi ko lang sa kanya at tumuloy na ulit sa ginagawa ko. Medyo tinatamaan na ako ng alak kaya wala na ako masyado sa wisyo na makipag-usap.
"Kuya Arkhe, sorry."
Ngumiti ako. "Ayos lang 'yon. Hindi mo naman sinasadya."
"Galit ka ba sa 'kin?"
"Hindi. Wag ka nang malungkot."
"Pero hindi ko kayang hindi malungkot dahil sa nagawa ko kay ate Sab."
"Hayaan mo na 'yon. Okay naman na siya, nabigla lang."
"Sorry. Gusto ko lang naman pasayahin si ate Isabela kaya ako nag-plano ng surprise. Na-miss ko kasi siya e. Nahihiya tuloy ako sa inyo. Sorry, kuya Arkhe."
"Ayos na nga, wag mo nang isipin. Punta ka na ro'n sa labas, kumanta ka na lang para makarinig naman ako ng magandang boses."
"Galing na nga ako ro'n, eh. Pinuntahan ko si ate Isabela. Kinapalan ko na ang mukha ko at nag-sorry rin ako sa kanya nang personal."
Napatingin ulit ako sa kanya. "Kinausap ka naman niya? Anong sabi?"
"Wala nga, eh. Ngumiti lang. Pero binigyan ko siya ng niluto kong pagkain, tapos kumain naman siya."
BINABASA MO ANG
Everything I Need [BOOK 2]
General Fiction[COMPLETED] After a life-altering surgery, Isabela Rose Santiaguel's memories of her beloved Arkhe Alvarez vanish into thin air. Can Sab's heart rekindle what her mind has lost, or is it time for Ark to reconstruct a new life without her? ***This is...