Chapter 25

14.7K 578 111
                                    

ARKHE

"KUMUSTA NA ANG pakiramdam mo?" tanong sa 'kin ni Patrice pagkapasok namin sa bahay. Hinaplos niya pa ako sa pisngi para tingnan kung mainit pa ako.

"Ayos na," sagot ko sa kanya. "Nakatulog na ako kanina pagkatapos kitang tawagan."

"That's good. Did you take your sleeping pills?"

"Hindi. Nakatulong naman 'yung gamot sa lagnat para antukin ako."

"Okay. Let's eat? Nag-takeout ako ng food para sa 'yo, galing sa restaurant na kinainan namin ni Rose." Dumiretso na siya sa kusina para ihanda ang dala niya.

Sumunod lang ako. "Ano 'yan?"

"Japanese food. Iinitin ko lang saglit. Umupo ka na muna riyan."

"Ako na lang ang mag-iinit."

"Ako na, okay lang. Kagagaling mo lang sa lagnat, eh." Nginitian niya ako bago siya tumalikod.

Umupo na lang din ako at pinanood siya.

Ilang buwan na kaming nagsasama ni Patrice, pero kahit isang beses hindi ko naramdaman na nagsawa o napagod siya sa pag-aasikaso sa 'kin. Minsan nga pakiramdam ko, sobra-sobra na ang ginagawa niya.

Si Patrice ang nag-ahon sa 'kin mula sa pinaka-lugmok na parte ng buhay ko.

Matagal na sana akong wala ngayon kung hindi niya ako niligtas at pinagsikapan na pagalingin. Dahil sa kanya, nalampasan ko 'yung mga araw na akala ko hindi ko malalampasan.

Naaalala ko pa nung nagkamalay ako sa ospital pagkatapos ng aksidente, ang sama ng loob ko kasi nabuhay pa ako. Kulang yata ang bilis ng pagmamaneho ko kaya hindi ako natuluyan. Galit na galit ako kasi gusto ko na talagang mawala. Kaya kahit hindi ko pa kilala si Patrice no'n, nakiusap ako sa kanya na ilayo na lang ako, para kahit papaano, magkaroon ako ng ibang buhay.

Ang gaan agad ng loob ko kay Patrice at naramdaman kong mabuti siyang tao. Hindi niya nga ako sinukuan kahit mukhang wala na talaga akong pag-asa. Hindi kasi ako nakalakad pagkatapos ng aksidente. Ang dami kong naramdamang sakit no'n na tipong akala ko hindi na ako magtatagal. Nag-tyaga lang talaga siya sa 'kin. Siya ang naging katuwang ko sa lahat.

Hindi ko masasabi na magaling na ako ngayon. Madalas pa rin akong magkasakit at binabangungot dahil sa mga nangyari. Kaya nga kung anu-ano pang gamot ang kailangan kong inumin para lang makaraos sa araw-araw. Gusto kong bumalik sa normal, pero hindi ko na alam kung paano ulit mag-uumpisa. Ang daming nagbago sa 'kin. Lahat ng hilig ko, pangarap ko, at 'yong totoong Arkhe—nawala. Para bang namatay na sila ro'n sa aksidente.

Iba na ako ngayon. Kahit ako mismo, hindi ko na kilala ang sarili ko. Hindi ko pa ulit nakikita ang pamilya ko at mga kaibigan ko. Wala na rin akong trabaho o kahit na anong pinagkakakitaan kasi wala na akong ganang kumilos. Nawalan ako ng direksyon sa buhay. 'Yung natitirang ipon ko na lang ang ginagamit ko pantulong kay Patrice dito sa bahay kasi ayoko namang magmukhang nakikitira lang.

Napaka-espesyal sa 'kin ni Patrice. Sa totoo lang, siya na lang ang dahilan kung bakit ako gumigising.

Kahit kailan hindi niya pinaramdam sa 'kin na pabigat ako. Simula noong nakasama ko siya, naging tahimik lahat. Simple lang kami, pero masaya. Payapa. Basta nasa tabi ko siya, maayos ako.

"Oo nga pala," biglang nagsalita si Patrice kaya napabalik ulit ako ng atensyon sa kanya. "May ipatitikim ako sa 'yo. Tingnan mo diyan sa isang paper bag."

Sinilip ko naman 'yung paper bag na tinutukoy niya. "Ano 'to?"

"Cookies. Tikman mo dali, sobrang sarap niyan."

Everything I Need [BOOK 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon