ARKHE
HINDI KO ALAM kung paano ko pa nagawang makauwi nang buhay.
Buong byahe pabalik sa bahay nila Isabela, nagdidilim lang ang paningin ko. Tangina, nanginginig ako sa galit. Gustong-gusto ko silang suguring dalawa kanina at gulpihin nang harap-harapan si Morris, pero nagpigil ako ng sarili. Mas gusto ko munang makausap si Isabela at malaman kung bakit niya ako niloko nang ganito.
Nakabalik agad ako sa bahay nila at sa garden muna ako dumiretso para magpakalma ng sarili.
Umupo ako sa kahoy na bangko at kinuskos ang mga kamao ko na kanina pa nanginginig. Hindi ako makapag-isip nang maayos. Gusto kong umiyak at ilabas lahat ng galit at sama ng loob na nararamdaman ko.
Ang dami kong hindi maintindihan, eh. Akala ko ba nanahimik na si Morris? Akala ko naasikaso na siya ni Amanda? Pero demonyo pala talaga ang animal na 'yon, patalikod kung kumilos. Ngayon malinaw na kung bakit biglang nag-iba ang asta sa' kin ni Sab. Ang galing nilang magtago, tangina, hindi ko man lang nahalata.
Hinintay kong makauwi si Isabela sa bahay. Inabot na ako ng hating gabi dito sa labas, tulog na halos ang mga tao, at saka lang siya dumating.
Parang wala pa nga siyang balak na makipag-usap. Pagkababa niya ng kotse, tiningnan niya lang ako na naghihintay sa garden, tapos dapat ay papasok na agad siya sa loob ng bahay.
Ibang klase. Tinawag ko na lang. "Isabela."
Natigilan siya sabay lingon sa 'kin. Medyo madilim na rito sa labas, pero pansin ko pa rin ang pagsalubong ng mga kilay niya. Siguro dahil sa tono ng boses ko at sa binanggit kong pangalan. Hindi ko na kayang maging malambing at tawagin siya sa palayaw ko sa kanya.
Nilapitan niya naman na ako. "Yes?"
"Umupo ka." Tinuro ko ang katapat kong bangko.
Huminga siya nang malalim. "Bakit ba? I'm sleepy already. Gusto ko nang umakyat."
"Umupo ka muna," diin ko. "Mag-usap tayo."
Halata kong nabigla siya, pero hindi na siya lumaban. Umupo na lang siya sa katapat na bangko at hindi na tumitingin sa 'kin.
Ako, titig na titig ako sa kanya. Iniisip ko kung paano nagawa ng ganito kabait at ka-inosenteng itsura ang manakit ng ganito katindi. Tangina, sagad sa buto. Gusto ko siyang pagsalitaan nang masasakit ngayon, pero gusto ko pa rin siyang respetuhin. Alam ko rin naman kasing hindi pa naman talaga siya gumagaling nang tuluyan.
"Saan ka galing?" nagtanong na ako.
Hindi siya sumagot. Ni hindi niya pa rin ako tinitingnan.
"Isabela. Tinatanong ko kung saan ka galing?"
Bumuntong-hininga na naman siya. "I had my therapy. Na-reschedule ang session kaya ngayon ako pumunta."
Sinungaling. "Masyado naman yatang gabi 'yang therapy mo. Sinong kasama mo papunta sa ospital?"
"Wala. Just me and my bodyguard."
Sinungaling talaga.
Napapaisip tuloy ako ngayon kung totoo pa ba lahat ng mga ginagawa niyang therapy at pag-aaral sa opisina, o palusot niya na lang ang mga 'yon para makapag-kita sila ni Morris. Ang tanga ko at nauto ako.
Napangisi na lang ako at tinitigan na siya nang matalas. "Kailan pa, ha?"
"What?"
"Kailan mo pa ako niloloko?"
Bigla siyang natawa. "Are you drunk? What are you talking about?"
Umigting ang panga ko. Hindi ko mapigilang hindi magalit. "Ganyan ka na ba talaga ngayon?"
BINABASA MO ANG
Everything I Need [BOOK 2]
Художественная проза[COMPLETED] After a life-altering surgery, Isabela Rose Santiaguel's memories of her beloved Arkhe Alvarez vanish into thin air. Can Sab's heart rekindle what her mind has lost, or is it time for Ark to reconstruct a new life without her? ***This is...