ARKHE
'Kapag may mahal ka, wag mong pakakawalan.'
Buong byahe na paulit-ulit sa utak ko ang mga salitang 'yon.
Pakiramdam ko nagkakasala ako kasi nung sinabi 'yon ni Sab, walang ibang tao na pumasok sa isip ko kung 'di siya lang.
Alam kong ang Third Base ang tinutukoy niya, pero siya agad ang una kong naisip. Sa totoo lang, lahat ng mga sinabi niya sa 'kin kanina, hindi ko na nakalimutan. Apektadong-apektado ako.
Kanina pa rin tuloy ako balisa at nagpipigil ng iyak dito sa kotse na naghahatid sa 'kin pauwi. Ewan ko kung paano ko haharapin si Patrice mamaya kasi ang gulo ng utak ko ngayon. Hindi ko na maintindihan kung anong nararamdaman ko.
Una, hindi pa rin ako makapaniwala na wala na si Amanda.
Hindi ko lang sinasabi, pero sobrang nalulungkot at nanghihinayang ako kasi hindi maganda ang naging huling pag-uusap namin. Kung alam ko lang na 'yon na pala ang huling beses na makikita ko siya, sana kinausap ko siya nang maayos. Sana sinabi ko sa kanya lahat ng nararamdaman ko at lahat ng nangyari sa 'kin, at hindi lang siya basta binalewala na para bang wala kaming pinagsamahan.
Nung tinawagan ako ni Arthur kanina para ibalita ang nangyari, pakiramdam ko ako 'yung nawalan ng ka-pamilya. Hindi ko napigilan ang sarili ko na mapaiyak sa sasakyan. Ang nasa isip ko pa no'n, si Sab.
Alam kong mabigat ang mga nangyari sa pagitan namin, pero bigla kong nakalimutan lahat ng 'yon. Lalo na nung sinabi ni Arthur na ilang araw hindi nagising si Sab dahil sa pagkawala ni Amanda, at ngayon, palagi na lang nakatulala sa kawalan. Ayaw pang umuwi sa bahay. Natatakot siya na baka kung anong gawin ni Sab sa sarili nito.
Doon din ako kinakabahan. Kilala ko kung paano malungkot si Sab. Pero sa buong oras na magkasama kami kanina, aminado ako sa sarili ko na hindi lang basta awa at pag-aalala ang naramdaman ko.
Ito na nga ang pinaka-kinatatakutan ko, eh. Isa sa mga dahilan kung bakit ayokong makipag-kita at makipag-usap sa kanya kasi alam kong may babalik. At 'yun 'yong lahat ng nararamdaman ko para sa kanya na pilit kong binabaon sa limot.
Pinoprotektahan ko ang sarili ko para hindi na ulit ako masaktan. Pinipilit kong umakto na matapang at wala ng pakialam sa kanya para tuluyan na akong makapamuhay nang maayos. Pero dahil lang sa saglit na pagsasama namin kanina, natibag agad 'yung pader na hinarang ko sa puso ko.
Gano'n pala talaga 'yon. May isang tao talaga sa buhay natin na hinding-hindi natin malilimutan. Yung kahit pa gaano karaming masasakit na bagay ang pinagdaanan niyo, kahit pa may nakilala ka ng bagong mamahalin, at kahit pa alam mong nakaraos ka na sa sakit, siya pa rin talaga ang laman ng puso at isip mo. Para sa 'kin, si Isabela ang taong 'yon.
Ang dami kong napagtanto dahil sa mga sinabi niya sa 'kin kanina. Akala ko, sinadya niyang makipag-kaibigan kay Patrice para guluhin kami, pero wala pala siyang intensyon na gano'n. Ang gago ko na pinag-isipan ko agad siya nang masama nang hindi man lang siya kinakausap.
At nung inisa-isa niya sa 'kin lahat ng mga pagsubok sa buhay na nagawa niyang lampasan, nanliit ako.
Hiyang-hiya ako para sa sarili ko kasi wala naman talaga ako sa kalingkingan ng mga pinagdaanan niya. Ako, nasaktan lang sa pag-ibig. Siya, nawala na lahat sa kanya, pero siya pa rin 'tong mas nakaintindi sa sitwasyon namin. Wala na talaga akong kasing gago. Wala na akong kasing duwag, aminado ako ro'n.
Sinandal ko ang ulo ko rito sa upuan ng kotse para pilitin pa ring pigilan ang mga luha ko.
Nakakapanghinayang lahat ng nangyari sa 'min ni Sab. Gusto ko siyang balikan ngayon, e. Gusto kong pabalikin 'tong sasakyan sa kanila para mayakap ko ulit siya at masabi ko kung gaano pa rin ako nasasaktan na wala na siya sa buhay ko.
BINABASA MO ANG
Everything I Need [BOOK 2]
Ficción General[COMPLETED] After a life-altering surgery, Isabela Rose Santiaguel's memories of her beloved Arkhe Alvarez vanish into thin air. Can Sab's heart rekindle what her mind has lost, or is it time for Ark to reconstruct a new life without her? ***This is...